Silip sa Likod ng Balita
Kursong Nursing, niraraket?
(Ipinarating kay Dodie C. Banzuela) – NIRARAKET diumano ng isang private school ang kursong nursing. Sa ipinaabot na hinaing sa DERETSO ng ilang mga magulang ng nursing student, dalawang beses nilang gagastusan ang graduation rites ng kanilang mga anak.
Una ay ang “general graduation rites” na magkakahalaga ng P1,388.00 na gagastusin sa student yearbook, diploma, toga, picture at alumni fee. Pangalawa ay ang “clinical graduation” na magkakahalaga naman ng P950.00.
Matapos aniya ang graduation, muli silang gagastos ng may P40,000.00 sa pagre-review ng kanilang anak para naman sa paghahanda sa board exam. Kasama sa nasabing halaga ang hotel accommodation ng nasabing nagtapos.
Mandatory din sa “choice boarding house” pansamantalang mananatili ang reviewer. Papaano kung may kaanak sa Kamaynilaan na upang makatipid sa gastos ay doon na lamang makituloy? Hindi puwede!
Hindi aniya transparent ang paaralan sa kaniyang “business transactions”. Tanging sa mga nursing student lamang ipinababasa at pinapipirmahan ng paaralan ang kanilang “school policy”. Sensitibo anila ang polisiyang iyon sapagkat kabilang doon ang mga gastusing “ayaw” namang tukuyin ng paaralan kung saan, papaano at bakit gagastusin.
Halimbawa aniya’y ang hinggil sa BS fund na kinokolekta ng paaralan mula P150.00 hanggang P200.00 sa mga First Year hanggang 4th Year student. Hindi aniya maipaliwanag ng paaralan kung para saan nga ang BS fund gayong nagbayad pa sila ng P180.00 para sa acquaintance party.
Kabilang sa diumano’y “raket” ang “pagbabayad sa “demerit system”. Diumano, binabawasan ng punto kapag “late, absent, o anumang kasalanan” ang nursing student na naka-duty sa ospital o barangay center. Kino-convert diumano sa “cash” ang nasabing demerit points na nagkakahalaga ng halos P100.00 bawat linggo. Kaya naman, may pagkakataong “napapagbintangan” ng mga magulang ang kanilang mga anak na “nangungupit” kapag ipinirisinta na ang “resibo” ng demerit: nakasulat lamang kasi iyon sa kapirasong yellow pad. Ang masakit pa, kahit walang “paglabag” ang isang nursing student ay nagkakaron ng demerit. Nagagalit pa aniya ang taga singil ng demerit kapag hinanapan na ito ng nursing student ng record kung kailan ‘yaong sinasabing partikular na paglabag.
Mismong mga nursing student diumano ang nagsasabing “wala halos silang natutunan sa mga minor subject, tulad ng English, sapagkat mas malimit pa ang pagliban ng titser ng nasabing subject.”
Halos P35,000.00 ang ibinayad ng mga magulang sa “affiliation program” ng kanilang mga anak. Ito ‘yaong ipinadadala ng paaralan ang isang senior nursing student sa Mental, Orthopedic at San Lazaro Hospital upang doon aktuwal na makakuha ng karanasan sa pagganap bilang nurse. Kasama din aniya sa nasabing halaga ang hotel accommodation. At muli’y hindi maaaring makituloy sa kaanak.
Pati daw uniporme’y niraraket. Hindi puwedeng “manahin” ni bunso ang pinaglipasang uniporme ni ate o kuya. Ang kailangan ay laging bago. At doon lamang ipatatahi sa “piling sastre o modista” ng paaralan. Kapag ipinatahi sa iba, kahit na anong ganda ng kalidad ay reject iyon ng paaralan. Kasama sa diumano’y “raket” ang sapatos na doon din sa paaralan bibilhin.
Sa kabuuan, inerereklamo ng mga magulang ng nursing student ang kawalan ng transparency sa school policy nito at lalo’t higit sa takdang gastusin, maliban na lamang sa pagsasabi ng paaralan na P300.00 ang halaga nila per unit bawat semester.
Aling paaralan ang tinutukoy?
Tingnan ninyo kung aling paaralan ang hindi nagpapaskel ng mga himay na gastusin sa kanilang nursing course at hindi nagpapakita sa mga magulang ng school policy at posibleng baka iyon na nga ang tinutukoy na paaralan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home