| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

Sa pagkamatay ng pasyente: NATURAL, AKSIDENTE, KAKULANGAN o KAPABAYAAN?



NAGHAHANAP NG KASAGUTAN ang pamilya ng namayapang si Antonio Quinto sa panayam ni Sol Aragones ng ABS-CBN (kaliwa) kay Gng. Angelina (kanan at maybahay ni Antonio) at anak na si Alma (gitna). Patuloy na naghihinagpis ang pamilya Quinto (ikalawang larawan) sa harap ng kabaong ni Antonio sa public cemetery ng Alaminos, Laguna bago ito ihatid sa huling hantungan.

(Ulat pananaw nina Iring D. Maranan at Dodie C. Banzuela, Brgy. San Benito, Alaminos, Laguna) – “GUSTO po lamang naming malaman ang tunay na nangyari sa aming ama kaya namin ginagawa ito. Maraming salamat po sa lahat ng nakiramay sa amin…”

Ito ang puno ng hinanakit na tinuran ni Anabelle Quinto, 32-taong gulang at panganay na anak ng namayapang si Antonio C. Quinto noong umaga ng March 21, 2006 sa kapilya ng barangay na ito nang ihatid na sa huling hantungan ang kanyang ama.

Tubong taga-San Pablo City si Antonio at kaya lamang napatira sa barangay na ito ay nang mapangasawa niya si Angelina Avenido Quinto. 53 taong gulang nang mamatay nga si Antonio sa Community Hospital noong March 15, humigit kumulang alas-onse kinse ng gabi.

Sa panayam ng DERETSO kay Angelina, masama ang kanyang loob kay Dr. Dennis Abril, ang surgeon na siyang nag-opera kay Antonio nang lagyan ito ng tubo sa tagaliran ng katawan upang maalis ang hangin sa baga nito. Nakatakdang magsampa ng kaukulang reklamo ang pamilya ni Antonio upang anila’y malaman ang tunay na naging dahilan sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.

Ayon pa kay Angelina, wala pang alas-otso ng gabi noong March 15 nang ipasok sa emergency room ng nasabing pagamutan si Antonio at doo’y sinuri ito nina Dr. Martin Jamias, isang internist at Dr. Abril.

Matapos aniyang ma-x-ray si Antonio, nagpasiya ang mga nasabing doktor na ilipat ang naunang ikinabit na tubo. Si Dr. Abril ang siyang muling gumanap nito.

Dapat sana’y OPD (out patient dept.) ‘lang ito, subalit sa kadahilanang lalong nahirapan sa paghinga ang pasyente, kumuha sila ng isang kuwarto upang doon magpagaling si Antonio. Hindi na matukoy ni Angelina kung anong oras natapos ang operasyon. Ang tanging natatandaan na lamang niya ay wala pa halos kalahating oras na nakakaalis si Dr. Abril matapos nga ang operasyon ay nakita niya na may lumalabas na mga dugo mula sa tubo papunta sa “parang guwantes na siyang sumasalo doon.”

Agad niyang ipinaalam sa mga nurse ang kalagayan ng kanyang mister na agad namang tinugon ng mga iyon.

“Nakailang ulit pa nga ako na siyang nagtapon ng dugong tumatagas sa tubo,” ayon pa kay Angelina.

Kasama niya ang dalawa sa limang anak noong mga sandaling iyon – si Alma, 30-taong gulang, pangalawa sa magkakapatd, at Rommel, 21-taong gulang, pinakabunso sa magkakapatid.

“Tinatawagan ng mga nurse si Dr. Abril, pero hindi yata nila makontak. Hanggang sa tuluyang mamamatay ang aming ama ay hindi na namin nakita si Dr. Abril,” ayon kay Alma.

March 19 ng umaga, batay na rin sa kahilingan ng pamilya sa tanggapan ng pulisya ng Lungsod ng San Pablo, sumailalim sa isang medical autopsy ang bangkay ni Antonio na isinagawa ni Dr. Roy Camarillo, medico-legal officer ng Philippine National Police Crime Laboratory na nakabase sa Police Regional Office IV sa Brgy. Canlubang, Calamba City.

“Malaki ang responsibilidad ng doctor sa kanyang pasyente, lalo na kung ang pasyente’y sumailalim sa isang operasyon. Mahalaga ang patuloy na obserbasyon dito at pagmomonitor, lalo na ng doctor na nagsagawa ng operasyon. I’m wondering, kung talagang kinokontak ng ospital ang nag-operang doctor, bakit hindi siya makontak? At kung siya man ay nakontak, bakit hindi siya personal na nagtungo sa ospital? Hindi ko masisisi ang pamilya ng namatayang pasyente kung isiping kaya namatay ang kanilang kaanak ay dahil sa kapabayaan ng doctor,” ayon kay Camarillo sa panayam ng DERETSO matapos ang isinagawang autopsy.

Hindi pa niya aniya mailalabas ang pinal na resulta ng kanyang autopsy hangga’t hindi pa naibibigay sa kanya ang kaukulang medical record ng pasyente. Subalit sa inisyal na pagsusuri nito, “nag-collapse” aniya ang baga ni Antonio.

Tumangging humarap sa camera ng ABS-CBN si Dr. Abril nang kapanayamin siya kasama ang DERETSO hangga’t hidi pa niya nakakausap ang kanyang abogado. Gayon man, nagpaunlak siyang sagutin ang ibang mahahalagang katanungang may kinalalaman nga sa agam-agam ng pamilya ni Antonio.

“Wala akong natanggap na notification from the hospital,” tugon ni Dr. Abril sa panayam sa kanya ng DERETSO at ng ABS-CBN noong umaga ng March 21. Hinggil iyon sa kritikal na sandali bago nga malagutan ng hininga si Antonio.

Magkasama aniya sila ni Dr. Jamias noong gabi ng March 15 at wala naman diumano itong naulit sa kanya hinggil sa kalagayan ng pasyente maliban sa: “Pare mukhang nagkakaroon ng pulmonary edema ang pasyente.”

Sinabi din niya na bago siya umuwi mga bandang alas-diyes ng gabi noong March 15 ay tinawagan niya ang ospital at kinumusta nito ang pasyente. Wala naman aniyang sinabi sa kanya ang ospital hinggil sa kalagayan ng pasyente maliban sa nahihirapan diumano iyon huminga.

Habang kinakausap sa telepono ni Sol Aragones ng ABS-CBN si Atty. Butch Javier, abogado ni Dr. Abril, nagkaroon ng pagkakataon ang DERETSO na maitanong sa kanya ang: Sa palagay po ba ninyo at that point in time nang malaman na ninyo ‘yung sinabi ni Dr. Jamias na “nagkakaroon ng pulmonary edema ang pasyente” ay dapat personal ninyong pinuntahan ang pasyente? Walang isinagot si Dr. Abril.

“No comment”. Ito naman ang naging tugon ni Dr. Jamias sa panayam sa kanya ng DERETSO. Payo daw iyon sa kanya ng kanyang abogado.

“Mahirap ang maging isang mahirap,” sabi pa ni Angelina sa DERETSO. Dahilan aniya sa kanilang kahirapan ay hindi kaagad niya naipagamot ang kanyang asawa.

Kinumpirma naman ito ni Dr. Abril na “dahil na rin sa kahirapan ng pasyente” ay hindi niya ito siningilan ng kanyang “standard rate na mula fifteen hanggang twenty thousand pesos.”

‘Yaon nga aniyang huling professional fee niya na tatlong libong piso’y pinabawasan pa niya ng five hundred pesos.

Sinabi pa ni Dr. Abril na sa gagawing pagbabalita ng media sa nasabing kaso’y magbabadya ito ng “pagkaubos ng mga doctor” sa ating bansa.

Sa panayam ng DERETSO kay Dr. Aristeo Alvero, medical director ng Community Hospital, sinabi nito na sa ngayon ay wala pa siyang masasabi hinggil sa usapin sapagkat wala pa naman siyang natatangap na reklamo mula sa pamilya ng namatayan upang magsagawa naman siya ng kaukulang imbestigasyon.

Ayon pa sa kanya, ang tanging natanggap lamang niya ay isang sulat mula kay Dr. Camarillo ng PNP Crime Lab na may petsang March 19 at humihiling na mabigyan siya ng xerox copy ng medical chart ni Antonio.

Sinabi pa ni Dr. Alvero na talagang hindi maiiwasan na mamatayan ng pasyente ang isang pagamutan na sanhi naman ng iba’t ibang kadahilanan. Subalit sinigurado niya na lahat ng medical attention ay ginagawa naman ng kanilang pagamutan upang mapagaling ang mga pasyente nila.

Ayon naman kay congressman Danton Bueser, 3rd District, Laguna, matagal ng nakabinbin sa Kongreso ang isang Bill hinggil sa medical malpractices. Nasa committee on health ang nasabing panukala na pinamumunuan naman ni Dr. Antonio Yapha, Jr., 3rd District, Cebu. Isang kilalang surgeon sa Cebu si Cong. Yapha Jr.

Subalit binigyang diin niya na may mga kaukulang batas na maaaring magamit ang isang pasyente o kaanak ng pasyente kung sa paniniwala nila’y nagkaroon ng kapabayaan kaya lumala ang sakit o namatay ang pasyente.

Pananaw ng DERETSO

Sa usaping ito, ang basic na tanong na dapat masagot sa mga naulila ni Antonio ay: Sa naging kritikal na kalagayan ng pasyente, sino nga ba ang mas dapat na tumugon ng mga oras na iyon? – ang doctor na unang tumingin o ang nagsagawa ng operasyon o ang resident doctor ng pagamutan?

Sa panayam pa ng DERETSO kay Dr. Abril, sinabi nito na ine-refer lamang sa kanya ni Dr. Jamias ang pasyente. Standard procedure na rin diumano sa kanilang mga doctor na kapag natapos na ang operasyon ay maaari na silang umalis.

Sinabi rin niya na “tumawag” siya sa ospital bandang alas-diyes ng gabi at wala namang gaanong sinabi sa kanya ang nakausap niya doon maliban sa “nahihirapang huminga ang pasyente.”

Tinanong ng DERETSO si Dr. Camarillo ng PNP Crime Lab na puwede bang magbigay na lamang ng medical instructions ang isang doctor sa pamamagitan ng telepono o cellphone gaya ng napapanood natin sa US TV program na 911?

Hindi pa rin aniya sapat iyon, mas dapat pa ring personal na tugunan ng doctor ang katayuan ng pasyente lalo na ‘yaong bago pa lamang sumailalim sa operasyon.

Ano mang modernong kagamitan, nakasalalay pa rin sa tao ang tumpak na paggamit nito. At sapagkat tao lamang, hindi maiiwasan ang honest mistake, pagkakulang ng sapat na kaalaman o ang talagang kapabayaan dahil naabala sa inakalang mas mahalagang gawain.

Sapat man o hindi ang kasalukuyang batas hinggil sa usaping ito, ang mahalaga’y maalis ang agam-agam ng kaanak ng biktima hinggil sa tunay na naging sanhi ng kamatayan ng kanilang mahal sa buhay.

At malalaman lamang iyon ng mga kaanak sa pagsasampa ng pormal na reklamo na siya namang matuwid na dapat gawin.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home