| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, October 24, 2005

Bibilhin na ng city government

20M piso halaga ng dumpsite sa Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño

Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela

San Pablo City – Sa kabila ng mariing pagbabanta ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kakasuhan sa Korte si Mayor Vicente Amante kapag ‘di nito isinara hanggang Pebrero 2006 ang kasalukuyang dumpsite ng lungsod na ito sa Sitio Balok. Brgy. Sto. Niño, ay inapbrubahan naman ng Sangguniang Panglunsod ang mahigit 20 milyong pisong pagbili ng nasabing lugar.

Maigting na isinulong ni Konsehal Diosdado Biglete, chairman ng solid waste management committee, ang nasabing pagbili nga ng lupain noong nakaraang sesyon ng Konseho ng Oktubre 18. At sa sesyon naman ng Oktubre 25, inaasahang aaprubahan ng mayoryang miyembro ng Konseho ang Item No. 2005-424 para sa 1st endorsement upang mapagtibay na ang Contract to Sell sa pagitan nina Amante, bilang kinatawan ng lokal na pamahalaan at isang Lilim Cabrera, Jr., kinatawan ng may-ari ng nasabing dumpsite.

Dalawang parsela iyon ng lupa na may sukat na 30,543 square meters at bibilhin ng lokal na pamahalaan sa halagang PhP 10,079,190.00 at 31,000 sq.m. na nagkakahalaga naman ng PhP 10,230,000.00.

Ayon sa dalawang Contract to Sell, mismong lokal na pamahalaan ang siyang nag-alok sa mga Cabrera na bibilhin nga ang nasabing lugar sa ganoong halaga na huhulugan ng pamahalaan sa nalolooban ng anim na buwan.

Magbabayad agad ang lokal ng pamahalaan ng tig-iisang milyong piso para sa nasabing dalawang parsela ng lupa kapag ganap ng naratipika ng Konseho ang nasabing Contract to Sell.

Mahigit naman sa tig-aapat na milyong piso ang susunod na bayaran sa buwan ng Enero 2006 at panibagong mahigit uli sa tig-aapat na milyong piso sa Mayo 2006.

Pawang mga oja lamang ang kaukulang dokumento na hawak ng may-ari ng nasabing mga lugar at wala pa rin itong ganap na titulo ng lupa. Nakasaad naman sa nasabing Contract to Sell na ang nagbebenta ang siyang gagastos sa pagsasaayos upang magkaroon na nga iyon ng titulo na ipapangalan sa bumili.

Paglilinaw ni Ynares

Sa magkahiwalay na sulat kina Amante at Konsehal Ivy Arago noong buwan ng Setyembre 2005 ni Laguna Lake Development Autthority (LLDA) General Manager at Executive Director of the National Solid Waste Management Committee Dr. Casamiro A. Ynares III, nilinaw ni Ynares na ang rekomendasyon na nakasaad sa July 20, 2005 ay tanging para lamang sa operasyon ng Sanitary Landfill (SLF) at kailangang maghanap ang siyudad ng alternatibong paglalagayan noon sapagkat hindi na nga puwedeng gamitin ang kasalukuyang dumpsite maliban na lamang bilang isang controlled dumpsite bago ganap na sarhan nga ito sa Pebrero 2006.

Pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau

Taliwas naman ang sulat na iyon ni Ynares sa naging resulta ng pag-aaral noong Mayo 2005 ng mga taga-Mines and Geosciences Bureau (MGB), isang ahensya ng pamahalaan na nasa ilalim ng DENR.

Ayon sa executive summary report ng MGB: “With sound additions of engineering and environmental measures, the present open dumpsite of San Pablo City in Brgy. Sto. Niño does not need to be transferred elsewhere. Based on the results of environmental geological investigation, the site location of the existing dumpsite and its propsed expansion areas generally qualifies for sanitary landfill. The site location has least obstacles to overcome the development and conversion of the existing dumpsite into controlled dump and eventually into sanitary landfill.”

Binubuo ang MGB Technical Working Group five-man team nina Ricarte Javelosa, PhD.; Alejandro Montero, Jr., Lutgardo Laraño, Dulcisimo Domingo, at Fely Boston.

Pananaw ng DERETSO

Sa gitna ng kung sino nga ba ang dapat sundin: si Ynares na executive director ng national solid waste at undersecretary ng DENR o sina Javelosa ng MGB, asahang talagang papaspasan ng grupo ni Amante na mabili ang lupa upang kahit papaano’y may mapagbaak-baakan bago magpasko’y.

Matatandaan na magtatapos din ng taong 2004 nang hapiting maipasa ang 25.6 milyong pisong ipinambili sa walang titulong 3.05 ektaryang lupa sa may Brgy. San Jose.

Ito na nga ba ang tatak ngayon ni Amante: ilugmok sa utang ang siyudad?



0 Comments:

Post a Comment

<< Home