Silip sa Likod ng Balita
Kursong Nursing, niraraket? Part 2
(Ipinarating kay Dodie C. Banzuela, Abril 1, 2006) MATAPOS mapalathla sa March 18-24 edition ang Kursong Nursing, niraraket? dumagsa sa DERETSO ang karagdagang impormasyon hinggil dito na ipinadala naman sa pamamagitan ng mga text messages at personal na pagpapakita ng mga kaukulang resibo.
Hiniling ng mga nagbigay ng impormasyon na huwag ng ilagay ang kanilang pangalan at cellphone numbers.
“Nung 2nd year pa ako never akong umabsent sa study ko. 105 hrs ang naging demerit ko na binayaran ko ‘yun ng P1,050.00. Wala akong magawa nun kasi nagagalit pa sa amin ang CI (clinical instructor) kapag tinatanong namin kung saan pumupunta ang ibinabayad namin. Bukod dun, sa halip na make-up duty na babayaran nga ng cash, gagastos pa ulit kami sa pagbili naman ng mga kurtina, pinggan, at kung anu-ano pang gamit sa opisina.” (March 30, 2006 / 6:41:47)
“Kailangan pa kaming magbayad ng P25.00/student per week sa swimming lesson na bahagi ng aming PE. ‘Eh may kaukulan na po kaming bayad sa PE na kasama sa binabayaran naming tuition fee per semester. ‘Yun pong bakla naming instructor ang naniningil nito. Dati ay P23.00/student per week iyon. ‘Yun po namang tubig sa swimming pool ay taunan yata kung palitan kaya naman marami sa amin ang pinangangathan ng balat matapos mag-swimming.” (March 29, 2006 / 23:31:06)
“Wala pong resibo ang clinical graduation namin na siningil nila. ‘Di rin naglalagay ng limit sa student na mag-eenroll sa nursing course na siyang nagiging dahilan ng overcrowding sa loob ng classroom kaya naman wala halos matutuhan ang mga student.” (March 30, 2006 / 00:24:10)
“Lahat po ng mga kasali sa Mardigras ay pinagbabayad ng P450.00/participant. P650.00 naman po sa mga student na hindi kasali sa Mardigras.
“Karamihan po sa mga CI ay walang masteral degree na
“Sa ibinayad po naming general graduation & clinical graduation fee, na nagkahalaga ng halos tatlong libong piso, hindi pa po kasama doon ang mga picture namin sa capping & pinning. P50.00 po per picture ang singil sa amin. (March 29, 2006 / 23:08:09)
“Less ang ibinibigay na oras sa academic lalo na sa English subject. Sa 15 meetings ng English subject sa loob ng isang semester, suwerte na ang maka-tatlong meeting. Bukod sa tamad at bulok magturo ang teacher na naka-assign sa 5 English subject, manyakis pa ito! Lagi pang ipinagmamalaki sa amin na siya daw ang hinahabol ng may-ari ng aming school na magturo dito kasi ayaw daw siyang pagbitiwin sa kabila ng may naghihintay sa kanya na isang milyong alok na trabaho mula sa ibang pribadong kompanya. Kapag Saturday, mula 8AM hanggang 8PM ang English class namin. Mas malimit, halos alas-dose na ng tanghali ay wala pa ang instructor. Wala man lamang pasabi na male-late siya. Mark absent ang mga student na hindi na nakapaghintay sa kanya kapag dumating na siya ng past 12NN. Halimbawa ng pagiging manyakis: kahit wala sa topic ay isisingit ang tungkol sa sex na kalimitang tinatarget ng kanyang mga halimbawa ay ang mag-syota naming kaklase. Hindi ‘lang nakaka-offend ang mga sinasabi niya tungkol sa sex, mas ang dating noon sa amin ay gusto niyang tikman ang mga babae naming kaklase. Wala pa lamang kaming konkretong ebidensiya, subalit may mga reported incident na sadyang ibinabagsak niya sa kanyang subject ang mga magaganda naming kaklaseng babae at makakapasa lamang ang mga iyon kung makikipag-date sa kanya. English subject po ang aming class at hindi sex education.” (Personal na ipinarating sa tanggapan ng DERETSO noong March 29, 2006, humigit kumulang alas-diyes ng umaga.)
“Sa affiliation o pagre-review, halos pito hanggang sampung mag-aaral ang nagsisiksikan sa isang “hotel room”. Kalimitan sa “hotel” ay walang tubig, mabaho ang CR, malamok, maipis, mainit at hindi maayos ang pagkain. Hindi pa kasama ang Saturdays and Sundays sa food. Bukod pa ang bayad dito. Sa kabuuang bayad, P500.00 ang para sa CI, P8,500.00 para sa review and the rest ay bayad sa “hotel”, food & transportation.” (Personal na ipinarating sa tanggapan ng DERETSO noong March 29, 2006, humigit kumulang alas-diyes ng umaga.)
Muli naming bibigyan ng diin ang hinggil sa transparency ng mga babayarin sa pag-aaral, hindi lamang sa kursong nursing. Mahalaga ito upang mas mapaghandaan ng mga magulang ang kaukulang budget sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Nais ding bigyang diin ng DERETSO na hindi na elementary pupil o high school student ang mga nag-aaral sa kolehiyo. Paghahanda na iyon sa pagharap sa mapaghamong buhay.
Bukas na ang kaisipan ng mga college student sa lahat ng usapin sa kanyang ginagalawang pamayanan, kasama na rin dito ang hinggil sa paniniwala nila’y maling sistema sa pamamalakad ng paaralan, hindi makatwirang gastusin, bobong mga titser. Sa madaling salita’y hindi sila tanga upang hindi maunawaan na niraraket at pinagsasamtalahan na sila ng mismong inaasahan nilang siyang maghuhubog sa kanilang pagkatao.
Tanggap kaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang resibong hinugot lamang sa puwet ng aso? Nakakalunok pa kaya ng pagkain ang kung sinuman na nakapirma sa resibong iyon?
Alam kaya ng pamunuan ng paaralan ang mga ganoong babayarin na hindi gumagamit ng kanilang official receipt?
‘Yan kasi ang problema sa mga may-ari ng paaralan – kala mo’y nasa trono na hindi kayang abutin sa kanilang pedestal. Nag-aastang mga hari’t reyna na kala mo’y mga subject ng isang kingdom ang kanilang mga mag-aaral na sa anumang oras na naisin nila’y kaya nilang pigain ang dugo sa ugat ng mga magulang ng estudyante upang ialay sa kanilang mga paanan at ng may magastos sa kanilang mga luho.
Bukod sa direktang pangungulekta sa mga ganoong uri ng babayarin, kahati nga kaya doon ang mismong dean ng nursing department? At sinu-sino pa ang naghahati-hati sa raket na ito?
Bakit kailangan pang magbayad ang isang nursing student sa First Aid Seminar na nagkakahalaga ng P405.00 (na dati daw naman ay mula P300.00 – P350.00 lamang)? Hindi ba marapat lamang na kasama na ito sa major subject na nakapaloob sa tuition fee?
Pati naman pagpapanotaryo at documentation ay niraraket! Notarization ng mga major & minor cases ito na isinusumite sa PRC about the actual participation ng isang 3rd & 4th year nursing student sa operating room, mula sa paglalagay ng gasa, cord dreassing ng mga ipinanganak na baby hanggang sa pagpapaanak. Kung talagang kailangan iyon, hindi ba puwedeng maghanap ang mga mag-aaral ng mababang halaga na magnonotaryo sa kanilang mga dokumento? Mababa ‘lang ang halaga ng notaryo sa city fiscal & regional state prosecutor’s office, baka naman puwede na doon?
Sa biglang tingin, tila “pinakamababa” ang tution fee sa paaralang ito na nagkakahalaga ng 13 – 18 thousand pesos per semester. Subalit ang hindi nakalista’y ‘yaong mga babayaring nakaresibo lamang sa puwet ng aso. Suma total, mas malaki pa nga ang magagastos sa pag-aaral ng kursong nursing sa paaralang ito.
May nagpaabot pa ng impormasyon sa DERETSO na kinokolektahan diumano ng paaralan ang bawat mag-aaral ng “building permit”. Ito daw ay bayad ng bawat mag-aaral sa pagpapagawa ng mga bagong building ng paaralan. Wala sanang problema doon kung matapos namang magbayad ang bawat mag-aaral ng “building permit” ay kasosyo na sila habang buhay sa nasabing paaralan at maaaring tumanggap ng kaukulang dibidendo taun-taon.
Mahalagang ang lahat ng mga babayarin sa mga paaralan ay nakapaloob sa official receipt ng paaralan na tanggap ng BIR sapagkat baka nga makapasa na sa Senado at Kongreso ang isang panukalang batas na maaari ng ibawas sa ibabayad na buwis ng isang taxpayer ang ginastos nito sa pagpapaaral.
Sinubukan ng DERETSO na magsaliksik sa internet kung meron bang itinakda ang pamahalaan natin sa standard na gastusin at curriculum ng nursing course sa ating bansa. Walang nakatala sa maganda at ‘tyak malaking halaga na pagmimintina sa website ng Commission on Higher Education (CHED), maliban na lamang sa kanilang mapanligaw na propaganda.
2004 pa nakabinbin sa Kongreso ang isang panukalang Magna Carta for Student ni Congressman Edcel Lagman kaya’t hindi pa ito maaaring pagbatayan.
Babala ng DERETSO sa mga magulang: In the absence of a clear cut regulation ng pamahalaan, tiyakin lamang na ipapasok ninyo sa isang paaralan ang inyong mga anak at hindi ipapasok sa kuweba ng mga tuso at hidhid na kampon ni satanas… lalo na sa mga paaralang may nursing course.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home