| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Tuesday, February 07, 2006

Paligid ng palengke ng San Pablo, inayos na

(Kunwari ‘lang pala?)


(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, San Pablo City) – Naging moro-moro at kunya-kunyarian lamang pala ang naging pag-aayos sa palengke ng lungsod na ito ng mga local government officials noong a-dos ng Pebrero. Ito ang naging opinyon ng mga mamamayan matapos namang makita nilang wala naman palang pagbabago sa palengkeng pinalengke.

Nagbuo ng isang task force ang lokal na pamahalaan na siyang nakipagugnayan sa mga ambulant vendor upang magkaroon na nga ng kaayusan doon. Kinabilangan ito ni Atty. Marius Zabat, kasama ang office of the general services, market superintendent, city engineering office, public safety assistance force at Philippine National Police.

Ayon sa mga nakasaksi, “hindi malinaw ang plano kung papaano nga ba aayusin ang palengke” sapagkat makaraang makaalis ang task force ay balik na naman sa magulong kaayusan iyon.

“Walang political will ang Amante administration na ipatupad ang kaayusan sa lungsod ng San Pablo. Mas nakatuon kasi ang utak nila sa pagkakaperahan,” mainit na komento pa ng isang tagapalengke na ayaw ng magpabanggit ng pangalan.

“Sala sa lamig, sala sa init. Inayos noon ni Mayor Boy Aquino ang palengke, tinira ninyo! Ngayong magulo na uli ang palengke, tinitira pa rin ninyo!”, sumbat sa DERETSO ng isa pa ring tagapalengke.

Partikular na reklamo ng mga stall owner ng palengke ang pagkakaroon ng santambak na ambulant vendor sa bahagi ng service road at lobby sa harapan mismo ng elevator area.

“Wala na po kaming kinikita,” humigit kumulang hinaing ng mga stallowner sa liham nila kay Mayor Vicente Amante noon pang nakaraang taon hinggil naman sa rason kung bakit nababalam ang pagbabayad nila ng local taxes.

Matatandaan na sa halip na tugunin ng maayos ni Amante ang nasabing may dalawang taon na ring hinaing ay ipinasara niya ang stall ni Gng. Celia Conducto-Lopez noong October 2, 2005 bilang pagpapakita ng “Amante kind-of-political-will.” Muling nabuksan ang stall ni Lopez matapos namang ipagutos iyon ng Korte. Patuloy pa ring dinidinig sa Korte ang nasabing usapin.

Binatikos ng DERETSO si MBA noong “linisin” niya ang service road sa mga ambulant vendor at maging ang paligid ng palengke dahilan na rin sa walang katiyakang lugar na paglalagyan ng mga aalising manininda. Ganito pa rin ang puna ng DERETSO sa mga isasagawang pag-aayos sa palengke: Kaukulan at permanenteng lugar para sa mga maliliit na manininda.

Hindi na iilang ulit napasulat sa pahina ng DERETSO ang hinggil sa kaayusan ng palengke.

Naipa-anyo na ang mga nasunugang stall holder, ang siste’y hanggang ngayo’y hindi pa rin naman nabibigyan ng karampatang pagkakaton na magkaroon din ng permanenteng puwesto ang matagal na ring mga ambulant vendor na ang karamihan sa mga iyon ay hindi pa rin nabibigyan nga ng pagkakataong magkaroon ng sariling stall kahit na nga ilang ulit na nasunog ang palengke.

Hanggang ngayon, hindi pa rin maresolba ng Regional Trial Court sa lungsod na ito ang usapin ng 3rd floor. At tila nga yata bubulukin na ng Amante administration ang Mall Two gayong matagal na rin naman itong tapos at may ilang mga stalls din sa first floor nito.

Tila nga yata ang nakikitang solusyon na lamang ng Amante administration ay ang magpagawa muli ng panibagong palengke na baka nga siyang gagawing matibay na justification upang makubra na ang naunang naaprubahan naman ng rubber stamped na Sangguniang Panglunsod na tig-300 milyon pisong stand-by credit sa Development Bank of the Philippines at Landbank.

Ugat ng paghina ng benta ng mga stall holder ay ang sangkatutak na ambulant vendor. Ugat ng pagdami ng ambulant vendor ay ang kawalan ng hanapbuhay at permanenteng lugar ng pagtitindihan sa mismong palengke ng lungsod.

At ang dalawang ugat na ito ang siyang dapat solusyunan ng Amante administration

Mismong ang kasalukuyang palengke ang siyang may malaking puwang sa pag-ugat ng problema at hindi ang muling pagtatayo ng bagong palengke.

Nagtitiis nga sa 2 x 2 sq.m. ang karamihang stall holder sa palengke, siguro nama’y kaya ring makapagtiis sa ganooong sukat din ang mga ambulant vendors kung ang kapalit naman noo’y isang permanenteng lugar na para sa kanila.

Kung ang naisin ay busilak na maayos talaga ang palengke, sasaan baga’t makakamtan iyon. Subalit kung ang bitbit pa rin ay personal agenda sa pagaayos noon, dahil may malaking halagang nakakalat mula naman sa hari ng 5-6 sa palengke, asahang walang katapusang moro-moro ang magaganap na pagsasaayos doon.

For the meantime, bantayan na lamang nating muli kung kailan ang susunod na moro-moro sa loob at labas ng palengke.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home