| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

Katarungan sa mga taga-San Pablo: MAILAP PA RIN?

Arraignment ni Mayor Vicente Amante

re-set sa April 28, 2006


MAY KASO. Kausap nina Mayor Vicente Amante (kanan) at isa sa kanyang abogao (nakatalikod sa camera) si Prosecutor Janet Leah Ramos (natatabingan ng abogado ni Amante) ng Office of the Ombudsman bago magsimula ang “nasuspendeng” arraignment nitong March 10 sa korte ng First Division ng Sandiganbayan.

SUPER ALALAY (itaas na larawan kanan) nina Mayor Vicente Amante (ikalawa sa kanan) at Abdon Andal (hindi nahagip ng camera) sina Atty. Marciano “Nonong” Brion (dulong kanan) at OIC city engineering office Engr. Jesus de Leon (nasa unahan nina Amante at Brion).

(Ulat pananaw nina Iring D. Maranan at Dodie C. Banzuela, Sandiganbayan, Quezon City) – MAILAP pa rin nga ba sa mga taga-Lungsod ng San Pablo ang katarungan?

Ito ngayon ang mainit na tanong nina Pablo’y matapos na muling maudlot ang pagbasa ng sakdal kina Mayor Vicente Amante at Abdon Andal kaninang umaga, March 10 kaugnay sa kasong korapsyon na isinampa ng Office of the Ombudsman sa First Division ng Sandiganbayan.

Partikular na diumano’y nilabag nina Amante at Andal ang probisyon ng Section 3 (h) ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corruption Practices Act.

COA findings

Ayon sa Information sheet ng Ombudsman na nakatala sa Criminal Case No. 28112, ‘noong July 30, 2000 ay nagsabwatan sina Amante at Andal para pagkakitaan ang isang bahagi ng 3rd Floor ng San Pablo City Shopping Mall and Public Market na pag-aari naman ng Lungsod ng San Pablo sa pamamagitan ng personal na pagtanggap ni Amante sa “lease rentals and deposits” ng San Pablo Information Computer Institute, Inc. (Informatics)’ Nangyari diumano iyon sa panahong mayor pa si Amante kaya nga’t ‘ginamit nito ang kanyang posisyon “in conection with which he intervened or took part in his official capacity when as then Mayor, he entered on behalf of San Pablo City into a contract of lease with accused Abdon S. Andal.”

Resulta iyon sa lumabas na pagsusuri sa “financial transactions ng Mall” ng mga taga-Commission on Audit (COA) noong January 2002 na kung saan, bukod sa pagkabisto sa nasabing diumano’y “sabwatan nina Amante at Andal sa usapin ng Informatics” ay nalugi pa ng mahigit sa 135 milyong piso ang city government sa operasyon nito sa Mall.

9:35 ng umaga nang pormal na magsimula ang pagdinig na pinangunahan ni First Division Presiding Justice and Chairperson Teresita J. Leonardo-De Castro, kasama niya sina Associate Justices Diosdado M. Peralta at Alexander G. Gesmundo.

Motion to Quash (dismiss)

9:40 ng umaga naman nang inihayag na ang pagbasa ng sakdal kina Amante at Andal at sa puntong ito matapos magpakilala ang mga abogado nina Amante at Andal (Atorneys Noel De Jesus B. Santiano at Danilo C. Cunanan ng Magsino Santiano & Associates Law Office, abogado ni Amante at Atty. Terencio R. Yumang Jr., abogado ni Andal) ay sinabi nila sa korte na kailangan munang resolbahin ang inihayin nilang Motion to Quash na isinumite nila noong March 8, 2006.

Matapos ang ilang minutong pagpapalitan ng paliwanagan sa bahagi ng mga abogado nina Amante at Andal at sa panig ng government prosecutor na si Atty. Janet Leah M. Ramos (hindi nakadalo si Atty. Diosdado V. Calonge), inutusan ng korte na sagutin ng prosecution panel “within ten days” ang nasabing Motion. At makaraan noon ay nagdesisyon sina Justice De Castro na ireset ang pagbasa ng sakdal sa April 28, 2006.

Sa panayam ng DERETSO kay Atty. Rosette, clerk of court ng nasabing division, sinabi nito na ang kahulugan ng nasabing motion ay “kahilingang madismis ang kaso.”

Batay sa nasabing Motion, mariing pinabulaanan nina Amante at Andal na sila ay nagsabwatan na gaya ng sinasabi ng Ombudsman. Diumano pa, ‘kay Cheung Tin Chee (na kilala sa San Pablo sa katawagang Chiquito) si Andal nakipag-sub lease na pinaupahan naman nito (Andal) sa Informatics. Nangyari diumano iyon “in the regular course of business.”

Sa sinumpaang salaysay na isinumite ni Andal sa Ombudsman noong February 2003, sinabi niya na may utang siyang isang milyong piso kay Amante kaya’t binigyan niya ng kapangyarihan si Amante na siyang tumanggap ng mga paunang bayad ng Informatics ‘bilang bayad’ sa nasabing pagkakautang.

Batay naman sa sinumpaang salaysay noong June 17, 2004 ni Jeremy E. Pampolina III, dating namamahala ng Informatics, ‘si Abdon nga ang kanilang kausap sa pagupa nila sa isang bahagi ng 3rd Floor ng San Pablo City Shopping Mall na nagsimula noong July 2000.’

May kaukulan diumanong sulat sa kanya si Andal na nagsasabing ibigay ang “advance rentals and deposits” kay Amante at wala diumanong kinalalaman si Amante sa “negotiation of the subject sub-lease contract.”

Lahat ng mga nabanggit ay siyang ginamit na depensa ng mga abogado ni Amante sa pagsasabing ‘hindi na sakop ng Sandiganbayan ang pagdinig’ sa nasabing kaso sapagkat pribadong transaksyon iyon nina Amante at Andal kaya’t “this case be quashed” o sa madaling salita’y i-dismis.

Kasama nina Amante at Andal kaninang umaga bukod sa kani-kanilang mga abogado ay sina Atty. Marciano “Nonong” Brion, Jr., ang hanggang ngayo’y may usapin pa ring kinakaharap sa RTC ng lungsod at sa Sandiganbayan din kaugnay naman sa kwestyunableng pananatili nito sa San Pablo City Water District; Atty. Eleno Mendoza, ang city legal officer; Engineer Jesus de Leon, OIC ng city engineering office at kababayan ni Mendoza; at dating barangay chairman Agor Alcantara.

Matapos ang pagdinig, mabilis na umalis ang grupo ni Amante. Ilang oras pa’y may nag-text sa DERETSO at sinabing nasa kapitolyo na si Amante at kasalukuyang pinagbabanduhan na dismiss na ang lahat ng kaso sa kanya.

Pananaw ng DERETSO

Justice delayed is justice denied.

Kabuuang mamamayan ng Lungsod ng San Pablo ang kawawa sa mabagal na usad ng hustisya sa usaping ito.

Lugi ang city government ng 135 milyong piso

April 26, 2005 nang sulatin ni Assistant Special Prosecutor III James K. Abugan ang nasabing Information at noong araw ding iyon naman inaprubahan ni Special Prosecutor Dennis M. Villa-Ignacio ang nasabing dokumento na nagsasabi ngang may probable cause ng korapsyon ang kasong isinampa kina Amante at Andal.

Resulta nga ng pagsusuri ng COA ang naging matibay na batayan ng mga taga-Ombudsman sa kaso.

Matatandaan na sa isinumiteng COA report, sinuri nila ang financial transactions ng Mall mula 1999 hanggang July 2001 at doon nga’y ipinahayag nila na “nalugi pa ang city government ng may 135 milyong piso” sa operasyon nito.

Hanggang ngayo’y may nakabinbin pa ring civil case na nakasampa sa Regional Trial Court ng Lungsod ng San Pablo sa pagitan ng city government at Mr. Cheung Tin Chee na napasampa sa panahon ni dating mayor Florante “Boy” Aquino. Pinagtatalunan doon kung sino nga ba ang dapat na mamosisyon sa 3rd Floor ng Mall – si Mr. Cheung Tin Chee, na isang pribadong negosyante sa lungsod o ang mismong city government?

Sinasabi ni Mr. Cheung Tin Chee na siya ang ‘may karapatang mamosisyon’ batay sa contract of lease sa pagitan niya at ng city government na kinatawanan naman ni Amante bilang mayor.

Hindi naratipika ng dating miyembro ng Sangguniang Panglunsod ang nasabing kontrata kaya’t ‘walang bisa’ ang nasabing kontrata. Ito naman ang paninindigan ng city government.

Nakita din ng COA na ‘lugi ang city government’ sa nasabing ‘cashsunduan’ sapagkat uupahan lamang ni Mr. Cheung Tin Chee ng halagang P2,500.00 per square meter ang halos kabuuan ng 3rd floor sa loob ng 48 taon. Wala ding nakita ang COA ng anumang resibo na nagbayad na sa city treasurer’s office para sa kaukulang ‘renta’ si Mr. Cheung Tin Chee.

Sa nasabing kontrata, natural lamang na paupahan din iyon ni Mr. Cheung Tin Chee sa ibang may gustong umupa sa halagang nais niya na malaki din ang posibilidad na lampas triple naman ang magiging halaga per square meter noon.

Ang nakakasigurado’y ‘yaong mga meroon ng sapat na kakayahang magbayad ng milyong halaga ang siyang makakapwesto doon, muli’t muli’y mapagiiwanan na naman ang isang kahig isang tukang mga ambulant vendors at maliliit na manininda.

Suma total, sa bawat paglubog nga ng araw, patuloy na malulugi ang city government sa multi-milyong pisong halaga na government projects, kumita naman ng limpak-limpak na salapi ang ilang pribadong tao pati na rin ang ilang city government officials.

Kalabisan ng sabihing pera ng taumbayan ang ginagastos sa lahat ng uri ng government infra projects. Alam na alam ito ng mga nasa pamahalaan.

May ilang taon na ring nakasampa sa RTC ng lungsod ng San Pablo ang nasabing civil case. Mahabang panahon ding pinag-aralan ng Ombudsman ang nasabing kaso bago nito inakyat sa Sandiganabayan. Halos isang taon ng nasa Sandiganbayan naman ang kasong kriminal na ito nina Amante at Andal.

“Wala akong kaso!” --Amante

Sa mabagal na pagusad ng mga nasabing kaso’y kay bilis namang ipangalandakan ni mayor Amante sa mga taga-San Pablo na wala siyang kaso. Kung wala siyang kaso, ‘eh ano itong nakunan ng DERETSO at team ng FHC Channel na video footage sa loob mismo ng First Division ng Sandiganbayan?

Nasasabi niyang wala siyang kaso sapagkat hindi pa nga siya nababasahan ng habla.

Kung sa paniniwala niya’y wala siyang kaso, bakit kailangan niyang iwasan ang pagbasa ng habla sa kanya at doo’y patunayan sana sa korte at sa mga taga-San Pablo na talagang wala siyang kasalanan at busilak ang kanyang adhikaing magsilbi sa publiko?

Sa halip na harapin ng taas noo at may dignidad ay kailangan pa niyang gumawa ng kung anu-anong dahilan upang hindi lamang matuloy ang arraignment.

Bakit matapos ang kapiyestahan ng lungsod nitong 2006 ay kailangan pa niya diumanong magpa-confine sa Immaculate Hospital na nasa P. Alcantara St.? Upang iwasan ang arraignment? Gaano ito katotoo?

Nakita ng DERETSO mula sa lampas na sa isang dangkal na mga file ng dokumento na nakasumite sa Sandiganbayan ang isang certification mula nga sa Immaculate Hospital na diumano’y na-confine ito doon matapos ang kapistahan nga ng lunsod noong January 2006.

Mahalagang banggitin na kamag-anak ni city tourism officer Ellen Reyes ang isa sa may ari ng Immaculate Hospital. Batay sa talaan ng city budget for 2006, may ranggong executive assistant IV si Ellen Reyes na under ng office of the city mayor. Sa one plus one, posibleng tama ang kutob nina Pablo’y kung bakit sa Imaculate Hospital nagpa-confine si mayor Amante.

Kung talagang totoong lahat ang nakalagay sa March 6 Motion to Quash, bakit hindi noong January 2006 isinumite iyon nina Amante at Andal sa Sandiganabayan?

May butas ang batas

Talagang sa ilalim ng court procedure, binibigyan ng korte ng kung anu-anong karapatan ang akusado na mapatunayang wala siyang kasalanan, kaya naman andiyan ang mga motion at pleadings for reinvestigation, consideration, to quash, at certiorari. Kapag ginamit ng akusado ang lahat ng ito’y kakain ng panahon na mula isang buwan hanggang dalawa o anim na taon, depende sa bilis o bagal sa pagresolba ng korte. At kapag napasampa pa sa Court of Appeals at Supreme Court ay baka abutin ng hanggang sampung taon.

Hindi pa kasama ang uubusing panahon din sa pagtugon naman ng nag-aakusa sa mga inihaying motion at pleadings.

Ibinigay ang mga ganoong karapatan sa akusado sapagkat ang kalaban na niya sa criminal case ay ang buong Estado, kaya nga’t iyon ay People of the Philippines vs. Akusado.

Sa kaso nina Amante at Andal, arraignment pa lamang sa kanila’y ginagamit na ng kanyang mga abogado ang lahat ng pamamaraan na masagkaan ito upang hindi masimulan ang pormal na pagdinig sa kaso sapagkat kapag nabasahan na ng kaso’y kaakibat na doon ang preventive suspension, na iyon ang mahigpit na iniiwasan ni Amante.

Kung ganap ng mabasahan ng kaso at nagsimula na ang pormal na pagdinig sa akusado, nakakatiyak pa rin ang panibagong paggamit nito sa mga nabanggit na karapatan. Na nakakatiyak sa panibagong mahabang panahon ng paghihintay bago ganap na masabing “wala akong kaso dahil napatunay sa korte na wala akong kasalanan.”

Kung walang kaso, bakit ipinagbanduhan ni Amante ngayong araw na ito pagkarating niya ng kapitolyo na “dismiss na” ang lahat ng kanyang kaso? Ganoon na nga bang kabobo ang tingin ni Amante sa Korte upang sa kanyang mga dahilan sa Motion to Quash ay maniwala kaagad sina Justices De Castro, Peralta at Gesmundo na wala siyang kasalanan kahit na nga hindi pa siya nababasahan ng kaso?

Ano nga ba ang nangyayari na kay Amante, siya ba’y nagsasabi ng totoo o nagiging talamak na rin sa kanya ang pagbabando ng mga kasinungalingan? Kakambal nga ba ng pangungurakot ang pagsisinungaling?

Ayon sa kaibigang abogado ng DERETSO, wala pa ring katiyakan na mababasahan na ng kaso sina Amante at Andal sa April 28 sapagkat nakakatiyak aniya na baka pasagutin pa ng korte sina Amante sa komento naman ng prosecution sa isinampa nilang Motion to Quash. Na baka makailang sagutan pa ng pleadings and comments ang ipagutos pa rin ng korte.

Ginagawa ito ng abogado ng akusado sapagkat alam nila na hindi lamang naman kaso nila ang dinidinig sa partikular na korte. Samakatuwid, sa simpleng pag-aanalisa nina Pablo’y ang pamamaraang ipinagkaloob na iyon ng korte na karapatan ng akusado’y maaari niyang magamit na delaying tactic.

Sa kaso pa ring ito nina Amante at Andal, sinusuwerte pa rin sina Pablo’y sapagkat kung certiorari ang inihayin, nakakatiyak na baka matulog ng mahabang panahon ang kaso sa Supreme Court.

Posibleng kaya Motion to Quash ang inihayin nina Amante at Andal sa korte ay sapagkat nag-lapse na ang panahon o sadyang walang nakitang punto ang bagong abogado ngayon nina Amante para nga sa certiorari. Nangangahulugan ito na bago matapos ang taong ito’y tuluyan ng mababasahan ng kaso sa Sandiganbayan sina Amante at Andal at lubhang napakaliit na ng tsansa na mapigilan pa ang court trial ng taon para sa mga taga-San Pablo.

Kung magkakagayon, papaano na isisigaw ni Amante sa entablado sa 2007 na “wala po akong kaso?” Kung magkakagayon pa rin, magkalakas pa kaya ng loob si Amante na muling tumindig sa entablado at hingin ang pagtitiwala ng mga taga-San Pablo?

Kaya nga’t naghuhumiyaw sina Pablo’y na sana’y mapabilis na ang pagresolba sa usaping ito sapagkat hindi lamang sina Amante ang siyang pinagkakaitan ng katarungan, ngunit higit sa lahat ay buong mga taga-San Pablo.

Naalaala tuloy ng DERETSOang isang video documentary na ginawa ng mga journalism student ng New Era University sa Quezon City na pina-edit sa kaibigan ng DERETSO may ilang taon na rin ang nakaraan.

Wala iyong dayalog. Eksena iyon sa korte. Sa unang eksena, pumasok ang huwes at naupo sa kanyang lamesa. Kasunod noon ay ang mga abogado at akusado. Lahat sila’y maiitim pa ang buhok, masiglang nagpapalitan ng kuro-kuro at mabikas ang mga muwestra ng kamay habang nagpapaliwanagan. Kasunod na eksena’y ang muling pagpasok ng huwes. Maputing-maputi na ang buhok nito, may tungkod at mabagal na ang paghakbang. Nakasuot ng makapal na salamin. Kasunod noon ay pagpasok naman ng mga abogado at akusado. Tulad ng sa huwes, maputing-maputi na rin ang kanilang mga buhok, uugod-ugod na rin sila sa paglakad at may tungkod. Mabagal na rin ang pagmwestra nila habang nagpapaliwangan gamit ay kanilang mga tungkod. Mahina na rin ang kanilang mga pandinig batay sa mga galaw ng kanilang kamay.

MAY BUTAS ANG BATAS!! Ito ang biglang lumabas sa screen.

Ang nakakatakot sa pagtatagal ng kaso’y ang mawalan ng interes ang mga pangunahing saksi dahil nga sa bagal ng pagusad ng proseso.

At ang lubos na nakakabahala’y ang mabura sa mundo ang mga pangunahing saksi, lalo na’t kung ang inaakusahan ay may history ng sanay na magbura sa mundo ng sinumang balakid sa kanyang agendang mangurakot at magsinungaling sa bayan.



4 Comments:

At 12:41 AM, Anonymous Anonymous said...

Tangna! nadale din si kurakot Mayor Biteng Amante!!!
Congrats Deretso Balita sa pictures ng kurakot na si Biteng. Ngayon may pruweba na tayo na talagang may kaso ng pagnanakaw ang walanghiyang mayor ng san pablo!
Ang kapal talaga ng mukha ni biteng at mga sipsep sa kanyang bayag sa pagsasabing walang kaso. 'Eh ano itong nasa litrato sa loob ng sandiganbayan, aber?!!! Hala, imek pa nga kayo diyan!!!

 
At 4:14 AM, Anonymous Anonymous said...

buti nga sa inyo~!!!!! mga kurakot kayo!!!!! yung mga taong pinagutangan niyo bayaran niyo na!!! ndi na nakuntento pati pera ng bayan kinukurakot niyo!!! AMANTE ALIS JAN!!!!!!!!!!!!!!

 
At 4:19 PM, Anonymous Anonymous said...

balita ko rin na si mayor amante ng
san pablo ay isa sa drug lord
kasama ang kanyang mga kapatid at mga aliporesabr>

 
At 4:22 PM, Anonymous Anonymous said...

paki check lang ang mga alipores ni
amante na may mga milyones na bahay
kahit walang mga pinag-aralan,
milyon milyon ang halaga at bullet proof
pa ang mga bintana!

 

Post a Comment

<< Home