| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Sunday, April 23, 2006

“Palparan, nananaginip ng gising!” – Ka Roger Rosal

(Ulat ni Iring D. Maranan, Abril 1, 2006) “HINDI kaylanman mangyayari ang ‘panaginip na gising’ ni Gen. Jovito Palparan, Jr. na lilipulin niya ang NPA kahit sa Central Luzon lamang sa loob ng 5 buwan.”

Ito ang matapang na pahayag ni Gregorio “Ka Roger” Rosal na ipinadala sa DERETSO sa pamamagitan ng e-mail noong March 31.

Pahayag pa ni Ka Roger: “Hangga’t hindi hinaharap at nalulutas ng gobyerno ang mga ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas gaya ng kahirapan, inhustisya at korapsyon sa gobyerno, lalaban at lalaban at mag-aarmas at mag-aarmas ang mga inaapi at pinagsasamantalahan.

“Ang armadong rebolusyon sa Pilipinas na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay isang natatanging phenomenom sa buong daigdig ngayon at kahit libong Palparan pa ay ‘di kayang lumipol. Si Palparan ay walang nalipol na kahit isang yunit ng NPA o larangang gerilya saan mang lugar. Ang kakayahan ‘lang niya ay pumatay ng mga walang armas na sibilyan at mga aktibista.”

Ipinagmalaki pa ni Ka Roger na, “Sa labanan sa Mauban, Quezon noong March 30, wala kahit isang NPA ang namatay o nasugatan man lamang. Mabilis at ligtas na nakaalis ang mga NPA dala ang kanilang pinakamahalagang mga kagamitan.”

Tinagurian si Palparan ng mga taga-Mindoro at Eastern Visayas na “Berdugo” at ngayon nama’y sa Central Luzon.

Ayon kay Arman Albarillo, pangkalahatang kalihim ng Bayan Muna-Southern Tagalog, umabot na sa 85 ang pinaslang sa Southern Tagalog, at 43 nito ay sa Mindoro Oriental pa lamang simula ng 2002 hanggang first quarter ng 2004, sa ilalim ng pamumuno ni Palparan. Sa ngayon ay umaabot na ito ng mahigit 128, na ang pinakahuli ay si Napoleon Pornasduro pangulo ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) Lucena City, nitong Pebrero 27, 2006, ayon pa kay Albarillo.

Maging si Albarillo ay biktima din ng karahasan ni Palparan.

Batay sa ginawang personal na pagsisiyasat ni Albarillo, si Palparan ang itinuturong mastermind sa pagkakapatay sa kanyang mga magulang na sina Expidito at Manuela Albarillo noong April 8, 2002.

Nang dumating si Palparan sa Mindoro noong 2002, agad niyang inilagay sa Order of Battle si Expidito o Konsehal Speed sa kanyang mga kabarangay. Kasing kahulugan ng “kamatayan” ang paglalagay na iyon sa nasabing order, at pinalilitaw pa ni Palparan na kumander ng NPA si Konsehal Speed.

Taliwas ito sa katotohanan sapagkat isa ngang konsehal ng barangay Calsapa, San Teodoro, Oriental Mindoro ang ama ni Arman. Bago pa ang pagpaslang ay may banta na talaga sina Palparan sa kayang ama, makailang ulit na dumalaw tuwing umaga ang grupo ng mga militar sa kanilang bahay.

Ayon mismo kay Palparan, pag-katapos ng pamamaslang, “ang gumawa ay mga kasamahan din niya”, at si Expidito diumano ay “local communist”. Malinaw ang kinalaman ni Palparan, kung gayon.

Matapos kaladkarin palabas ng bahay si Konsehal Speed kasama ang maybahay nito ng mga tauhan ni Palparan, mga 200 metro lamang ang layo sa kanilang bahay ay nakarinig ng sunod-sunod na putok si Adeliza, siyam na taon pa lamang noon at nakababatang kapatid ni Arman.

Tumambad kay Adeliza ang wala ng buhay na katawan ng kanyang mga magulang. Inalis pa ang isang mata ni Konsehal Speed, basag ang bungo, hindi mabilang na tama ng bala ng matataas na kalibre ng baril, at ang kanyang ina naman ay may tama sa ulo at tumagos sa leeg na naging sanhi ng pagkawasak nito.

Ang masaklap na karanasang iyon sa kamay ni Palparan ang siyang nagbunsod kay Arman na tahakin ang lansangan ng pakikibaka upang aniya’y magsama-sama ang sambayanan na ipagtanggol ang mga karapatan at tulungan ang maliliit na kababayan habang may natitira pang pagkakataon para sa tunay na pagbabago.

“Masakit po sa amin ang ganitong kalagayang nagpapatuloy ang pagpaslang sa mga makabayang mamamayan at tunay na lider na naghahangad ng pagbabago, pagtatanggol ng ating karapatan at para sa kalayaan. Kaylan man ay di kami titigil para sa paghahanap ng pagbabago maging kahulugan man nito ang pagbubuwis ng aming buhay para sa bayan” ayon pa kay Albarillo.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home