Dan Fernandez, pinagkaguluhan sa palengke ng San Pablo
(Ulat ni Byron R. Emralino, February 13, 2006
DAN FERNANDEZ
Ito ang iba’t ibang sigaw ng mga tagapalengke sa lungsod na ito noong tanghali ng a-diyes ng Pebrero nang biglaang dumalaw doon si dating Laguna vice governor Dan Fernandez.
“Nagpapasalamat po ako sa ginawa ninyong pagtangkilik sa akin. Pasensiya na po kung ngayon lamang ako nakabalik dito,” humigit kumulang tugon ni Fernandez sa mga tagapalengke.
Nilibot ni Fernandez ang halos buong San Pablo City Shopping Mall & Public Market mula first hanggang second floor nito.
Halos bawat mga manininda sa palengke ay akapin si Fernandez sabay sabing “Ikaw naman ang nanalo, bumalik ka na uli!” na sinusuklian naman ni Fernandez ng maikling tugon na “narito po ako para magpasalamat, hanyo at pagkaloob ng Diyos ay mangyayari ang gusto ninyo.”
Sa buong panahon ng paglilibot ni Fernandez ay sinamahan siya ng magkapatid na kambal na kilalang isa sa maraming diehard political leader ni Fernandez sa lungsod na ito.
Sa panayam ng DERETSO, sinabi niyang natuon ang kanyang pansin sa election protest na kanyang inihain matapos ang halalan noong Mayo 2004.
“Ginawa ko lahat ang aking makakaya. Tulad din nang unang sumabak ako sa larangan ng pulitika ay inilagay ko na ang aking buong pagtitiwala sa sistema ng eleksyon sa ating bansa.
“Naniwala ako noon na kahit na isang mahirap na kandidato ay mananalo sa halalan basta’t kagustuhan ng mamamayan,” sabi ni Fernandez.
Matatandaan na sa unang sabak pa lamang ni Fernandez sa pagka-bokal ng 4th district ng Laguna ay nagkamit na ito ng pinakamataas na boto, mahigit sampung taon na rin ang nakaraan. At hanggang sa matapos niya ang kanyang termino bilang bokal ay hindi iyon nabago.
Maging nang kumandidato siya bilang vice governor ng Laguna ay hindi nabago ang init ng pagsuporta sa kanya ng mga taga-Laguna. Ang init na iyon ng pagtitiwala sa kanya ng mga taga-Laguna ang siyang nagudyok sa kanya upang kumandidato naman bilang gobernador ng Laguna noon ngang nakaraang halalan ng 2004.
Nanalo siya sa boto, subalit hindi sa aktuwal na bilangan. Ito ang paniniwala ng maraming taga-Laguna. Kasalukuyan pang dinidinig sa Comelec ang inihayin niyang protesta.
“Malayo pa ang susunod na eleksyon. Kung anuman ang
Sa mga nakalipas na buwan at taon, bukod sa pagtutok sa kanyang isinampang kaso sa Comelec, ay naging abala din si Fernandez sa pagtugon sa iba’t ibang imbitasyon ng kanyang mga kalalawigan bukod pa ang personal na pag-aasikaso sa kanyang munting negosyo sa Santa Rosa City, ang Rafters at Lafters Bar.
Bukod doon, abala din si Fernandez sa mga guesting niya sa iba’t ibang television program.
Ayon kay Fernandez, naging abala din siya sa pagbisita upang personal na pasalamatan ang mga negosyanteng sumuporta sa kanya nang vice governor pa siya.
“Naisakatuparan ko noon ang ating mga medical mission, pag-aaruga sa mga senior citizen, pagbibigay ng kaunting suporta sa pag-aaral ng ating mga mahihirap na kababayan nang dahil din sa mga kusang loob na pagsuporta ng ating mga kaibigang negosyante. Sa kanila lahat nagmula ang mga material na bagay na ibinigay natin sa ating mga kalalawigan. Naging daluyan lamang ako,” ayon pa kay Fernandez.
Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan ay mahigpit niyang binantayan ang paggastos sa pondo ng lalawigan.
“Oo nga’t magkapartido kami noon ni governor, subalit hindi ko maaaring talikuran ang ibinigay na pagtitiwala sa akin ng ating mga kalalawigan,” ayon pa rin kay Fernandez.
“Kung ano ako noon nang unang sumabak sa politika na walang gaanong salapi ay ganoon pa rin ako ngayon. Pagsisilbi ng tapat sa ating mga kalalawigan ang tangi kong bitbit sa pagharap sa kanila… kung kailan uli ito pormal na mangyayari, tanging Siya lamang ang magtatakda sa akin noon,” sabi pa ni Fernandez.
Walang kinaanibang political party si Fernandez nang una itong sumabak sa politika. Subalit makaraan ang ilang panahon sa pananatili sa puwesto ay naganyak siyang sumapi sa Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) na pinamumunuan ni national security adviser Norberto Gonzales.
“Nakita ko kasi sa PDSP ang tunay na kahulugan ng paglilingkod sa kapuwa. Hindi iyon nakabatay sa popularidad ng isang politiko, manapa’y sa popularidad na kagustuhang pagbabago ng mga mamamayan,” matalinghagang sabi pa ni Fernandez.
“Napakasimple pa rin ang gusto ng ating mga mamamayan – at iyan ay ang sila’y pakinggan sa kanilang mga karaingan at sama-samang pag-isipan ang solusyon sa kanilang mga karaingan.
“Papaanong totoong matutugunan ng isang politiko ang simpleng sakit sa ngipin ng ating mga pobreng kalalawigan kung ang gagawin naman ng nasa poder ng pamahalaan ay bibili ng overpriced na dental chair? Papaano mo mabibigyan ng kahit first-aid ang isang maysakit kung oo nga’t may milyun-milyong halaga ng gamut na nakalistang binili ang hindi naman napapadeliber sa mga pampublikong pagamutan? Papaano mareresolba ang kakulangan ng mga public school building kung matapos namang gastusan iyon ng daan-daang libong halaga ay agad itong guguho dahil sub-standard ang mga materyales na ginamit doon?
“Nakita ko na ang PDSP ay totong isang political party ng masa at mamamayan kaya nga’t hindi ako nagdalawang isip nang alukin ako nila na sumapi doon.
“Hanggang ngayon ay aktibo pa rin akong miyembro ng PDSP sapagkat, sabi ko nga’y kakaiba ito sa ibang traditional political party na kung kailan lamang may halalan ay saka aktibo sa pulitika. Partido ng masa at mamamayan ang PDSP kaya nga’t ako bilang pribadong tao sa ngayon ay hindi na mababago ang init ng aking naising maging kabahagi sa paghahanap ng solusyon sa kanilang mga karaingan.
“Ang problema ng masa ay problema nating lahat kaya’t hindi natin kaylanman dapat isantabi iyon,” pagtatapos ni Fernandez.
Noong araw na iyon ay apat na bayan pa sa lalawigan ang kanyang bibisitahin, kaya’t ayon nga sa kanya na parang shooting, balik lagare na naman siya.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home