| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Tuesday, February 07, 2006

Naisanla ng P30.00/sq.m., bibilhin ng city gov’t ng P330.00/sq.m.

Overpriced nga ba ang bibilhing dumpsite?


(Ulat pananaw ni Iring Maranan, San Pablo City) – With impunity na nga ba sa paglustay ng kaban ni Pablo’y ang Amante administration?

Ito ngayon ang nabubuong kuro-kuro sa aking isipan matapos namang tahasang balewalain ng mayoryang miyembro ng Sangguniang Panglunsod ang inihayin kong liham sa kanila, dated January 12, 2006.

Talaga nga bang kasapakat na sa pandarambong ng kaban ng lunsod sina Vice Mayor Larry Vidal, Konsehal Abi Yu, Pol Colago, Jojo Biglete, Karen Agapay, Rudy Laroza, Egay Adajar, Richard Pavico, Joseph Ciolo at Gener Amante upang hindi nila bigyang pansin ang aking liham na nagsasabing, “P30.00 per square meter lamang ang asses value ng lupang bibilhin ng city government sa may Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño, kumpara naman sa nais ni Mayor Vicente Amante na bilhin iyon sa halagang P330.00 per sq.m.?”

Matagal ng tapunan ng basura ng lungsod na ito ang may bahagi ng lugar na iyon at matagal na ring panahon na inuupahan lamang iyon ng siyudad. Mas advantegous to the government nga ba kung bibilhin na iyon sa halagang 20.3 milyong piso kesa rentahan na lamang?

Wala na nga bang ibang paraan upang maibaba ang halagng P330.00/sq.m.? Iyon na nga ba ang fair market value ng lupa sa lugar na iyon?

Kutob ko tuloy na talagang sinasamantala ng magkasapakat na Amante-Sangguniang Panglunsod ang “ora-de-peligrong” banta ng mga taga-National Waste Management Council at DENR na “ihahabla na nila si Amante kapag hindi ganap na isinara ang kasalukuyang dumpsite ng lungsod” sa pagbili naman ng sa paniniwala nati’y overpriced na parsela ng lupa?

Anim na ektaryang lupa na bibilhin ng city government

Sa regular session ng Sangguniang Panglunsod noong October 18, 2005, naka-agenda sa Item No. 2005-424 ang 1st endorsement mula kay Amante na humihiling na mabigyan siya ng kapangyarihang mabili ang, 1) may 31,000 sq.m. na untitled land sa may Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño lungsod na ito na pag-aari ng magasawang Lilim G. Cabrera, Jr. at Milagros Vallejo ng Balagtas Blvd., at 2) 30,543 sq.m na untitled land din na pag-aari naman ni Lilibel G. Cabrera lungsod ding ito.

May talang PIN. No. 130-03-070-01-007-0103 at ARP No. 94-070-0014 ang kay Lilibel. Tatlong parsela naman na may mga tax declarations na ARP No. 94-055-753; PIN No. 130-03-070-02-007-0106; at ARP 94-070-016 ang sa mag-asawang Lilim at Milagros.

Kalakip sa nasabing kahilingan ang kopya ng “Contract to Sell” sa bahagi ng city government at magasawang Cabrera, Jr. Binigyan naman ni Libel ng Power of Attorney si Lilim na siya ng direktang makipagnegosasyon sa city government.

Nakalagay sa nasabing kontrata na mismong ang city government ang siyang nag-alok pa sa mga Cabrera na bilhin ang nasabing walang titulong lupa sa halagang P10,079,190.00 (para kay Lilibel) at P10,230,000.00 para kay Lilim.

Magbibigay na kaagad ang city government ng downpayment na tig-iisang milyong piso para sa nasabing bibilhing lupain kapag naratify na ng konseho ang nasabing kontrata.

Ang natitirang kabuuan ay babayaran naman ng city government ng dalawang hulog – January 2006 at May 2006 ng tig-P4,539,959.00 para kay Lilibel at tig-P4,615,000.00 para kay Lilim Jr.

Paninindigan nina Konsehal Martin Ilagan, Ivy Arago at Gelo Adriano

Lubos na naniniwala sina Ilagan, Arago at Adriano na dapat munang sumailalim sa malalimang pag-aaral ang nasabing kahilingang iyon ni Amante.

Nais ni Arago na bigyang linaw muna ang usapin hinggil sa liham na natanggap niya mula kay GM Casamiro A. Ynares III, executive director ng National Solid Waste Management Council (NSWMC), na nagsasabing ipinaabot na nila kay Amante “in the July 20, 2005 letter related to the statement ‘to seek for an alternative site’ was intended specifically for the operation of a sanitary landfill (SLF) which should be located in a feasible site and which will replace the controlled dump facility in February 2006.”

Sinabi naman ni Ilagan na baka mas makabubuti sa pangpinansiyal na katayuan ng lungsod kung “rerentahan na lamang” ang nasabing lugar tulad ng siyang nakagawian na.

Nais naman ni Adriano na linawin pang mabuti ang hinggil sa resulta ng isinagawang pag-aaral ng mga taga-Mines and Geosciences Bureau ng Department of Natural Resources ang Enviroment.

Inupakan na sa Special Session ng Konseho

Napunta sa mga binging tenga ang kahilingang iyon nina Ilagan Arago at Adriano sapagkat sa special session ng konseho noong January 13, 2006 na ipinatawag ni Amante ay inupakan na naman doon ang “aprub without tinking!” ng mayoryang konseho sa kabila na naihabol ko sa nasabing session ang nadiskubre ko ngang dokumento.

Ayon pa sa nakalap kong impormasyon, isinanla ni Lilim Jr. ang isang parsela ng lupa, na kasama sa bibilhin ng lungsod, na may talang ARP No. 94-070-016, sa isang bangko ng halagang 800 libong piso noong July 2000.

Ganap lamang itong natubos matapos namang maretipikahan ng konseho ang nasabing kahilingan ni Amante. Inabot ng may isa’t kalahating milyong piso ang pagkatubos sapagkat hindi nakabayad ng interes sina Lilim Jr. sa nakalipas na apat na taon.

Ayon pa sa impormasyon, “halos walang value ang naka-collateral na lupa,” mas tiningnan nila ang mataas na “credit standing” ng mag-asawang Lilim Jr. at Milagros.

Samakatuwid, baka nga mas mababa pa sa P30.00 ang dapat na maging value noon sapagkat sinu nga namang pribadong tao o grupo ng tao ang bibili ng lupang iyon gayong katabi lamang iyon ng dumpsite ng lungsod?

Mangangain ng buhay at kung nakakamatay lamang ang mga tingin

Animo’y kakainin ako ng buhay at tila kung nakakamatay lamang ang mga tingin ay baka nga patay na ako sa ipinukol sa akin nina Colago, Yu, Biglete, Adajar at iba pang baka nga kasapakat sa baak-baak, nang ihatag ko na ang aking liham sa konseho.

Binalaan pa ni Adajar si Adriano na iko-contempt niya ito kapag binasa ang aking liham. Sa madaling salita’y hindi nila binigyang puwang na mabusisi kung may katotohanan nga ba ang mga dokumentong aking inihatag sa kanila gayong milyong halaga nina Pablo’y ang nakataya.

Talagang sa pag-galpong ng pondo ng bayan ay tila nga pinatotohanan ang isyung ibinato kay Amante noong nakaraang Halalan 2004.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home