| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

Video coverage sa konseho Kopo na ng CIO

Para ‘di na mabisto ang paghihikab, senyasan ng baak-baak, pananapak, atbpng kaanuhan?

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, San Pablo City) – PINAGBAWALAN na ng Sangguniang Panglunsod ng San Pablo ang “video coverage inside the session hall during the regular and special sessions of the Sangguniang Panlunsod… as well as during its committee meetings and hearings, to ensure a more efficient and non-biased presentation of discussions to the general public through the tri-media.”

Nakapaloob ito sa Resolution No. 2006-83 na may petsang February 21, 2006 at pirmado nina vice mayor Lauro G. Vidal at Acting Sanggunian Secretary Elenita Capuno.

Kopo ng CIO ang video coverage

Ayon pa sa nasabing resolusyon, binibigyan nila ng “sole authority” ang “City Information Office” na siya na lamang kumuha ng “video coverage.”

Si ex-officio sanggunian member & SK federation president Joseph Ciolo ang siyang naghain ng nasabing resolusyon at siya rin ang chairman ngayon ng committee on mass media sa Sanggunian. Pinangalwahan ito nina konsehal Katherine Agapay, Rodelo Laroza, Richard Pavico, Diosdado Biglete, Edgardo Adajar at Leopoldo Colago. Absent naman noong araw na iyon sina konsehal Alejandro Yu, Angelo Adriano at Gener Amante.

Tanging sina konsehal Ma. Evita Arago at Frederick Martin Ilagan lamang ang tumutol sa nasabing resolusyon.

Mayroong dalawang CATV stations sa lungsod na ito, ang Telmarc at Celestron, at may kani-kanilang mga local channels na ekslusibong nagpapalabas ng mga local TV programs hinggil sa mga kaganapan sa San Pablo pati na rin ang ilang mga karatig bayan nito, kasama na ang video coverage sa mga regular sessions and public hearings ng Sangguniang Panglunsod.

Unang kumurap

Ngayon lamang ito nangyari sa lungsod ng San Pablo. Kahit sa kainitan ng pagbatikos ng media kay dating mayor Florante “Boy” Aquino ay hindi naman siya nagpalabas ng anumang kautusan na sisikil sa karapatan ng mga lokal na mamamahayag.

Sa katunayan, nagamit pa noon ng husto ng mayoryang miyembro ng dismiyadong konseho ang media upang mas patingkarin ang kanilang pagkadismaya kay Aquino. Matatandaan na nagdrama pa ang isang adajas, na natampok sa video coverage, na hindi magpapagupit ng buhok hanggang hindi bumababa sa puwesto si Aquino. Inakala nina Pablo’y na ‘ala na talagang kurapan iyon, ngunit sa munting pagihip ng hanging Amihan ay unang naluha ang adajas at sunud-sunod na kumurap.

Kitang-kita din noon sa mga video footage na tanging si namayapang konsehal Boying Ticzon lamang ang matapang at masigasig na nakibaka sa mayoryang ulupong ng konseho sa bawat sesyon. Ang isang july body na kakampi ni Ticzon ay bahag ang buntot na nakamulaga lamang.

Ngunit sa kasalukuyang konseho ngayo’y kitang-kita ang pagkagahaman ng isang july body sa kapangyarihan at walang pakialam na ipakita ang tunay na kulay at kabobohan sa harap ng kamera sa tuwing may session ang konseho. Kung hindi ba naman bobo’y bibirit sa harap ng kamera na mas maganda daw siyang lalaki at mas malaki ang ulo ng isa niyang kasamahang konsehal. Ipinaghambog pa na mas maganda ang kanyang asawa kesa sa asawa ng isa niyang kasamahan sa konseho.

Kitang-kita rin sa lente ng video camera kung papaano sangganuhin ang konseho ng isang konsehal na gigil na gigil na nambaoy sa media na hindi daw ipinalabas ang kanyang pagsayaw sa entablado noong kapistahan ng lungsod.

Naniniwala ang DERETSO na may sabwatan ang tanggapan ni mayor Vicente Amante at ang Sangguniang Panglunsod hinggil sa pagbabawal na ito. Sa mga nakalipas na video coverage kasi ay kitang-kita doon kung papaano brasuhin ng mayoryang konsehal na kakampi ni Amante ang mga panukalang may kinalalaman sa pagbili ng siyudad sa mga lupaing walang titulo at iba pang mga isyung may kinalalaman sa paggamit ng pondo ng lungsod sa kabila ng kahilingan nina Ilagan, Adriano at Arago na masusing pag-aralan muna iyon.

Sa 12 konsehal, tanging sina konsehal Ilagan, Arago at Adriano lamang ang tumatayong fiscalizer. At dahil sa tatatlo nga sila, kalimitan ay talo sila sa botohan, na siya namang matapat na nakukuha ng video coverage.

Sa ngayon, may ilang independent local TV producers ang nagpo-produce ng local news & public affairs program sa lungsod, at isa dito ay ang First Hermit Channel (FHC) na ipinalalabas ang mga programa sa Channel 17 ng Telmarc.

Pinagbibintangan ng mayoryang miyembro ng konseho at ni Amante na pag-aari daw ni konsehal Ilagan ang FHC sapagkat may sarili itong programa doon.

Naninindigan naman si Egay Collado, dating city information officer sa panahon ni Aquino, na siya ang may-ari at operation manager ng FHC.

Niraket pa ang video coverage?

Sa panahon pa ni dating mayor Aquino, malayang nakakuha ng mga video footage ang LKA productions na pag-aari ni Les Alvero-Tibillo, maybahay ni namayapang mediaman Ranel Tibillo, sa lahat ng galaw ng lokal na pamahalaan.

Sa panahon ding iyon ay malayang nakapag-ere minsan isang linggo ang TV program na Si Doc, Si Konsehal na pinagbidahan at ginastusan ng isang adajas sa ilalim ng LKA Productions. Kung saan man kumuha ng ginastos ang isang adajas sa pagpo-produce ng isang local TV program ay your guess is as good as ours.

Walang patlang ang LKA Production sa pagkober ng mga session ng konseho pati na rin ang mga committee and public hearing nito na ipinalalabas noon sa Telmarc Channel 21.

Inakala ng publiko na lahat ng ginawang iyon ng LKA Productions ay for public service only, lalo na nga ang walang patlang na pagkober sa mga session ng konseho.

Subalit sa panahon din ni dating mayor Aquino, nagsumite ng bill of account ang LKA Productions na naniningil sa lokal na pamahalaan dahilan nga sa ginawang video coverage sa mga sesyon. Mahigit sa 200 libong piso ang naging “utang” ng lokal na pamahalaan na nakapaloob naman sa isang kontrata sa pagitan ng LKA Productons at vice mayor Vidal. Hindi nagtagumpay ang “pandarambong” na iyon sa kaban ni Pablo’y kaya’t inulit sa panahon ngayon ni Amante.

Kung nagtagumpay ang pangungulimbat na iyon sa kaha ni Pablo’y ay tanging ang mga taga-city accountant, treasurer at coa na lamang ang nakakaalam.

Mahalagang banggitin na mismong ang isang adajas ang siyang nasa likod ng paniningil na iyon.

Resolution 2006-83, labag sa Saligang Batas

Nang si konsehal Agapay pa ang chairman ng komitiba na may kinalalaman nga sa mass media, pormal na nagmungkahi ang DERETSO sa Sanggunian na magkaroon ng konkretong patakaran sa pagkober ng media sa mga sesyon. Sa nasabing mungkahi, hiniling ng DERETSO na mabigyan ng kaukulang lugar ang mga taga-print media sa loob mismo ng session hall. Hiniling din na mabigyan ng sapat na kalayaan ang mga cameramen ng local television at photographers na makagalaw sa loob ng session hall upang makakuha ng maayos na anggulo. Hiniling iyon nang matapos namang unang ipagbawal ni konsehal “I seconded” Yu na bawal ng magkober ang media sa sesyon.

Nais bigyang diin ng DERETSO na tanging “sapat na espasyo lamang na lulugaran ng mga taga-print media sa loob mismo ng session hall” ang hiniling at walang bill of account na ibibigay sa lokal na pamahalaan matapos ang coverage.

Nagkaroon lamang ng isang pangkalahatang pagpupulong sa bahagi ni Agapay at mga taga-media. Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y walang malinaw na tugon pa rin si Agapay at ang sanggunian maliban nga sa ipinalabas na resolusyon.

Naniniwala ang DERETSO na isa itong pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag.

Bawal ang video coverage ngayon. Kapag pinalampas ito, susunod magigising na lamang isang umaga ang mga mamamahayag na bawal na ring kumober sa sesyon at mga public hearing ang mga taga-print media,

Labag ito sa isinasaad ng ating Saligang Batas. Una, ayon sa Section 24 ng Declaration of Principles and State Policies ng Article II ay kinikilala ng Estado ang “vital role of communication and information in nation-building.”

Binigyang diin naman sa Article III ng Bill of Rights sa Section 4 nito ang mga katagang, “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press…”

At lalo pa itong pinatingkad sa Section 7 ng Article III din na nagsasabing, “The right of the people to information on matters of public concern shall be recognized. Access to official records, and to documents, and papers pertaining to official acts, transactions, or decisions, as well as to government research data used as basis for policy development, shall be afforded the citizen…”

Mas malimit sa minsan, sa mga taga-media naasa ang publiko sa kung ano nga ba ang tunay na nangyayari sa ating lokal na pamahalaan. Mas matindi pa ang resolusyong ito sa Malakanyang sapagkat ni minsan hindi ipinagutos ng Malakanyang na mga taga-Public Information Agency (PIA) na lamang ang kukuha ng mga video footage sa affairs ng pangulo. At mismong ang kongreso ay hindi nila kaylanman inisip na kopohin ang coverage ng kanilang mga galaw sa session hall at mga public & committee hearings. Tila nga may gustong itago ang mayoryang konsehal sa kanilang sangganuhang panglunsod sa pagbabawal na ito sa mga independent local TV producer sa pagkuha ng mga video footage.

Hindi sinungaling ang lente ng kamera

Kung ano ang nasilip ng lente ng camera ay iyon ang magrerehistro sa film o tape ng video at still camera, no more, no less.

Oo nga’t sa modernong pamamaraan dala na rin ng mga high tech editing equipment ay maaaring baguhin ang larawang nakuha ng still camera, subalit hindi ang napatala sa video camera.

Kaya nga’t kung ano ang nakuha ng video camera ay iyon ang tunay na naging kaganapan sa partikular na oras ng pangyayari, tulad ng sampigahin ng isang adajas si konsehal Adriano sa kainitan ng diskusyon ng isang regular session.

Naitala na nga’t lahat sa video ang pananampiga’y pilit pa ring pinairal ng isang adajas ang kanyang kasinungalingan sa pagsasabing tinapik lamang niya si konsehal Adriano. Na ang pahayag namang iyon ng isang adajas ay ipinagtanggol pa ng kanyang mga bayarang nagpupusturang mediaman. Bakit nga hindi magiging bayaran gayong kay tagal na naging casual sa kanyang tanggapan? Naging tampok pa nga sa editorial ng isang lokal na pahayagan ang pangyayaring iyon na naghikayat pa na dapat lamang daw ginawa iyon ng isang adajas.

Isang masamang precedent ang editorial na iyon considering pa naman na isang kawani ng pamahalaan ang editor in chief ng nasabing pahayagan na ilang ulit na ring bumagsak sa pagsusulit ng abogasya. Mabuti pa ang isang simple at low profile na kawani ng Municipal Trial Court in Cities na nasa lungsod na ito – naipasa agad ang pagsusulit sa abogasya kaya nga’t isa na ito ngayong abogado. Ang pagiging abogado nga kaya ng low profile na kawaning ito ng pamahalaan ang siya naman ngayong laging dahilan sa pagtaas ng dugo ng editor in chief?

Kung ang pagiging abogasya’y hindi kayang pasahan, ano na ngang klase ng editorial ang kanyang isusulat sa lokal na pahayagang iyon?

Hindi man kasama ang mga taga-print media sa pagbabawal na iyon na nakalagay sa nasabing resolution, mahihinuha na pinoprotektahan ng kalakhang miyembro ngayon ng konseho ang mga bayarang nagpupusturang media ng nasabing pahayagan at ilang media na nakapayroll kay Amante.

Habang sinusulat ang artikulong ito’y binawi na ni pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Proclamation 1017. Binawi upang makaiwas sa mas matindi pang batikos sanhi nga ng nasabing proklamasyon.

Sariling mundo ng mga konsehal ang bulwagan ng konseho. Kung nais nilang patuloy na maging labangan ang konseho’y nasa sa kanila iyon. Subalit hindi kailanman mapipigilan ang media na hindi ipakita kina Pablo’y ang tunay na nangyayari sa bulwagang iyon… sa pamamagitan man ng pagsilip sa lente ng mga video at still camera… at maging sa panulat.

CIO baka pagbukalan ng kurakot

Malakas ang kutob ng DERETSO na ang nasabing resolusyon ay ginawa upang maging bukalan ng kurakot.

Sa 2006 city budget, P2,895,698.04 ang nakalaang “total appropriations” ng CIO.

Sa kabuuang ito, P2,560,698.04 ang nakalaan sa “total personal services” – “salaries & wages,” “additional compensation,” “representation allowance,” “transportation allowance,” atbpng. kauri nito.

P335,000.00 lamang ang “total maintenance & operating expenses” na gagastusin naman sa: “traveling expenses (local) – P25,000.00,” “training expenses (seminar) – P10,000.00,” “office supplies expenses – P70,000.00,” “information technology – P20,000.00,” “postage & deliveries – P5,000.00,” “telephone expenses – P70,000.00,” “internet expenses – P50,000.00,” “subscription expenses – P10,000.00,” “advertising expenses – P5,000.00,” “repairs & maintenance of office equipment – P60,000.00,” & “other maintenance & operating expenses – P10,000.00.”

Dahil wala namang nakalaang pondo para sa pagbili ng mga bagong equipment & materials na gagamitin sa “video coverage” upang anila’y “to ensure a more efficient and non-biased presentation of discussions to the general public through the tri-media,” nakakatiyak na bibili nito ang lungsod sa pamamagitan ng supplemental budget o realignment ng budget o pag-arkila ng gamit o ang pagko-commission nito sa isang pribadong tao o grupo ng tao.

At dahil “bawal” na ngang koberin ng independent local TV producer ang anumang mga gagawing committee & public hearing, nakakatiyak na ang scenario ng pangungurakot sa pagbili ng nasabing mga gamit.

Sa kabuuan, ang nasabing resolusyon ay labag sa Saligang Batas at possible ngang pagbukalan pa ng pangungurakot.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home