| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Tuesday, February 07, 2006

Gawad Kalinga project sa Santa Rosa City, tuloy pa rin

(Ulat ni Iring Maranan, Santa Rosa City) – “Tuloy na tuloy pa rin ang proyektong low-cost housing project sa mga kapuspalad nating kababayan,” humigit kumulang pahayag ni Mayor Joey Catinding ng lungsod na ito sa isinagawang press conference noong umaga ng January 31 sa headquarters ng Toyota Motor Corp. (TMC) sa lungsod ding ito.

Matatandaan na noong November 2004, sa panunungkulan pa ng pinaslang na si Mayor Leon Arcillas pinasinayaan sa Brgy. Pulong Santa Cruz ang joint project ng proyektong ito sa pakikipagtulungan naman ng Gawad Kalinga-Couples for Christ at TMC. Pormal ding ibinigay doon ng TMC sa pamamagitan naman nina Totyota foundation president Dr. David Go at TMC president Mr. Nobuharu Tabata ang isang milyong pisong donasyon para nga sa pagpapatayo ng low-cost housing.

Sumandaling nabalam ang pagsulong ng nasabing proyekto dahilan naman sa naging problema ng right of way sa Brgy. Pulong Santa Cruz. “Nailipat na ito ngayon sa Freedom Ville sa may market area,” ayon pa kay Catindig.

Ganuon man, kinakailangan pang bayaran ng siyudad ng may 200 libong piso ang 18 pamilyang nakatira sa may creek ng nasabing lugar. Kasalukuyan na itong pinoproseso.

Bahagi ng social responsibility ng TMC ang pakikilahok sa ganoong proyekto ayon naman kay Go. Bukod sa low-cost housing project, patuloy din ang TMC sa regular na pagsasagawa ng kanilang free medical-dental mission, pagbibigay ng mga educational scholarship atbpng pagkakawanggawa sa publiko.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home