Dumpsite ng San Pablo, ganap ng ipinasasara?
(Ulat pananaw ni iring D. Maranan, San Pablo City) – Itinatago nga ba ni mayor Vicente Amante ang panibagong liham ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagsasaad ng ganap na pagsasara sa tapunan ng basura ng lungsod sa Sitio Balok, Brgy. Sto Niño?
Ganito nabubuo ang haka-haka ng ‘pagtatago ng liham ng DENR’ sapagkat hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y tikom pa rin ang bibig ng ilang mga pinuno ng city government offices hinggil dito. Diumano pa, may kaukulang “ultimatum” na ang nasabing liham.
Matatandaan na una ng nakatanggap ng sulat si Amante noong July 20, 2005 mula kay DENR Assistant Secretary Casamiro A. Ynares III na nagsasabing dapat sumunod na sa isinasaad ng Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ang lungsod hinggil nga sa tamang pangangalaga ng basura.
Partikular na tinukoy ni Ynares sa nasabing sulat ang hinggil sa “mandatory segration at source, segrated collection of biodegrable and non-biodegarble wastes and special wastes, recycling and composting and establishment of Material Recovery Facility in every barangay or cluster of barangays upon its effectivity last February 2001. The LGU is likewise mandated to collect the residual wastes (those which cannot be composed and cannot be recycled or reused) from the barangays and dispose the same in an environmentally sound manner. Collection of mixed waste is strictly prohibited.”
Inatasan din ni Ynares III si Amante “to look for an alternative site for disposal facility in accordance with the site selection criteria set by law” upang aniya’y maiwasan ang “notice to sue and filling administrative, civil or criminal case against the mayor through a citizen suit with the Office of the Environmental Ombudsman as well as the courts of law for violation of the provisions of RA 9003.”
Muli namang nilinaw iyon ni Ynares III sa liham niyang may petsang September 26, 2005 kay Konsehal Ivy Arago. Dagdag pa ni Ynares III sa nasabing liham kay Arago ay “please be informed that the recommendation in the July 20, 2005 letter related to the statement ‘to seek for an alternative site’ was intended specifically for the operation of a sanitary landfill (SLF) which should be located in a feasible site and which will replace the controlled dump facility in February 2006.”
Segragation at source o ang paghihiwalay ng basura (ng natutunaw at hindi natutunaw) mula mismo sa pinangmumulan nito – bahay, tanggapan, pabrika, tindahan at palengke ng bawat barangay. At kailangan ding may tapunan ng natatanging basura na nagmumula naman sa mga ospital at industrial wastes.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa naaabot ng lungsod na ito ang simpleng pamamaraan ng pangangalaga sa basura, partikular ang paghihiwalay nito.
Lahat pa rin ng uri ng basura ay itinatapon at kinokolekta naman ng basurero na siyang nagdadala nito sa Sitio Balok.
May mga pagkakataong mismong mga taga-ospital na ang nagtatapon naman ng kanilang basura sa Sito Balok. Maging mga industrial waste ay doon din itinatapon.
Samakatuwid, hanggang ngayo’y hindi pa rin nababago ang ugali ng mga tagalunsod na ito sa pagtatapon ng basura.
Taliwas ito sa mga nakalagay sa namamayagpag ngayong mga tarpoline na diumano’y “sumusunod ang lungsod sa RA 9003.”
Hindi pa man napapadalhan ng sulat si Amante ni Ynares III ay napasulat na minsan sa pahina ng DERETSO na kailangang pagtuunang pansin ng lunsod ang hinggil sa pagtuturo ng waste segregation sa barangay level pa lamang.
Sa halip na gawin iyon ng mga taga lokal na pamahalaan ng lungsod ay inuna nilang binili ang sasakyan upang anila’y “makapaghanap ng alternatibong tapunan ng basura.” Isinunod dito ang pagpapagawa naman ng mga tarpoline na nakabandera pa ang larawan ni Amante. At ang pinakahuling ginawa nila’y nang bilhin ang may anim na ektaryang lupain doon din mismo sa Sitio Balok.
Matatandaan din na napalathala sa DERETSO ang sa palagay naming “overpriced” na pagkakabili nito mula sa pribadong tao sapagkat napag-alaman ng DERETSO na napasanla lamang ito ng P30.00 per square meter subalit mismong siyudad pa ang nagbigay ng presyong P330.00 per square meter.
Kung sa tamang pamamaraan ng pangangalaga pa lamang sa basura ng lungsod ay hindi na makatugon si Amante, paano pa kaya sa ibang mga panuntunan?
Nahaharap ngayon si Amante sa kasong korapsyon sa Sandiganbayan at nakatakda itong basahan ng kaso sa darating na March 10. Kaugnay ang kasong iyon sa usapin ng Informatics na resulta naman ng pagkaka-audit ng Commission on Audit (COA).
Hanggang ngayo’y nakabinbin pa rin ang isinampa naming kaso ni kasamang Dodie Banzuela sa Office of the Omdusman kaugnay pa rin sa korapsyon.
Ang bukang bibig niya’y “napupulitika” lamang siya kaya’t nakakasuhan.
Kung talagang sa paniniwala ni Amante’y malinis ang konkensiya niya sa pagbili ng mga lupaing walang titulo at wala iyong bahid na overpriced o panggigisa sa sariling mantika sa mga tagalunsod, marapat lamang na matapang niyang harapin ang mga kasong iyon at itigil na ang pagsasabing “napupulitika lamang.”
Kung ituloy kaya nina Atty. Rita Linda V. Jimeno ng Philippine Bar Association ang pagsasampa kay Amante ng kaso hinggil naman sa usapin ng basura, sabihin pa rin kaya ni Amante na “napupulitika lamang” siya?
2 Comments:
SAMA!!!!
09183093932
TXT NYU AKO!!
BOI AKO
Post a Comment
<< Home