| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

Dan Fernandez: Kaibigan at idolo pa rin ng masa

(Ulat ni Byron R. Emralino, San Pablo City) – Kaibigan at idolo pa rin ng masa si dating Laguna vice governor Dan Fernandez. Ito ang naging obserbasyon ng DERETSO sa ginawa nitong coverage noong maghapon ng February 14 sa paglilibot ni Fernandez sa mga palengke sa bayan ng San Pedro at Biñan, Laguna.

Una nang pinasyalan ni Fernandez noong February 10 ang San Pablo City Shopping Mall & Public Market upang personal na magpasalamat sa mga tumangkilik sa kanya noong nakaraang halalan ng 2004 at doon nga’y mainit siyang tinanggap ng mga tagapalengke.

“Kaibigan ka pa rin namin!,” sabi ni Fe Lagos na tindera sa palengke at taga-Brgy. San Vicente, San Pedro, Laguna. “Idol for life!,” sabi naman ni Ronnel Villa, isang tricycle driver ng Brgy. San Jose, Biñan, Laguna.

“Bumabati lamang po ng Happy Valentine at nagpapasalamat lamang po sa inyo,” bati ni Fernandez sa mga taga-San Pedro at Biñan.

Bukod sa mga yakap kay Fernandez ng kanyang mga tagasuporta, may ilan din ang nagpa-autograph pa sa kanya sa likod ng kani-kanilang damit.

“Matagal na akong supporter ni Dan at matagal ko na ring gustong gawin ito,” ayon kay Marissa Radan ng Brgy. San Vicente, San Pedro, Laguna sa tanong ng DERETSO kung bakit siya nagpa-autograph sa mismong suot niyang damit.

May mga nagpakuha pa ng litrato gamit ang kani-kanilang mismong mga cellphone unit.

“Remembrance ‘lang,” sabi ni Maribel Nato ng Brgy. San Jose, Biñan, Laguna.

Sa maikling panayam ng DERETSO kay Mary Jane Mangambit, isang saleslady sa palengke ng San Pedro, sinabi nito na “hindi kukupas ang paghanga” niya kay Fernandez “bilang isang artista at magaling na pulitiko.”

“Wala kaming nabalitaan na nasangkot siya sa kung anumang anomalya noong vice governor pa siya ng Laguna. Kaya naman buong pamilya namin ay sumuporta sa kanya nang kumandidato siyang gobernador at lubos pa rin kaming naniniwala na siya ang nanalo,” sabi pa ni Mangambit.

“Inasahan ko ang kanyang panalo noong 2004,” ayon kay Ma Efren, tindero ng mga dry goods sa Biñan sa panayam pa rin ng DERETSO.

“Hindi pala sapat ‘yung pagboto lamang, dapat palang binantayan din namin ang bilangan. Nasubaybayan ko ang kanyang political career nang bokal pa lamang siya at nakita ko ang kanyang katapatan sa tungkulin. Bibihira na ngayon ang ganoong mga politiko. Bentahe nga ang pagiging artista niya at kilala subalit lubos ang paniniwala ko na naging tapat naman siya sa kanyang tungkulin sa pakikinig sa mga hinaing ng tao. Kung anuman ang kahulugan ng pagbisita niya ngayon sa amin, asahan ninyong susuportahan pa rin namin siya sa kanyang adhikain para sa ating lalawigan,” sabi pa ni Mang Efren.

Humingi naman ng paumanhin si Fernandez sa mga taga-San Pedro at Biñan na ngayon lamang siya nakapagpasalamat.

“Naku mabuti nga ikaw personal na bumalik dito sa lugar namin para magpasalamat. Ang karamihan sa mga nanalo hindi na nagpakita pang muli sa amin. Basta, sa ‘yo pa rin kami!” pahayag naman ni Cheche Lazaro ng Brgy. Mataban, Biñan, Laguna.

Sinamahan si Fernandez sa pag-iikot sa ilang palengke ng San Pedro ng kanyang matatapat na lider na sina Erh Martinio at Wilson Cerera. Sina Cesar Leyva at Noli Defante naman ang kanyang nakasama sa Biñan.

“Hindi kaylanman mawawala ang init ng aming pagmamahal at pagsuporta kay Dan. Kung anuman ang kanyang mga balak sa darating na mga araw ay kasama niya kami sa pagsusulong nito,” ayon sa kanyang mga lider.

Muling binanggit ni Fernandez sa DERETSO kung bakit hanggang ngayo’y patuloy pa rin niyang isinusulong ang mga programa ng kanyang partidong kinaaaniban, ang Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP).

Ayon kay Fernandez, nakita niya sa PDSP ang mga programang makakapaglapit sa agwat ng mayayaman at mahihirap.

“Habang ang ibang partido politikal ay patuloy na nagsasabing iaahon ko kayo sa kahirapan, ang PSDP naman ay konkretong kumikilos kung papaano isasagawa iyon.

“Pangunahin dito ang patuloy na pag-oorganisa ng mga kooperatiba ng iba’t ibang sector – magsasaka, urban poor, mga driver, kananayan, mga pampublikong guro, young professional, manggagawa, kababaihan, atbpng sektor ng lipunan,” paliwanag ni Fernandez.

Gaano ka kaseryoso sa pinasok mong larangan at sa pagbitbit ng mga layunin ng PDSP? Tanong ng DERETSO kay Fernandez.

“Gusto kong makiisa sa panawagan ni national security adviser Bert Gonzales (at siya ring chairman ng PDSP) na mamuno tayo sa pagbabago,” tugon ni Fernandez.

“Isang tunay na pagbabagong may direksyon na dapat pamunuan ng isang kilusan na nagka-kaunawaan. At magagawa lamang ito kung isasantabi natin ang mga klase ng pulitiko na wala nang inisip kundi ‘yung kanilang mga pansariling interes lamang.

“Ilan sa konkretong panukala ng PDSP para sa tunay na pagbabago ay ang puspusang paglaban sa mga katiwalian, pagpapahusay ng koleksyon ng buwis, malawakang pagpapalit ng mga nakapuwesto sa Comelec, reporma sa ating justice system, educational system, reporma din sa AFP, at mga hakbang para sa seguridad ng bansa sa pagkain, tubig at enerhiya,” ayon pa rin kay Fernandez.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home