Patalsikin: Anti-mamamayan at Anti-manggagawang rehimeng Arroyo
(Mula sa Abril 2006 Editoryal ng Ang Bayan) – Gugunitain ng uring manggagawa sa Pilipinas ang nalalapit na Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa ilalim ng isa sa mga pinaka-anti-manggagawang rehimen sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ito ang rehimeng ni minsan ay hindi nagkaloob ng anumang pangkalahatang umento sa sahod ng mga manggagawa at patuloy na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa malaon nang iginigiit na 125 pesos na pagtaas sa minimum na arawang sahod. Ito rin ang rehimeng nagpapakana ng “cha-cha” sa pagnanais na gamitin itong instrumento upang lalong apihin at pahirapan ang mga manggagawa at supilin ang kilusang paggawa.
Ang rehimeng Arroyo rin ang sistematikong nagkakait ng pondo para sa mga serbisyong panlipunang dapat pakinabangan ng mga manggagawa at iba pang naghihikahos. Sa halip, ang binibigyang prayoridad nito sa badyet ay ang mga pinagkakautangang dayuhang bangko at ang militar at pulis na nagtatanggol sa bulok, pasista at di lehitimong paghahari nito.
Ganap nitong ibinubukas ang buong ekonomya sa pagsasamantala ng mga imperyalista sa pwersa ng paggawa at likas na yaman ng Pilipinas. Ang dustang kalagayan ng mga manggagawa ay bahagi ng pangkalahatang pagkawasak ng mga pwersa ng produksyon sa Pilipinas bunsod ng pananalasa ng “globalisasyon” na todong itinutulak ng rehimen alinsunod sa dikta ng mga amo nitong imperyalista.
Hungkag na pangako ang tanging naibigay ni Arroyo sa labis na disgustadong mga manggagawa. Matapos ang dalawang taon, walang kinahinatnan ang pantastikong pangakong lilikha siya ng isa’t kalahating milyong bagong trabaho bawat taon hanggang 2010 para lutasin ang malawakang disempleyo sa bansa. Sa halip na madagdagan ang empleyo, malawakang tanggalan ang nagaganap.
Ayon mismo sa Labor Force Survey nitong Enero 2006, nawalan ng trabaho ang 95,000 sa sektor ng industriya; 75,000 sa konstruksyon; 52,000 sa komunikasyon; at 32,000 sa sektor ng kalusugan at serbisyong panlipunan.
Samantala, sinasalamangka ng rehimen ang mga datos hinggil sa paggawa para pagtakpan ang nagdudumilat namang katotohanan ng lumalalang disempleyo sa Pilipinas.
Subalit di nito mapagtakpan ang katotohanang sa kabuuan, halos kalahati na ng pwersa ng paggawa ang wala o di sapat ang hanapbuhay sa harap ng patuloy na malawakang tanggalan at pagkalugmok ng produksyon.
Bilang “solusyon” sa disempleyo, hinihikayat ni Arroyo ang mga dayuhan na mamuhunan sa mga call center na walang dulot na estratehikong kabuluhan sa lokal na ekonomya at labis na nagsasamantala sa pamamagitan ng mababang pasahod at laganap na kontraktwalisasyon.
Wala ring patumangga ang kampanya ni Arroyo na magtrabaho sa ibang bansa ang mga manggagawang Pilipino. Sa pamamagitan nito, bahagyang nababawasan ang bilang ng mga manggagawang walang hanapbuhay, subalit hindi ito naghahatid ng pangmatagalang solusyon. Sabik na sabik din si Arroyo sa ipinapasok na dolyar na ipinambabayad lamang naman sa dambuhalang panlabas na utang at nilulustay sa iba pang bagay na hindi produktibo.
Di pa nagkasya sa panloloko at panggigipit, inaalipusta pa ng rehimeng Arroyo ang mga manggagawa. Mismong kalihim ng Department of Trade and Industry ang nagsabi kamakailan na kaya lang daw maraming Pilipinong walang trabaho ay dahil sila’y “pihikan sa pagpili ng trabaho” o kaya’y “walang pagnanais na magtrabaho”. Kulang na lang na sabihin niyang tamad ang mga manggagawang Pilipino at ayaw lamang maghanap ng empleyo.
Sa harap ng patung-patong na krimen at kawalanghiyaan ng rehimen sa mga manggagawang Pilipino, libu-libo ang nangangahas na ipaglaban ang kanilang karapatan.
At ano ang ganti sa kanila ng Malakanyang?
Binabantaan sila. Mismong si Gloria Arroyo ang nagbansag na mga “terorista sa pabrika” ang mga unyonistang naglulunsad ng mga aksyon para igiit ang dagdag na sahod at benepisyo at mapabuti ang kalagayan sa paggawa. Babala ito sa kanila na itigil ang kanilang mga pagkilos at kung hindi’y tutugisin sila bilang mga teroristang kaaway ng estado.
Ibinibilanggo sila. Tinupad kalaunan ni Arroyo ang gayong pagbabanta nang kanyang ipaaresto nang walang mandamyento noong Pebrero si Crispin “Ka Bel” Beltran, batikang lider-manggagawa at isa sa mga kinatawan ng progresibong partidong Anakpawis sa Kongreso.
Pinapaslang sila. Mula Setyembre 2005 hanggang Marso ng taong kasalukuyan, 21 nang lider manggagawa, unyonista at tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa ang pinaslang ng mga berdugo ng rehimen. Di pa kabilang dito ang mga welgistang minasaker noong Nobyembre 2004 sa Hacienda Luisita bunsod ng kautusan ng mismong kalihim ng Department of Labor and Employment na buwagin ang piketlayn.
Sukdulan na ang kasalanan ng rehimeng Arroyo sa uring manggagawa at sa buong sambayanan. Wala ito ni katiting na karapatang manatili pa sa kapangyarihan. Wala nang ibang masusulingan ang masang manggagawang dustang-dusta sa ilalim ng rehimeng Arroyo kundi ang sarili nilang lakas at pagkilos sampu ng lakas at pagkilos ng milyun-milyong mamamayan sa mga lansangan at kabukiran.
Wala nang mas tataas pang parangal sa mga manggagawang Pilipino ngayong Mayo Uno kundi ang pagbabagsak sa anti-manggagawa at anti-mamamayang rehimen.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home