| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Thursday, January 19, 2006

Iba’t ibang version sa Cocopestebal 2006 murder

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, San Pablo City January 19, 2006) – Iba’t ibang version ang nabubuo ngayon sa lungsod na ito sampung araw matapos namang walang kalaban-labang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang limang kabataan at pagkasugat ng isa pa sa Mariflor Subdivision, Brgy. Del Remedio humigit kumulang alas-dose y medya ng madaling araw.

Unang gabi ang January 9 sa pagbubukas ng magarbong Cocofestival 2006 (na ilang taon na ring binansagan na Cocopestebal) sa city plaza na dinagsaan ng libu-libong manonood mula sa iba’t ibang barangay at karatig bayan ng lungsod.

Sa anim na miyembro ng kabataan, na walang awang pinagbabaril ng diumano’y limang kalalakihang suspek, 5 dito ang nasawi na sina Blas Melvin Dequina y Abrenica, 15-taong gulang; Jimson Vergara, 17-taong gulang; Aldwin Villaroel y Flores, 20-taong gulang; Arnold Munecia y Resurrecion, 33-taong gulang, binata; John Andrew Belen y Cerejano, 22-taong gulang. Pawang mga nagtamo ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nasugatan naman sa tama ng bala ng baril din sa may paa at hita at siya lamang tanging nakaligtas sa insidente si Joey Albert, 20-taong gulang na kapatid ni John Andrew.

Sa unang bugso ng pamamaril ng nasabing limang suspek, idineklara naman sa pinagdalhang pagamutan na dead on arrival si Jimson Vergara. Namatay naman habang ginagamot sa pinagdalhan ding pagamutan sina Blas Dequina, Arnold Munecia at Andrew Belen.

Sa simula’y nasa delikadong kalagayan si Aldwin Villaroel nang dalhin din sa pagamutan, subalit makaraan ang ilang araw ay namatay din ito.

Version ng nakaligtas

Sa panayam ng DERETSO kay John Albert sa tahanan nito noong umaga ng January 18 sa may Mariflor Subdivision, sinabi nitong walang katotohanan ang unang napaulat sa ilang national broadcast na frat war ang sanhi ng insidente. At hindi rin diumano totoo na isa lamang sa kanilang anim ang nanood sa city plaza na siyang may nakaaway doon.

“Lahat po kaming anim ay nanonood sa opening ng Cocofestival noong January 19,” ayon kay John Albert.

Diumano pa, sa may lugar ng Banco Filipino sila pumuwestong mga magkakabarkada.

Binigyang diin niya na wala namang anumang insidenteng naganap doon. “Wala po kaming nakaaway doon,” ayon pa kay John Albert. At wala din aniyang nasasabi sa kanya ang sinuman sa kanyang mga kabarkada na may matagal ng kaalitan.

Inamin niya na miyembro siya ng Tau Gama noong high school pa siya. Graduating college student siya ngayon sa Laguna State Polytechnic College na nasa Brgy. Del Remedio din.

Alas dose ng gabi nang umuwi na silang magkakabarkada sa Mariflor Subdivision mula nga sa panonood sa city plaza.

Hindi diumano sila umuwi agad sa kani-kanilang bahay at tumambay muna sa may harapan ng bahay ni Engineer Rafael Dequina, tiyuhin ni Blas Melvin.

Ayon pa kay Joey Albert ganito ang posisyon nila nang nakatambay na nga sila sa may kantuhan ng bahay ni Engineer Dequina: si Joey Albert nasa kanan niya si Jimson katabi naman nito si Andrew kasunod si Arnold, Aldwin at Melvin.

Wala pa aniyang limang minuto silang nakatambay sa nasabing lugar nang may mapansin silang isang white Toyota Corolla na kotse na pumasok sa nasabing subdivision.

Normal aniya naman ang takbo ng nasabing kotse nang dumaan sa harapan nila at dumeretso sa may dulo ng nasabing subdivision.

Maya-maya aniya’y napansin na niyang pabalik na ang nasabing kotse.

Halos hindi pa muling lumalampas sa kanilang harapan ang nasabing kotse nang napansin niya na may limang lalaking naglalakad kasunod ng nasabing kotse.

Diumano, mga naka-short pants lamang ang nasabing mga kalalakihan na may suot na magkakaibang damit at lahat ay nakasuot ng baseball cap.

Pagkalapit aniya sa kanila ng mga kalalakihan, agad silang tinutukan ng baril at kinuha ang kanilang mga cellphone at wallet. Isa-isa din sila diumanong kinapkapan.

Nakuha kay Arnold Munecia ang isang tsako na nakasukbit sa likod ng baywang nito. Pagkakuha aniya ng isa sa limang lalaki ng tsako ay inihampas ito kay Arnold. Sinalag ni Arnold ang mga hampas na iyon. Napansin ni Joey Albert na isa sa limang lalaki ang nagtungo sa likod ni Arnold at nagulat na lamang ito (Joey Albert) nang paputukan ng baril si Arnold.

At doon na diumano nagsimula ang walang habas na pamumutok ng limang kalalakihan sa kanilang mga magkakabarkada.

Bigla siyang tumaob at hindi na kumilos.

Nang ganap ng makaalis ang nasabing mga kalalakihan, tumayo siya at tumambad sa kanya ang duguang mga nakahandusay na barkada.

“Nagkalat po sila sa kalsada at pulos duguan at naramdaman ko po na pati ako ay may tama sa may hita at paa,” ayon sa kuwento ni Joey Albert sa DERETSO.

Nagpilit diumano siyang maglakad upang humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay.

Batay naman sa initial na imbestigasyon ng pulisya

Ayon sa opisyal na tala ng pulisya ng lungsod na ito, nakuha sa crime scene ang mga sumusunod: 8 spent shells of .45 caliber; 15 spent shell of .9mm; 6 deformed slugs; black sandals; at white rubber shoes with black socks.

Batay sa kuwento ng isa sa miyembro ng investigating team ng pulisya ng lungsod ding ito, bukod sa salaysay ni Joey Albert na “magkakasama silang nanood sa plaza, may pumasok na puting Toyota Corolla w/ unidentified plate number,” ay ang batay naman sa kanilang pangunang imbestigasyon na diumano’y “nagkaroon muna ng mahabang pag-uusap ang dalawang grupo bago ganap na nagkaroon ng barilan.”

Ayon pa sa nasabing miyembro ng investigating team, “kung holdup ‘yon at kukunin lamang ang kanilang mga cellphone at wallet, hindi na iyon mamumutok at ‘tyak aalis kaagad ang mga suspek. Bakit nagkaroon muna sila ng mahabang diskusyon bago maganap ang barilan?”

Teorya pa ng nasabing miyembro ng investigating team: “Posibleng kakilala ng isa sa anim na magkakabarkada ang limang suspek. At kung anuman ang kanilang pinagdiskusyunan ay tanging si Joey Albert lamang ang siyang makakapagbigay linaw.”

“Murder ‘yon,” opinyon naman ng isang abogadong nakausap ng DERETSO.

Ayon sa nasabing abogado, isa sa elemento ng kasong murder ay ang pagpaplanong pumatay.

“The mere fact na may dalang baril ang limang suspek nang harapin o makipagusap sila sa mga biktima ay nandoroon na ang elementong pagpaplanong pumatay. Kung totoo mang may nakapkap na tsako ang isa sa mga suspek sa isa naman sa mga biktima ay hindi mo maiikunsidera na paghahanda naman sa posibleng pagpatay sa kanila,” paliwanag pa ng abogado.

Version na kumakalat sa palengke ng lungsod na ito

Ibang istorya naman ang mabilis na kumalat sa palengke ng lungsod na ito.

Ayon sa mga kuwento, “may matagal ng kaalitan ang isa sa mga biktima sa grupo ng mga suspek.” May kuwento pang “may ‘di sinasadyang naapakan ng paa ang isang biktima sa isa namang kasamang babae ng mga suspek. Kasunod noon ay ang ‘di ring sinasadyang pagkakaakap ng natapakang babae sa isa sa mga umapak na biktima bilang unang reaksiyon nang masaktan ito. Minasama aniya ito ng isa sa mga suspek kaya’t nagkaroon ng pagtatalo sa may harap ng Zylo’s (taliwas sa kuwento ni Joey Albert na nakapuwesto sila sa may Banco Filipino).”

Sa iba’t ibang kuwentong ito na kumakalat sa palengke ng lungsod, mas lumalakas ang hinala ng mga mamamayan na “matagal ng alitan ang ugat ng pamamaril.”

Posible aniyang nakita ng mga suspek ang mga biktima noong gabi nga ng January 9 at doon na pinalano ang ginawang sa simula’y komprontasyon na nauwi nga sa walang habas namang pamamaril ng mga suspek.

Kuwento pa sa palengke, posibleng kaanak ng ilang matataas na opisyales ng lokal na pamahalaan ang ilan sa mga suspek sapagkat diumano’y sa panahon ngayon, “sino pa ba ang may lakas ng loob na magbitbit ng mga ganoong kalibre ng baril kundi ang mga nakapuwesto?”

Pananaw ng DERETSO

Unang putok na balita sa TV Patrol ng ABS-CBN Channel 2 at 24-Oras ng GMA7 Channel 7 na “frat war” ang sanhi ng krimen. Nang sumunod na araw, “matagal ng alitan” ang naging tema ng pagbabalita.

Bukod sa mga material evidence, nakabatay sa direktang pagpapahayag ng sinumang witness ang isa sa resulta ng imbestigasyon at pagbabalita ng media.

Kung ang pagbabatayan ay ang pahayag ni Joey Albert sa DERETSO, posibleng masabi ngang holdup. Subalit hindi maaalis ang katanungang: Bakit pa kailangang patayin matapos tangayin ang mga kinulimbat na gamit? Kung totoong may nakuhang tsako ang mga “holduper”, bakit kailangang ihampas pa sa biktima? At ang masakit na tanong na walang intensyong manglait: Gaano nga ba sila kayaman upang pag-interesang holdapin?

Kung totoo ang pahayag sa DERETSO ng isa sa miyembro ng investigating team na “nagkaroon muna ng mahabang diskusyon sa isa sa mga biktima bago maganap ang pamamaril”, may posibilidad nga na kakilala ng isa sa biktima ang kahit isa naman sa limang mga suspek. Posibleng hindi iyon tuwirang kilala ni Joey Albert at ng apat pa nitong kasamahang biktima.

Dead on arrival agad si Jimson nang dalhin sa pagamutan na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Posible kayang siya lamang ang may matagal ng kaalitan sa isa sa mga suspek?

Dead man tell no tales, ika nga at walang intension ang DERETSO na dumihan ang kanyang nakaraan o sinuman sa mga namatay na biktima.

Kung anuman ang namagitan sa grupo ng mga biktima at mga suspek, kasalanan pa rin sa batas ng tao at mata ng Diyos ang pumatay.

Susi si Joey Albert sa pagkakalutas ng krimen at pagtuklas ng katotohanan. He has his own life to live, ika nga. Subalit hangga’t hindi lumalabas ang katotohanan, siya lamang ang makakaalam kung hindi nga ba magiging daladalahin niyang multo ang insidenteng naganap sa kanyang mga kabarkada at kapatid sa darating na araw.

Sinikap ng DERETSO na makapanayam ang hepe ng pulisya ng lungsod na ito, subalit dahil wala naman kaming TV camera ay tila mailap ito sa local media.

Nais sanang itanong ng DERETSO kay hepe (na tila nga nalimutan na rin namin ang kanyang pangalan dahil sa kailapang makapanayam): Bakit hindi niya naparating ang SOCO (Scene Of the Crime Operatives) gayong maraming buhay ang napatay sa insidente?

Nais din nating itanong sa kanya kung sino sa kanilang dalawa ni Mayor Vicente Amante ang unang nagtungo sa pagamutang pinagdalhan ng mga biktima?

May impormasyon kasing ipinarating sa DERETSO noong January 11 sa pamamagitan ng text messages na agad binisita ni Mayor Amante sa pagamutan ang mga biktima humigit kumulang alas-dos ng madaling araw noong January 10 at masinsinang kinausap ang pamilya ng mga biktima.

Kung anuman ang napag-usapan nila ay sila-sila na lamang ang nakakaalam.

“SOP na ‘yun kay mayor na kapag may mga ganoong insidente ay agad itong nagtutungo sa bahay o ospital o himpilan ng pulisya upang alamin kaagad ang mga pangyayari. Hindi ako privy sa kung ano ang napagusapan nina mayor at ng pamilya ng mga biktima,” ayon sa isang executive assistant ni Amante na ayaw ng magpabanggit ng pangalan.



1 Comments:

At 6:52 PM, Anonymous Anonymous said...

Hangga't walang magsasabi ng buong katotohanan sa nakitang insidente e talagang imposible ng malutas ang kaso.
Sa ngayon, mainit na bulung-bulungan pa rin sa palengke ng San Pablo na may kinalalaman daw ang magkapatid na Dante at Gener. batayan nila ay talagang daw namang sanay na silang magpatumba o sila mismo ang nagtutumba.
Sana nga ay huwag tantanan ng pulis ang pag-imbestiga. Pero papano ka nga naman gaganahan mag-imbestiga kung mismong ama ng witness ang pipigil para lumutang ang katotohanan.
Common sense lang: kung may sinasandalang matibay, siyang malakas ang loob na pumatay.

 

Post a Comment

<< Home