| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

Brgy. San Marcos, nag-People Power vs. SPCWD

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, Brgy. San Marcos, San Pablo City) – NAGSALITA na ang mga mamamayan ng barangay na ito: NO TO SAN PABLO CITY WATER DISTRICT PROJECT!

Nakapaloob ang nasabing pagtutol sa bisa ng isang Barangay Resolution na pinagtibay ng mayoryang opisyales ng nasabing barangay noong October 2, 2005 at sinuportahan naman ito ala-People Power ng mga mamamayan doon sa pormal na pagsasampa naman ng reklamo sa National Water Resources Board (NWRB) noong December 12, 2005 sa pamamagitan ng Samahan ng Nagkaisang Mamamayan ng San Marcos na pinamumunuan ng kanilang pangulo na si G. Harvey Carpio.

At dahilan na rin sa nasabing pormal na reklamo, nakatakdang dinggin iyon sa tanggapan ng NWRB sa Quezon City ngayong March 23.

Batay sa nasabing resolusyon, tutol sila sapagkat “nagkaroon ng public bidding ng walang impormasyon sa tanggapan ng punong barangay ukol” sa nasabing proyekto; “hindi man lamang hiningi ang opinion ng mamamayan at nanunungkulan” sa nasabing proyekto; “sa kasalukuyan ay mayroon ng deep well” sa nasabing barangay, kaya’t “marapat lamang na sa ibang barangay isagawa” ang nasabing proyekto; at “ang pangamba na baka sa darating na araw” ay kanila namang barangay ang “maubusan ng tubig at mahirapan sa darating na mga araw.”

Sa pananaw ng DERETSO, kung naagapan agad ng mga taga-SPCWD ang maliit na problema’y hindi lalaot ang suliranin.

Minaliit kasi at binastos pa ni Engr. Virgilio Amante si barangay chairman Rolando Cosico at ang principal ng San Marcos Elementary School sa diumano’y pagbibintang sa mga iyon na “ninanakaw ng eskwelahan ang tubig.” Naganap ang pagbibintang sa mismong tanggapan ng SPCWD may ilang taon na rin ang nakaraan.

Mayroon na kasing naunang proyekto ang SPCWD sa nasabing barangay na nakatayo mismo sa loob ng nasabing paaralan. Simple lamang diumano ang naging kahilingan nina Cosico at ng principal: mabigyan ng libreng tubig ang kanilang pampublikong paaralan na agad namang pinayagan ng SPCWD.

Sa dalawang linya ng tubig, isa doon ay binabayaran ng paaralan ang nagagamit na kunsumo at ang isa nga ay libre.

Ang nasabing libreng tubo naman ang siyang ginagamit na pandilig sa mga halaman ng nasabing paaralan na kinabitan ng host upang hindi mahirapan ang mga mag-aaral sa pag-igib dito.

At nang makita ito ni engineer Amante ay agad na pinaputol nang hindi man lamang ipinaaalam sa principal at kay Cosico.

Pormal na nakipagusap sina Cosico at ang principal kay engineer Amante at sa halip na unawain ng huli ang paliwanag ay pinagbintangan pa nga niyang “mga magnanakaw” ng tubig ang nasabing paaralan.

Ipinaabot ng DERETSO, sa pamamagitan ni Al Genove, ang “munting suliraning” iyon, na positibo namang tinugon ni Genove at sinabi niyang mismong imumungkahi niya kay engineer Roger Borja, general manager ng SPCWD, na personal na humingi ng paumanhin kina Cosico at sa principal.

Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y walang anumang paumanhing naganap.

Nagpapakita ng tunay na tinig ng mamamayan ang People Power ng mga taga-Barangay San Marcos. Sana nga’y ganap ng maunawaan nina Borja, Atty. Marciano Brion, Jr. at iba pang matataas na opisyales ng SPCWD na nagmumula talaga sa People Power ang kanilang kapangyarihan… at ito rin ang siyang makakapagalis ng pansamantalang kapangyarihang iyon.

Tunay ngang isinasabuhay ng mga taga-Barangay San Marcos ang diwa ng 1987 Philippine Constitution – paghabi ng daan tungo sa isang maunlad na lipunan, pamayanan at bayan.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home