| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

20 taon matapos ang Aklasambayan ’86: Mas lumawak ang kurakutan?

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela) – Tiningala tayo sa buong mundo noong Pebrero 1986 nang patalsikin natin ang diktaduryang rehimen ni Ferdinand E. Marcos. Isa iyong “mapayapang pagbabago,” ika nga sa kantang nabuo matapos ang Aklasambayan.

Inaring pribadong korporasyon ang Pilipinas

Pagmamalabis sa tungkulin at matinding korap-syon ang ilan lamang sa ugat ng pagpapatalsik kay Marcos. Centralized ang korapsyon noon na hanggang sa malalapit na cronies lamang ang abot ng pagkagahaman sa pondo ng bayan at pagkopo sa mga piling negosyo ng bansa.

Mula sa pangangalakal ng asukal, niyog, ginto, troso na iniluluwas sa ibang bansa, pangangamkam ng mga ng ancestral lands at iba pang likas yaman ay kopo ni Marcos at ng kanyang mga kaalyado.

Sa mga huling panahon ng diktaduryang rehimen ay dalawang branches na lamang ng pamahalaan ang gumagana: executive at judiciary. Suba-lit hindi maitatatwa na maging ang supreme court justice noon ay naging tagapagpayong na lamang ni Imelda Marcos.

Inari ng pamilyang Marcos na “pribado” nilang “family corporation” ang pamahalaan ng Pilipinas, lalo’t higit ang pondo ng bayan.

“You charge this to GNP (gross national product),” ang malimit na sambitin ni Bongbong Marcos noong panahong nag-aaral pa siyang magpalipad ng eroplano at jet ng Philippine Air Force.

“The truth, the good and the beautiful,” ang hanggang ngayo’y paborito pa ring sambitin ni Imelda kapag nababangit ang mga grandyosang gusali na kanyang ipinagawa noong siya’y gobernador pa ng Metro Manila Development Authority. Tatak na nga ni Imelda ang Cultural Center of the Philippines (CCP), Folk Arts Theater, Metropolitan Theater, Coconut Palace, Palace in the Sky sa Tagaytay City at ang minumulto ngayong Manila Film Center.

Kulang ang pahina ng DERETSO kapag inihanay dito ang iba pang mga personal na bakasyunan ng mga Marcoses na ang ginastos sa pagpapatayo noon ay mula sa kaban ng bayan.

Sa Laguna, isang beses lamang at diumano’y wala pang tatlong oras na ginamit ng pamilya Marcos ang “kambal na bahay kubo” sa loob mismo ng dating Canlubang Sugar Estate na pag-aari ng pamilya Yulo.

Personal kong nakita ang dalawang gusali na ito nang mapabilang ako sa Presidential Management Staff isang taon matapos ang Aklasambasyan.

Pawang may dalawang palapag, magkalayo ng may 50 meters sa isa’t isa, centralized airconditioned, malalapad ang sahig sa ikalawang palapag na posibleng mga first class na kahoy ang ginamit doon, animo’y isang higanteng bahay kubo ang desenyo nga nito, at fully furnished.

Hindi man inamin sa akin ng caretaker doon nang bisitahin ko ang nasabing lugar, nahinuha ko na tig-isa sina Ferdinand at Imelda sa nasabing “bahay kubo” sapagkat ang isa sa kuwarto ng nasabing resort ay mahiya-hiya mo’y isang hospital room – kumpleto sa medical equipment: dalawang oxygen tank, dialysis equipment at ga-aparador na lalagyan ng mga gamot.

Ang “para kay Imelda” naman ay mahihinuha agad sa pagkakaroon doon ng isang malapad na kama na akala mo’y sa reyna sapagkat napapalibutan pa ito ng manipis na “kulambo” na ayon nga sa caretaker ay galing pa iyon sa Lucban, Quezon at araw-araw ay kailangang palitan sapagkat “baka biglaang dumalaw doon si Madam.”

Nakaharap ang dalawang “bahay kubong” ito sa Tagaytay City, kaya’t kung maganda ang sikat ng araw ay matatanaw ang Palace in the Sky.

Hindi pa rin naugat

20-taon nga matapos ang Aklasambayanan, andoroon pa rin ang ugat ng pagpapatalsik sa mga Marcoses: Korapsyon at pagkagahaman sa puwesto. At ang matindi nito’y mas lumawak pa iyon hanggang sa kasuluksulukang barangay ng bansa.

Tila nga naging hudyat lamang ang pagpapatalsik na iyon sa isang diktador upang manganak pa ng mas maraming hidhid at gahaman sa material na bagay na mga opisyales ng pamahalaan.

Sa lunsod na lamang ng San Pablo’y patuloy ang matataas na opisyales ng pamahalaan sa pagngasab sa pondo nina Pablo’y.

Maging ang ilang department head ng city government offices ay makakapal na rin ang mukha sa pangungurakot, pagtatago ng mga official documents, pagpapalaki ng tiyan sa puwesto at lahat na ng katamarang suma total ay pagaaksaya lamang sa pondo ng bayan.

Mahigit ng isang taon nang isampa namin sa Office of the Ombudsman ni kasamang Iring Maranan ang reklamo laban sa 14 city government officials.

Naniniwala kami na disadvantageous to the government ang pagkakabili ng lungsod sa isang walang titulong lupain na 3.05 hectares sa may Brgy. San Jose sa halagang P840.00 per square meter o kabuuang P25.6M upang gawin lamang iyon na isang oval and sports complex.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naisod ang reklamong iyon sa Ombudsman laban kina mayor Vicente Amante, vice mayor Lauro Vidal, mga konsehal na sina Katherine Agapay, Alejandro Yu, Edgardo Adajar, Diosdado Biglete, Rodelo Laroza, Leopoldo Colago, Richard Pavico at Joseph Ciolo at mga city department head na sina city assessor Celerino Barcenas, city treasurer Angelita Belen, OIC city engineer Jesus De Leon at city planning & development Rolando Bombio.

At dahil hindi nga nausad ang aming reklamo, muli na namang gumaod ng sa paniniwala nami’y pangungurakot sa pondo ni Pablo’y ang nasabing mga halal ng bayan nang agaran nilang aprubahan ang pagbili ng may anim na ektaryang lupa (na wala na namang titulo) sa may tapunan ng basura ng lungsod sa halagang P330.00 per square meter o humigit kumulang P20.3M.

Ang nasabing lupain na gagawing tapunan pa rin ng basura’y napasanla lamang sa isang pribadong bangko ng P30.00 per square meter at ngayon nga’y mismong city government pa ang siyang nagtakda sa presyo nga nitong P330.00 per square meter.

Wala ng independent ang COA, CSC, RTC?

Umugong ang balita noong mga huling linggo ng 2005 na inodit ng Commission on Audit (COA) ang kaban ng lungsod ng San Pablo. Hanggang ngayon ay tikom pa rin ang bibig ng mga taga-COA hinggil dito. Hindi nila kumpirmahin kung totoong short ng malaking cash ang kaha ni Pablo’y ng ilang milyong piso. Katwiran ng mga taga-city COA sa media’y “walang clearance pa sa itaas na maglabas ng impormasyon.”

Hungkag at inutil na rin ang Civil Service Commission (CSC) upang todotodong bastusin at alipustain ng mga halal ng bayan ang mga career executive service officer (CESO) na tulad ni DepEd undersecretary Mike Luz.

Inalis sa DepEd si Luz matapos tanggihan nitong maging kasapakat sa pangungurakot ng nasa Malakanyang noong kasagsagan ng kampanyahan para sa Halalan 2004. Ayon sa CSC “management prerogative” ng Malakanyang ang paglilipat sa kanya na mula nga sa DepEd patungo naman sa Department of Labor and Employemnt (DOLE). Hanggang ngayon naninindigan si Luz na iligal ang pagkakatanggal sa kanya ng Malakanyang sa DepEd.

Kung ang mga professional government managers na may ranggong CESO ay nagagawan ng kabastusan ng mga nasa poder ng pamahalaan, how much more ang nasa local lamang na mga regular employee ng pamahalaan?

Akala nati’y masamang tao na si dating mayor Boy Aquino nang alisin niya sa puwesto si market superintendent Fe Abril at ilipat ito sa ibang sangay ng city treasurer’s office. Mas demonyo pala ang Amante administration nang alisin naman nito si social welfare officer IV Rolando Cabrera sa city social welfare & development office at ilagay sa operasyon ng market bilang tagapagtiket sa mga manininda. Dating hepe ng CSWD si Cabrera sa panahon ni mayor Aquino subalit nang si Amante na ang naging mayor ay inalis nga nito doon sa kanyang mother unit si Cabrera at ginawang isang pangkaraniwang kawani na lamang.

Akala nati’y gagana na ang wheels of justice para sa mga mamamayan. Subalit papaano natin mararamdaman ang gulong ng hustisya kung hanggang ngayon na mahigit nang apat na taon ay hindi pa natin nakakamtan ang tunay na hustisya sa 3rd floor ng San Pablo City Shopping Mall upang may mapaglugaran naman ang mga maliliit na manininda.

Papaano nga gugulong ang hustisya kung ang mismong mga huwes sa Regional Trial Court ng lungsod na ito ay nakakatanggap ng limang libong pisong honorarium gada buwan mula mismo sa office of the mayor? Bukod pa rito ang kung anu-ano pang ayuda na ibinibigay sa mga nasabing RTC, tulad ng pambayad sa koryente, telepono, office supplies atbp.

Pati naman mga taga-city fiscal’s office ay todo rin ang pag-aayuda doon ng office of the mayor sa pamamagitan ng monthly regular honorarium na tig-P5,000.00 at P2,500.00 sa city fiscal at mga assistant nito. Ganoon din ang pagayuda sa pambayad ng telepono, kuryente, office supplies at ang pagtatalaga ng mga casuals doon.

Laging last priority ang mahihirap?

Papaano nga ba natin tunay na masusukat ang pakikidigma ng pamahalaan kahit man lamang sa iligal na droga kung mula sa kapulisan hanggang sa mga RTC’s ay palpak ang mga kasong isinampa hinggil dito sapagkat may nakapaing mga honorarium?

Hindi madamot sina Pablo’y sa pagbibigay ng ayuda sa alinmang national government agencies na nasa lunsod na ito kung talagang labis-labis na ang pondo nito para sa mga mahihirap.

Ang siste nga’y lagi na lamang last priority ang mahihirap sa pagbabahagi ng biyaya, mas laging nasa unahan sa pagsambot ng biyaya ang meroon na.

Maging ang ilang mga water district sa bansa ay napasok na rin ng sakit sa pagkagahaman. Ilang taon na ring natatalakay sa pahina ng DERETSO ang hinggil sa suliranin sa San Pablo City Water District na kung saan ay matagal na ring binababoy ng ilang mga director ng board ang PD 198, ang batas na nagtakda sa pagkakaroon ng water district sa bansa.

Ilang mga water district sa bansa, balot din ng anomalya?

Hanggang ngayo’y hindi pa rin tinutupad ni Atty. Marciano “Nonong” P. Brion Jr. ang Kautusan ng Korte na bakantehin na nito ang puwesto sapagkat matagal na siyang squatter doon.

Hindi pa rin ganap na naibabalik ni Engineer Roger Borja, ang general manager ng distrito, ang pondong ibinayad sa mga backwages nina Raquel Tolentino at Evelyn Eje, pati na rin ang ipinampyansa nito nang damputin siya ng mga ahente ng National Bureau of Investigation dahil sa Contempt of Court.

Lahat ng mga nabanggit ay nangyari matapos nga ang Aklasambayan 1986.

Kahit saan na nga ang anomalya sa pamahalaan

Hindi solo ng San Pablo ang ganoong usapin ng korapsyon. Tila nga mababaon na lamang sa limot ang usapin ng dental chair na binili ng provincial government ng Laguna na diumano’y halos 700% ang overpriced nito. Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y nagmumukha ngang isa na lamang musuleo ang pagkagandagandang provincial hospital na nasa lungsod na ito dahilan naman sa maraming reported cases ng pagkamatay ng mga pasyente doon dahil naman sa kawalan ng sapat na gamot at doktor.

Hindi pa nga lamang natin nahaharap subalit may natisod tayong dokumento na isa si gobernador Teresita Lazaro na nakatanggap ng P5M mula sa pondo ng fertilizer scam. Natanggap niya ito sa kasagsagan ng eleksyon noong 2004.

Sa Calamba City, nananatiling isang puting elepante ang halos isang bilyong pisong halaga ng bagong city government building sa may Brgy. Halang. Hanggang ngayon hindi pa rin ito nagagamit gayong halos 99% na itong tapos.

Bukod sa puting elepanteng iyon sa Calamba City, patuloy na binabastos ng pamahalaang lokal ang batas ng built-operate-transfer (BOT) sa patuloy nitong paghahangad na makuha ang pamamahala sa Calamba City Shopping Center ng walang anumang kabayaran sa pribadong kompanyang nagsagawa noon kahit na nga ipinagutos na ng korte na bayaran ang nasabing kompanya.

Nakakalungkot isipin na ang ipinaglaban ng sambayanan dalawangpung taon na rin ang nakaraan ay hanggang ngayo’y iyon pa rin ang ipinaglalaban: pagsugpo sa mga katiwalian sa pamahalaan.

Nakakalungkot isipin na halos lahat na nga ng sangay ng pamahalaan ay napasok na ng nakakahawang sakit ng pagkagahaman na ang nagpapakalat nito’y ang mismong mga nasa poder ng kapangyarihan.

Tila nga nagiging palamuti na lamang ng pamahalaan ngayon ang pagkakaroon ng marangyang tanggapan ang Office of the Ombudsman upang ang kasong isinampa namin ni kasamang Iring ay mabaon na lamang sa limot.

Ito ngayon ang reyalidad ng ating bansa matapos nga ang 20-taong Aklasambayan noong 1986.

Huwag ng hintayin ang panibagong 20-taon

Sinasabing hindi kasi nabigyan ng malalim na halimbawa ang resulta ng Aklasambayan noong 1986. Mas pinairal ng mga Pinoy ang nakagisnang kultura ng “hamo na’t napatalsik na naman natin.”

Ang siste’y wala pang dalawampung tao’y muling namayagpag ang mga pinatalsik at sa pagdating nga ngayon ng ikadalawampung tao’y kumalat na ng todo ang sakit.

Kailangan na nga ba ng isang matinding operasyon upang maugat na ang kahit isa sa naging dahilan ng pag-aaklas? O kailangan pa nating maghintay ng panibagong dalawampung taon bago ugatin ang problema?

Hindi na kailangan pang maghintay ng panibagong 20-taong pagbabago kung sa simula pa’y mainit na nakikibahagi ang mga mamamayan sa mga usaping tunay ngang nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Hindi solo ng mga pulitiko ang anumang problema sa bayan at bansa, lalaon baga’y problema ito ng buong sambayanan.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home