| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Sunday, April 23, 2006

Cha-cha, mas dapat ipaliwanag sa masa – PDSP

(Ulat ni Iring D. Maranan, Abril 1, 2006) DAPAT tiyakin ng Charter Change Advocacy Commission (Adcom) na maipararating nito sa pinakamalalayong barangay ng bansa ang impormasyon hinggil sa usapin ng pagpapalit ng sistema ng gobyerno. Ito ang mariing panawagan ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP).

Sa ipinadalang pahayag ng PDSP sa DERETSO sa pamamagitan ng e-mail kamakailan, sinabi pa nila na “oo nga’t nagsimula na ang agresibong information campaign, ito naman ay tumuon lamang sa mga siyudad at malalaking urban areas.” Kalimitan aniya na dumalo sa mga ganoong pagpupulong ay mga opisyal at kawani ng pamahalaan na alam na naman nila ang hinggil sa usaping ito.

“Hindi lamang information campaign subalit kailangan ding tiyakin ng Adcom na naunawaan ng mga mangingisda, magsasaka, health workers, at kahit mga maybahay ang kahalagahan sa kanilang buhay ng nasabing usapin,” ayon kay Atty. Jose “Nonong” Ricafrente, head ng PDSP legal department.

Mas dapat aniyang pagtuunan ng 8-buwang nationwide information campaign na ito ang mga mamamayan na halos walang alam sa usapin ng Cha-cha.

“Mabibigo lamang ang pagkilos na ito ng Adcom kapag hindi nila nakunsulta ng totoo ang masa at hindi naipaliwanag sa mga iyon ang kahalagahan sa kanilang pang-ekonomiyang kalagayan ng pagpapalit sa sistema ng gobyerno,” pahayag pa ni Ricafrente.

Sinusuportahan ng PDSP ang pagpapalit sa sistema ng pamahalaan na mula sa presidential patungo sa parliamentary, subalit mariin nga nilang isinusulong ang malawakang konsultasyon at debate bago iyon ganap na aprubahan ng sambayanang Pilipino.

“Pinakamahalagang bahagi ng charter change ay marinig ang tinig ng masa,” ayon kay Jesuit priest Romeo Intengan, isa sa founding leaders ng PDSP.

Binigyang diin pa ni Intengan na “may obligasyon ang mga pumapabor sa charter change na tumulong sa pagpapaliwanag sa mga wala pang kaalaman dito.”

Batay na rin sa mga huling ulat sa media, panay pa-TV camera at photo op lamang ang information campaign ng Adcom at idinadawit pa ang mga taga-Department of Interior and Local Government (DILG) na diumano’y siyang “puwersahang nangangalap ng lagda.”

Target diumano ng mga nagsusulong ng Cha-cha na makalikom ng may apat na milyong pirma para sa people’s initiative na isusumite naman nila ito sa Comelec.

Napapanahon ang panawagang ito ng mga taga-PDSP sapagkat ipinakita kamakailan sa national TV network na mismong si Mayor Lito Atienza ng Maynila ang nangunguna sa pangangalap ng pirma. Aktibong supporter ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Atienza.

Tama si Intengan na obligasyon ng mga nagsusulong na pangunahan ang information campaign. Ang tanong lamang ng taumbayan: Naibahagi ba ng tama ang impormasyong iyon at naabot ba ng impormasyon ang may pinakawalang alam sa usapin?



0 Comments:

Post a Comment

<< Home