| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Sunday, April 23, 2006

Hesus, ipapako sa Krus sa Doña Leonila Park

SENAKULO… Isang tradisyon na sa Lungsod ng San Pablo


(Ulat ni Byron R. Emralino, Abril 1, 2006)
San Pablo City – Sa ika-19 na pagkakataon, muling masasaksihan sa lungsod na ito ang “SENAKULO… ANG DAAN SA KALBARYO”.

Maituturing nang isang tradisyon sa lungsod na ito ang pagtatanghal ng SENAKULO tuwing sumasapit ang panahon ng Kuwaresma.

Kaiba sa karaniwang Senakulo na masasaksihan sa ibang lugar, ang SENAKULO sa lungsod na ito ay ginaganapan ng mga kabataang propesyonal at mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo, na pawang mga kasapi ng MASKARA, INC., isang samahang pangkultura at teatro sa Lungsod ng San Pablo.

Nakalulungkot nga ‘lang isipin na sa loob ng 19 na taon na pagsusumikap ng MASKARA, INC. ay tila hindi ito nabibigyan ng akmang rekognisyon o pagkilala ng pamahalaang panglungsod, (lalo pa’t kung iisiping isa sa mga konsehal ay nagmula sa grupong ito at dati ring gumaganap sa naturang SENAKULO … bakit kaya?) samantalang ang 19 na taon ng pagtatanghal ay malinaw na palatandaan ng isang buhay na tradisyon sa lungsod, sa pangkasaysayan at pangkultural na pananaw.

Isang dulang panlansangan ang SENAKULO na nagpapakita at nagsasalaysay ng buhay, hapis, sakit at kamatayan ng ating Panginoong Hesukristo.

Sa panayam ng DERETSO sa manunulat at director ng SENAKULO na si Robinson Cedre, sinabi nito na, “Bukod sa layuning maikintal sa isipan ng bawat isa ang mga pagpapakasakit ni Hesukristo sa Daan ng Kalbaryo, nilalayon din ng tradisyon naming ito na maitampok ang kahalagahang estetiko ng sining sa pagtatanghal ng mga ganitong uri ng dulang klasikal.

“Ang SENAKULO ay isang buhay na TRADISYON! Ako po’y patuloy na gumaganap sa isang mahalagang papel upang maipagpatuloy ang nakagisnang tradisyong pang-ispiritwal na ito upang hindi tuluyang mabaon sa limot at maipagpatuloy pa ng susunod na henerasyon”.

Bilang isang samahang pangkultura, tumutugon lamang aniya ang Maskara, Inc. sa tungkuling maisulong at maitampok ang turismo sa Lungsod ng San Pablo.

Muling masasaksihan ang pagtatanghal ng SENAKULO ngayong ika-13 ng Abril, ganap na ika-1:30 ng hapon, sisimulan sa may harapan ng kapitolyo, mag-iistasyon sa mga pangunahing lansangan ng lungsod at magsasagawa ng Krusipiksyon o pagpapako kay Hesukristo sa Doña Leonila Park.

Samantala, sa ika-14 ng Abril, sa ganap na ika-3:00 ng hapon ay muling itatanghal ng MASKARA, INC., sa ikalabing-walong pagkakataon naman ang dulang “HULING PITONG WIKA” sa city plaza na handog naman ng Samahan ng Mahal na Pasion, na nasa ilalim ng pamamahala ni Don Ado Escudero. Ang dulang Huling Pitong Wika ay mula rin sa panulat at direksyon ni Cedre.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home