| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Thursday, May 18, 2006

City Councilor Assaults Iring Maranan of Deretso Balita!

Here is a video captured last May 16, 2006, wherein City Councilor Edgardo "Egay" Adajar assaults and injured our very own Iring Maranan of Deretso Balita. The assault took place at the regular session of the San Pablo City Council. Iring Maranan is a reporter/columnist of Deretso Balita and host of a local cable TV public affair program of Telmarc channel 17, titled "SAPOL WALANG SABLAY."


Video:




To download this video, click here.
This video is available through Google Videos using search keywords "adajar"or "iring maranan"


Monday, April 24, 2006

Arraignment nina Amante at Andal Reset sa May 26, ‘06

Pang-mayor talaga ng San Pablo. . . at Munti?

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, Abril 22, 2006) San Pablo City – MULING NA-RESET sa May 26, 2006 ang pagbasa ng sakdal kina Mayor Vicente Amante at Abdon Andal sa First Division ng Sandiganbayan kaugnay sa kinakaharap nilang kasong graft and corruption na isinampa naman ng Office of the Ombudsman noon pang April 2005.

Muling nauntol ang arraignment kina Amante at Andal noong March 10 dahilan na rin sa pagsusumite nila ng Motion to Quash noong March 8. Ginawa ang nasabing Motion ng Magsino Santiano & Associates Law Offices na may tanggapan sa Ermita, Manila.

Nauna rito, ilang ulit na ring naantala ang pagbasa nga ng kaso sa dalawang akusado dahilan na rin sa pagsusumite nila ng mga motions at pleadings. Kabilang sa isinumiteng “panalangin” ni Amante ay ang ‘di pagsipot nito sa January 17, 2006 arraignment dahilan na rin diumano sa pagkakaroon nito ng “essential hypertension” bunsod sa naging “hectic schedule” nito sa nakaraang “January 14, 2006 selebrasyon ng city fiesta.” Si Atty. Danilo Cunanan ng Santa Mesa, Manila ang gumawa ng nasabing “panalangin” na may petsang January 26 at natanggap naman ng Sandiganbayan noong January 27.

Nakatakda sanang basahan na ng sakdal sina Amante at Andal sa darating na April 28 matapos na hindi panigan ng Sandiganbayan ang inihain nilang Motion to Quash noon ngang March 8 subalit ine-reset nga ito sa May 26 matapos namang maghain ang panig ng tagausig ng Motion for Attachment of Amended Information.

Sa panayam ng DERETSO sa isang staff ng office of the executive clerk of court ng First Division ng Sandiganbayan noong April 17, sinabi niya na “mooted” na ang usapin ng Motion to Quash dahilan nga sa nakatakdang pagsusumite ng prosecution ng “amended information.”

Ayon pa sa nasabing staff ng Sandiganbayan, “pasasagutin pa sina Amante ng within 15 days matapos na matanggap ng mga ito ang isusumite naman ng prosecutor na sinasabing amended information.”

Sa analisa ng isang abogado na nakapanayam ng DERETSO subalit nakiusap na huwag ng banggitin pa ang kanyang pangalan, nangangahulugan aniya ito na “palalakasin pa ng Ombudsman ang kaso laban kina Amante at Andal.”

“Ayokong pangunahan ang Sandigabayan, pero, ang tinitiyak ko sa inyo, wala ng kawala sina Amante at Andal kung hindi talagang harapin ang kaso. Wala na silang uurungan. Sinayang kasi nila ang January 17. Sana sa halip na medical certificate kuno ang isinumite nila, ‘eh dapat sana rumekta na kaagad sila ng motion sa Supreme Court. Alam ng abogado kung anung motion iyon. Siguro, kinulang sa pisi kaya ‘yun na lamang medical certificate ang ginawa.”

Talaga aniyang uubusin nina Amante ang sa palagay ng publiko na delaying tactic na proseso sa arraignment pa lamang sapagkat kakabit aniya noon ay ang automatic suspension.

‘Pag minamalas-malas pa aniya ay baka suspendido si Amante habang “on-going” ang kaso nito sa Sandiganbayan. Kung magkakagayon pa aniya at matutuloy ang eleksyon sa 2007, mahihirapan na itong mangampanya. Ano aniyang sasabihin nito sa mga botante, ‘iboto ninyo ako kasi may kaso pa akong kinakaharap sa Sandigabayan?’ Papaano kung mapatunayang talagang may kasalanan siya at palagay ng manalong muli siya sa 2007 eleksyon, puwede ba siyang magpatakbo ng ating lungsod habang ito’y nasa National Bilibid Prison sa Muntinlupa?

Kung tutuusin, talagang pang-mayor si Amante… mayor ng San Pablo, at maaari ding maging mayor ng Munti.



Ilagan, Arago at Adriano TINUTULAN

Muling pagutang ng city gov’t ng mahigit 50 milyong piso

(Ulat pananaw ni Iring D. Maranan, Abril 22, 2006) San Pablo City – MARIING TINUTULAN nina Konsehal Martin Ilagan, Ivy Arago at Gelo Adriano sa regular session ng konseho noong April18 ang panukala nina Konsehal Karen Agapay at Diosdado Biglete na nagbibigay ng kapangyarihan kay Mayor Vicente Amante “to enter into negotiated contract with the private sector worth 55 million pesos” para sa diumano’y pagde-develop sa dumpsite ng lungsod na ito. Nakapaloob iyon sa agenda Item No. 2006-143.

“Ipagpaumanhin po ninyo, garapal na po ang ginagawang panlilinlang sa bayan,” humigit kumulang pagbibigay diin ni Ilagan.

“Huwag nating gamitin ang mga ganoong salitang ‘garapal’ sa proseso ng ating pagbobotohan,” humigit kumulang tugon naman ni Konsehal at majority floor leader Alejandro Yu.

Nais isantabi muna nina Ilagan, Arago at Adriano ang nasabing panukala nina Agapay at Biglete upang isalang-alang ang isinasaad naman ng Resolution No.2005-2336 na inaprubahan nila noong November 8, 2005 hinggil din sa pagbibigay ng kapangyarihan kay Amante ng paggalpong ng pera ng bayan.

Ayon sa nasabing resolution na ibinigay kay Amante, “to authorize and give full power to negotiate, borrow and request for a loan/credit facility in the amount of P300M with the Landbank of the Philippines” para naman gamitin sa ipagpapagawa ng “food terminal & central terminal in the amount of P245M and for the rehabilitation & construction of controlled dump facility in the amount of P55M SUBJECT TO THE RATIFICATION OF THE SANGGUNIANG PANGLUNSOD… PROVIDED HOWEVER, THAT THE PROPOSE PROJECTS, THEIR PROGRAM OF WORKS & PROPER PROJECT COST ESTIMATE BE SUBMITTED TO THE SANGGUNIANG PANGLUNSOD, PRIOR TO RATIFICATION.”

Subalit gaya ng mga naunang ginawang pagpapaapruba ni Amante sa Konseho sa kanyang mga proyektong may kinalalaman nga sa paggalpong ng pondo ng bayan, nais niyang “huwag ng patagalin pa ang diskusyon” kabilang ang huwag ng idaan pa sa malalimang pagbusisi.

Partikular na nais ding malaman nina Arago at Adriano ang konkretong plano sa proseso ng pagsasara ng kasalukuyang tapunan ng basura at ang pamamaraan din ng waste segration from the source upang maibsan ang dami ng basurang itinatapon.

Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y wala pa kahit isang barangay chairman sa lungsod na ito ang nagpapaabot sa DERETSO na nagpapatupad na sila ng payak na proseso sa tamang pangangalaga ng basura.

Sa palengke na lamang ng lungsod na ito’y lahat pa rin ng klase ng basura’y itinatapon doon gayong halos lahat ng iyon ay maaaring gawing compost at fertilizer. Mas naiintindihan ng mga barangay chairman sa paligid ng palengke kung papaano araw-araw silang makakakolekta na possible pang hindi naman napapasulit sa kaban ng barangay.

Ipinahayag pa ni Biglete sa nakaraang sesyon na “may nagawa ng plano si city environment & natural resources officer Ramon De Roma hinggil sa waste management.” Diumano pa, naisumite na iyon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Kinumpirma naman ng isang miyembro ng city waste management board na wala pa namang ipiniprisinta sa kanila na sinasabing plano na ginawa si De Roma. Ang grupong ito kasi ang siyang naatasang gumawa ng mga kaukulang hakbang hinggil nga sa pagbabasura ng lungsod na ito.

Muling babangitin ng DERETSO na matagal na rin naming isinusulong ang hinggil nga sa proseso ng segration, recycle and reduction of waste mula sa barangay level. Tila hanggang ngayo’y hindi ito gagap nina Agapay, Biglete, Yu at mayoryang kabig na mga konsehal ni Amante. Mas naiintindihan nila’y ang pagbili ng milyong halaga ng lupa, tarpoline, sasakyan, proteksyon sa video karera, jueteng, fruit game at droga at kung anu-ano pang mas madaling pagkakitaan.

Sumasangayon ang DERETSO sa tinuran ni Ilagan na talagang “garapal” na nga ang Administrasyong Amante sa paggalpong ng pondo ng bayan.



Toyota, pinangunahan ang Earth Day 2006 celebration

"Driven By The Will To Serve"

(Ulat ni Byron R. Emralino, Abril 22, 2006) Santa Rosa City – IPINAGDIWANG sa lungsod na ito noong April 18 ang Earth Day sa compound ng Toyota Special Economic Zone (TSEZ) bilang pagkilala sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan.


Magkatuwang dito ang Toyota Motor Philippines Corporation (TMP), Toyota Motor Philippines Foundation, Inc. (TMPF) at ang pamahalaan ng Lungsod ng Santa Rosa.

Aktibong nakipagtulungan din sa pagkakasatuparan ng Earth Day ang Toyota Autoparts Philippines (TAP), Tokai Rica Philippines, Hikari Seiko, Santa Rosa Business Club, at ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Sa pagbubukas ng programa noong araw na iyon, isang motorcade ang isinagawa mula city plaza ng lungsod na ito hanggang sa TSEZ na pinangunahan nina Mayor Joey Catindig, Vice Mayor Arlene Arcillas-Nazareno kasama na rin ang ilang miyembro ng konseho ng lungsod na ito.

Naging tampok sa nasabing motorcade ang Toyota’s Prius Hybird Car, Toyota LPG-fueled car, at ang Toyota CME-fueled car.

Sa compound ng Toyota, mainit namang tinanggap nina TMP president Hiroshi Ito at TMPF president Dr. David Go ang mga pangunahing panauhin na kinabibilangan nina Department of Environment and Natural Resources (DENR) undersecretary Ramon Paje at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) director-general Lilia de Lima.

Tampok sa nasabing pagdiriwang ang tree planting ceremony sa “Chairman’s Forest”, isang 15-ektaryang kagubatan sa gitna ng TSEZ na matagal ng nasimulan ni TMP chairman Dr. George S.K. Ty. Naging kalahok sa nasabing tree planting activity sina Paje, De Lima, Catindig, Nazareno, Ito, at Go.

Sa Eco Plant Tour, nakita ng mga dumalo ang iba’t ibang pamamaraan ng community-friendly manufacturing processes ng TMP at TAP, pangongolekta ng recyclables materials, exhibit na nagpapakita ng community development program ng Toyota, ganun din ang ibang participating private and public organizations and non-government organizations (NGOs).

Nakibahagi din sa okasyon na ito ang Santa Rosa Labor Management Council, ang Save Silang Santa Rosa River Project, Philippine Association of Labor Management Councils, Ecology Foundation, Metrobank Foundation, ABS-CBN Foundation, Knowledge Channel Foundation, Inc., League of Corporate Foundations, Personnel Management Association of the Phils., Philippine Recyclers Association, Ayala Foundation, Inc., Laguna Chamber of Commerce & Industry, Laguna Labor Management Council, Santa Rosa City Business Club, at ang Rotary Club of Santa Rosa.

“Doing good business entails not only profitability, but also responsibility. It is in this light that we at Toyota also take the lead in putting investment in our environment,” pahayag ni TMP president Ito.

“Protecting the environment is not a one-time activity. It is a constant process that we have to carry on,” paliwanag pa ni Mr. Ito. “The Toyota Group is here to inspire and lead our suppliers, dealers, and the public in a collective effort of protecting our environment to guarantee a prosperous 21st century for the next generation.”

Sinabi naman ni Dr. Go na, “By our participation in this year’s celebration, we hope to highlight the essentials of environmental protection:
borderless cooperation, environment and community-friendly manufacturing and business processes, cleaner surroundings - cleaner air, cleaner water - and, core business expertise shared with the community.”

“We hope to impart our experiences, as well as the experiences of the other TSEZ locators, of successfully working together with the Santa Rosa communities on environmental protection programs. We want, not only to show that Toyota cares for the environment, but also to encourage a continuous stream of environmental projects by other companies, organizations, and the public,” pagbibigay diin pa ni Dr. Go.

Ayon naman kay De Lima, “kapakanan ng mga manggagawa at sustainable environment” ang dalawang kondisyong sinasabi nila sa mga mamumuhunan sa EPZA na non-negotiable.

“Hindi tayo lagi na lamang withdraw ng withdraw, kailangan din tayong mag-deposit ng mga bagay para matiyak nating hindi ganap na masisira ang ating kalikasan,” ayon pa kay De Lima.

Sinabi naman ni Paje na lubhang napakabilis na ng pag-unlad ng teknolohiya sa mundo subalit napapagiwanan ang pamamaraan kung papaano naman pangangalagaan ang kapaligiran.

Ayon sa kanya, 70% ng air pollution sa ating bansa ay nagmumula sa mga sasakyan. Sa Japan aniya, patuloy ang mga scientist doon sa pagtuklas ng mga alternative fuel, gaya ng paggamit ng tubig. May mga chemical na ring ginagamit sa mga commercial products ang ipinagbawal na sa Canada.

Patuloy aniya ang DENR sa pagsasagawa ng mga ptoyekto na may kinalalaman sa susutainable environment at ang isa dito ay ang Adopt-A-Street-Program.

Napag-alaman ng DERETSO na matagal ng ginagawa ng Toyota ang ganitong proyekto. Katunayan, gumastos sila ng may 70 milyong piso para sa waste water treatment. Binuhay din nila ang Santa Rosa River na ngayon ay muling pinamamahayan ng mga isdang ilog. Patuloy silang gumagawa ng mga pamamaraan upang malimitahan ang pollution. Simula pa’y pinatutupad na nila ang tamang waste segregation and disposal.

Katuwang din nila ang komunidad at mga paaralan sa kanilang regular na clean & green project at tree planting. At sila din ang matiyagang nagtuturo sa mga kabataan ng kahalagahan ng waste segration and recycling.

At dahilan na rin sa kanilang patuloy na pangunguna sa pangangalaga ng kalikasan, sila ang kauna-unahang automotive company sa Pilipinas na ginawaran ng ISO 14001 noon pang July 1998 (Bicutan plant), November 2003 (Bicutan & Sta Rosa City Plant), November 14, 2004 (Companywide). Pagpapatunay ito na maaaring mabuhay ng mapayapa sa isang pamayanan.


Gov. Ningning Lazaro Cup 3rd Level Shooting Match

(Ulat ni Iring D. Maranan, Abril 22, 2006) San Pablo City – Mahigit sa 300 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang magtatagisan ng pagbaril sa May 5-7, 2006 na itinataguyod naman ng Seven Lakes Pistol & Riffle Association, Inc. (SLPRA) na gaganapin sa kanilang firing range na nasa Sitio Biuyan, Brgy. Sto. Angel, San Pablo City.

Tinagurian ang nasabing competition ng “Gov. Teresita ‘Ningning’ Lazaro Cup, a LEVEL III, Philippine Practical Shooting Association (PPSA) & International Practical Shooting Confederation (IPSC) Sanctioned Match.”

Sa panayam ng DERETSO kay Barangay Chairman Fernando “Totoy” See ng Brgy. 7-D at siya ding pangulo ng SLPRA, sinabi niya na ito ang kauna-unahang pagkakaton na magtataguyod sila ng Level III competition na sunctioned naman ng Philippine Practical Shooting Asso. (PPSA) at ng International Practical Shooting Confederation (IPSC). Nakapagtaguyod na rin sila ng ibang level ng shooting competition.

Itinatag ang nasabing samahn noong 1988 at unang ginamit na firing range ang lugar sa may bahagi ng Sitio DI, Brgy. San Francisco, lungsod na ito. At ngayon nga ay nasa mas malawak na firing range sa Sitio Biuyan, Brgy. Sto. Angel.

“Accuracy, Power and Speed,” ito aniya ang guiding principle ng isang “practical marksmanship.”

Bukas din aniya ang kanilang samahan sa lahat ng mga nais na maging miyembro ng practical shooting “without regard to occupation and not limited to public servants.”
Mapoprotektahan aniya ng isang indibidwal ang kanyang sarili at pamilya kung may kaalaman siya sa practical shooting sapagkat nahuhubog dito ang kumpiyansa kung kailan dapat o hindi magpaputok.

Tulad din ng mga may alam ng martial arts o mga kauri nito, mas nagiging responsable ang isang indibidwal sa pagkakaroon ng praktikal na kaalaman sa paghawak ng baril, taliwas naman sa iniisip ng iba na baka magamit lamang iyon sa hindi tama.

“Pinaka-basic ay malaman mo ang kahalagahan ng isang bagay kung ano ang dadalhin nitong buti sa iyo. Sa bahagi ng practical shooting, hindi lamang competent sa iyong sarili ang nade-develop ngunit pati na rin ang maging responsible sa iyong kapuwa at ang safety measure sa paghawak nga ng baril,” ayon pa kay See.

Tumatanggap din sila aniya ng menor-de-edad na miyembro bilang junior shooter, “provided na sasamahan siya ng kanyang guardian o parents sa bawat araw ng pagsasanay at kompetisyon.”
Mga live bullet ang ginagamit nila sa kanilang pagsasanay gayun din sa bawat competition. At sa gagawing Level III shooting competition ay inaasahang uubos ng mahigit na 300 bullets ang bawat kalahok.


Patalsikin: Anti-mamamayan at Anti-manggagawang rehimeng Arroyo


(Mula sa Abril 2006 Editoryal ng Ang Bayan) – Gugunitain ng uring manggagawa sa Pilipinas ang nalalapit na Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa ilalim ng isa sa mga pinaka-anti-manggagawang rehimen sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ito ang rehimeng ni minsan ay hindi nagkaloob ng anumang pangkalahatang umento sa sahod ng mga manggagawa at patuloy na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa malaon nang iginigiit na 125 pesos na pagtaas sa minimum na arawang sahod. Ito rin ang rehimeng nagpapakana ng “cha-cha” sa pagnanais na gamitin itong instrumento upang lalong apihin at pahirapan ang mga manggagawa at supilin ang kilusang paggawa.

Ang rehimeng Arroyo rin ang sistematikong nagkakait ng pondo para sa mga serbisyong panlipunang dapat pakinabangan ng mga manggagawa at iba pang naghihikahos. Sa halip, ang binibigyang prayoridad nito sa badyet ay ang mga pinagkakautangang dayuhang bangko at ang militar at pulis na nagtatanggol sa bulok, pasista at di lehitimong paghahari nito.

Ganap nitong ibinubukas ang buong ekonomya sa pagsasamantala ng mga imperyalista sa pwersa ng paggawa at likas na yaman ng Pilipinas. Ang dustang kalagayan ng mga manggagawa ay bahagi ng pangkalahatang pagkawasak ng mga pwersa ng produksyon sa Pilipinas bunsod ng pananalasa ng “globalisasyon” na todong itinutulak ng rehimen alinsunod sa dikta ng mga amo nitong imperyalista.

Hungkag na pangako ang tanging naibigay ni Arroyo sa labis na disgustadong mga manggagawa. Matapos ang dalawang taon, walang kinahinatnan ang pantastikong pangakong lilikha siya ng isa’t kalahating milyong bagong trabaho bawat taon hanggang 2010 para lutasin ang malawakang disempleyo sa bansa. Sa halip na madagdagan ang empleyo, malawakang tanggalan ang nagaganap.

Ayon mismo sa Labor Force Survey nitong Enero 2006, nawalan ng trabaho ang 95,000 sa sektor ng industriya; 75,000 sa konstruksyon; 52,000 sa komunikasyon; at 32,000 sa sektor ng kalusugan at serbisyong panlipunan.

Samantala, sinasalamangka ng rehimen ang mga datos hinggil sa paggawa para pagtakpan ang nagdudumilat namang katotohanan ng lumalalang disempleyo sa Pilipinas.
Subalit di nito mapagtakpan ang katotohanang sa kabuuan, halos kalahati na ng pwersa ng paggawa ang wala o di sapat ang hanapbuhay sa harap ng patuloy na malawakang tanggalan at pagkalugmok ng produksyon.

Bilang “solusyon” sa disempleyo, hinihikayat ni Arroyo ang mga dayuhan na mamuhunan sa mga call center na walang dulot na estratehikong kabuluhan sa lokal na ekonomya at labis na nagsasamantala sa pamamagitan ng mababang pasahod at laganap na kontraktwalisasyon.
Wala ring patumangga ang kampanya ni Arroyo na magtrabaho sa ibang bansa ang mga manggagawang Pilipino. Sa pamamagitan nito, bahagyang nababawasan ang bilang ng mga manggagawang walang hanapbuhay, subalit hindi ito naghahatid ng pangmatagalang solusyon. Sabik na sabik din si Arroyo sa ipinapasok na dolyar na ipinambabayad lamang naman sa dambuhalang panlabas na utang at nilulustay sa iba pang bagay na hindi produktibo.
Di pa nagkasya sa panloloko at panggigipit, inaalipusta pa ng rehimeng Arroyo ang mga manggagawa. Mismong kalihim ng Department of Trade and Industry ang nagsabi kamakailan na kaya lang daw maraming Pilipinong walang trabaho ay dahil sila’y “pihikan sa pagpili ng trabaho” o kaya’y “walang pagnanais na magtrabaho”. Kulang na lang na sabihin niyang tamad ang mga manggagawang Pilipino at ayaw lamang maghanap ng empleyo.

Sa harap ng patung-patong na krimen at kawalanghiyaan ng rehimen sa mga manggagawang Pilipino, libu-libo ang nangangahas na ipaglaban ang kanilang karapatan.
At ano ang ganti sa kanila ng Malakanyang?

Binabantaan sila. Mismong si Gloria Arroyo ang nagbansag na mga “terorista sa pabrika” ang mga unyonistang naglulunsad ng mga aksyon para igiit ang dagdag na sahod at benepisyo at mapabuti ang kalagayan sa paggawa. Babala ito sa kanila na itigil ang kanilang mga pagkilos at kung hindi’y tutugisin sila bilang mga teroristang kaaway ng estado.

Ibinibilanggo sila. Tinupad kalaunan ni Arroyo ang gayong pagbabanta nang kanyang ipaaresto nang walang mandamyento noong Pebrero si Crispin “Ka Bel” Beltran, batikang lider-manggagawa at isa sa mga kinatawan ng progresibong partidong Anakpawis sa Kongreso.
Pinapaslang sila. Mula Setyembre 2005 hanggang Marso ng taong kasalukuyan, 21 nang lider manggagawa, unyonista at tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa ang pinaslang ng mga berdugo ng rehimen. Di pa kabilang dito ang mga welgistang minasaker noong Nobyembre 2004 sa Hacienda Luisita bunsod ng kautusan ng mismong kalihim ng Department of Labor and Employment na buwagin ang piketlayn.

Sukdulan na ang kasalanan ng rehimeng Arroyo sa uring manggagawa at sa buong sambayanan. Wala ito ni katiting na karapatang manatili pa sa kapangyarihan. Wala nang ibang masusulingan ang masang manggagawang dustang-dusta sa ilalim ng rehimeng Arroyo kundi ang sarili nilang lakas at pagkilos sampu ng lakas at pagkilos ng milyun-milyong mamamayan sa mga lansangan at kabukiran.

Wala nang mas tataas pang parangal sa mga manggagawang Pilipino ngayong Mayo Uno kundi ang pagbabagsak sa anti-manggagawa at anti-mamamayang rehimen.


Manipulasyon sa estadistika ng disempleyo

(Mula sa Abril 2006 edisyon ng Ang Bayan) – Ang “husay” sa ekonomya ng ekonomistang si Gloria Arroyo ay makikita sa “husay” ng kanyang manipulasyon sa estadistika ng disempleyo. Kaya naman nitong Enero 2006, kumpara noong Abril 2004, ang bilang ng mga “walang trabaho” ay bigla-biglang nabawasan nang 2.149 milyon!

Susi sa salamangkang ito ni Arroyo ang pagbabawas sa bilang ng pwersa ng paggawa sa pamamagitan ng pagbabago sa depinisyon ng “walang trabaho” na ginawa ng National Statistical Coordination Board (NCSB) noong Oktubre 2004.
Dito, hindi na itinuturing na bahagi ng pwersa ng paggawa yaong mga manggagawang lagpas anim na buwan nang hindi naghahanap ng trabaho—karaniwa’y bunga ng kawalan ng oportunidad na makapaghanapbuhay.
Sa ganitong madayang paghihigpit sa depinisyon, mahigit 1.285 milyon ang awtomatikong nabawas sa pwersa ng paggawa. Ito’y kahit pa lumaki nang
1.054 milyon ang populasyon ng mga Pilipinong may edad na 15 taong gulang pataas, na siyang dapat kabilang sa pwersa ng paggawa sa karaniwang pakahulugan nito. Dahil dito, mapanlinlang ding napalalabas na tumaas ang tantos ng empleyo (mula 86.3% tungong 91.9%).

Kung tutuusin, ang pagbabago ng depinisyong ito noong Oktubre 2004 ay pinakahuli lamang sa ginagawang pandaraya sa datos ng empleyo. Bago pa ito, malaking tipak na ng mga manggagawa na nakaka-tegoryang maybahay (housewife) ang hindi na ibinibilang sa pwersa ng paggawa. Kung tutuusin, sa mahigit 20 milyong populasyong inalis na sa pwersa ng paggawa nitong Enero 2006, umaabot sa 15.3 milyon ang pwede sanang maghanap-buhay kung may makikita lamang na trabaho. Kung idaragdag pa ang upisyal na datos sa disempleyo, sa minimum ay 18.14 milyon ang aktwal na walang trabaho (o 36.8% at hindi 8.3% tulad ng ipinagma-malaki ng rehimen).

“Nababawasan” din ng gubyerno ang disempleyo sa pamamagitan ng pagsasabing may trabaho yaong mga kung tutuusi’y walang regular na empleyo o tuluy-tuloy at sapat na mapagkakakitaan. Pinalalabas nga lamang na “di sapat” ang trabaho (underemployed) ng mga ito, na umaabot sa pitong milyong katao. Kabilang sa kategoryang ito ang mga may sariling maliliit na tindahan at talyer at ang mga kapamilyang karaniwang pinatatrabaho sa mga ito nang wala o maliit lamang ang bayad. Ibinibilang din sa mga “di sapat” ang trabaho ang mga naglalako sa lansangan, “bar-ker” sa mga terminal ng dyip at iba pang sa katunayan ay nabubuhay nang isang kahig, isang tuka. Samakatwid, sa kabuuan, 25.059 mil-yon o halos 50% ang bilang ng mga walang trabaho at hindi sapat ang kinikita.