| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Sunday, April 23, 2006

Pamilya Quinto, nagsampa na ng reklamo vs. Drs. Abril & Jamias

(Ulat pananaw nina Iring D. Maranan at Dodie C. Banzuela, Abril 1, 2006) San Pablo City – RECKLESS Imprudence Resulting to Homicide. Ito ang reklamong isinampa ni Angelina A. Quinto, 55-taong gulang, residente ng Brgy. San Benito, Alaminos, Laguna at biyuda ni Antonio, ang pasyenteng namatay sa Community Hospital noong March 15, 2006, laban naman kina Doctors Dennis Abril at Martin Jamias.

Matatandaan na napaulat sa DERETSO noong nakaraang edition na namatay nga si Antonio sa Community Hospital matapos namang maoperahan ito doon ni Abril.

Batay sa sinumpaang salaysay ni Angelina sa himpilan ng pulisya sa lungsod na ito noong March 26 kay PO1 Heather Marie de los Santos Ponce de Leon, sinabi nito na unang na-confined sa San Pablo Medical Center noong January 23, 2006 ang kanyang asawang si Antonio “dahilan sa laging hinahapo.”

Sina Abril at Jamias diumano ang siyang tumingin sa kanyang asawa at na-confine ito sa nasabing pagamutan ng limang araw. At matapos aniya ang 5 araw at makabitan ng tubo sa tagiliran ng katawan ang kanyang asawa ay pinayagan na silang lumabas ng nasabing ospital.

Habang nasa bahay na sila aniya ay nakita niyang maayos naman ang lagay ng kanyang asawa. Subalit makalipas ang tatlong linggo’y “muli na namang hinapo” si Antonio kaya’t muli niyang dinala sa “clinic ni Dr. Abril subalit hindi na sa Medical Center kungdi sa Community Hospital.”

Sinabi diumano sa kanya ni Abril “na magsasagawa ng x-ray upang malaman kung ano ang pinagmumulan ng pagkahapo” ng kanyang asawa. Nang “lumabas na ang resulta ng x-ray ay sinabi” diumano sa kanya ni Abril na “pipihitin ang tubo na nakakabit sa baga para maalis ang hangin kaya’t dinala sa emergency room.” At makaraan nito’y umuwi na sila sa kanilang bahay.

“Habang nasa bahay,” napansin diumano ni Angelina “na malimit na ang pagkahapo” ni Antonio kaya’t minabuti nilang muli itong ibalik sa Community Hospital. Dumeretso na aniya sila sa emergency room.

Agad ipinaabot ni Angelina kay Jamias ang kalagayan ng kanyang asawa. Sinabi diumano ni Jamias na “muling isailalim sa x-ray” ang kanyang asawa “upang malaman ang pinagmumulan ng hapo.”

Matapos mabasa diumano ni Jamias ang resulta ng x-ray, “nagmungkahi ito na tatangalin at ililipat, subalit babaguhin ang pwesto ng tubo na nakakabit” sa kanyang asawa. Diumano’y si Abril ang gumanap ng nasabing pagpapalit ng tubo.

Ayon pa sa Salaysay, nakita ni Angelina ang ginawa ni Abril na pagpapalit ng tubo. Matapos ang pagpapalit ng tubo at bago ganap na makaalis sina Abril at Jamias, nagreseta pa diumano si Jamias ng gamot na maaaring inumin ni Antonio.

Nang makuha na ni Angelina ang kaukulang bill na babayaran sa ospital, umalis ito upang maghanap ng pera. Iniwan niya sa emergency room ang kanyang anak na si Alma Quinto-Redemano na siya namang nagbantay kay Antonio.

Nang makabalik na sa nasabing ospital si Angelina, sinabi nito sa kanyang asawa at anak na “maggayak na para makauwi.” Sinabi diumano sa kanya ni Antonio na “masakit ‘yong kinabit sa kanya at siya ay giniginaw.”

Napansin ni Angelina na “ang lumalabas sa tubo ay dugo sa halip na tubig at hangin. Na sa pagkakataong iyon ay marami na ang mga nurse sa loob ng emergency room gayun din ang isang doctor na sa tingin” niya’y “naka-duty ‘lang.” Nakita din diumano niya na “may tinatawagan at tinetext ‘yung nurse at doktora.” Hindi lamang masabi ni Angelina kung sino ang tinatawagan ng nasabing mga nurse at doktora.

Sinabihan na siya ng doktora na “kailangan ilipat na sa intensive care unit” si Antonio “dahil malubha” na ito at “bawal” na diumano “magtagal sa emergency room.”

Nadala na sa “isang silid” ang kanyang asawa at nakita niya na may “oxygen na ito at nebulizer” at “nakita” din niya “na pahina ng pahina” si Antonio “hanggang sa mawalan na ito ng blood pressure.”

“Kritikal na ang lagay”, ito diumano ang isinagot sa kanya ng doktora nang tanungin niya hinggil sa kalagayan ng kanyang asawa.

Mga bandang 11:15 ng gabi ng March 15 ay namatay si Antonio.

Sa buong panahon ng critical period ni Antonio ay hindi diumano nakita ni Angelina sina Abril at Jamias.

Sa payak na paniniwala ni Angelina, ang naging sanhi ng kamatayan ng kanyang asawa ay dahilan na rin sa “maling pagkakasaksak ng tubo” sa kanyang asawa, “na sa halip na tubig at hangin ang lumabas ay dugo.”

Nirerespeto ng DERETSO ang naunang pahayag nina Jamias at Abril na “pinayuhan” sila ng kanilang abogado na huwag ng magpahayag ng kanilang panig sa media lalo na ngayon at may pormal ng nakasampang reklamo sa city fiscal’s office.

Lubos na naniniwala ang DERETSO na ginawang lahat nina Jamias, partikular ni Abril, ang kanilang magagawa upang maibsan ang dinaranas na sakit ni Antonio.

Subalit ang mahalagang dapat pa ring malaman ay sa critical hour ni Antonio, sino nga ba ang mas dapat na kagyat na tumugon dito?

Nang ilipat ni Abril ang tubo, tama kaya ang naging proseso? Kung tama, bakit sa halip na “tubig at hangin” ay “dugo ang lumabas sa tubo”?

Wala pang batas ng medical malpractice sa bansa, subalit may kaukulang batas naman sa kapabayaan na nagresulta nga sa kamatayan.

Ipinahayag sa DERETSO noong nakaraang edition ni Dr. Aristeo Alvero, medical director ng Community Hospital na hindi pa siya makakapagsagawa ng kaukulang imbestigasyon hinggil sa nangyari hangga’t walang pormal na reklamo siyang natatangap mula sa pamilya ni Antonio.

Ang nangyari kay Antonio ay isa lamang sa mga insidente ng posibleng kapabayaan ng isang doctor.

Halos sampung taon na ang nakaraan, isang sanggol ang halos wala pang isang minutong nabuhay matapos na dumaan sa ceasarian operation ang kanyang ina.

Narinig pa ng ina ang biglang “pagiyak ng kanyang sanggol” kasunod noo’y ang paimpit na sigaw ng “putang ina!” ng nag-operang doctor.

Official na tala ng pagkamatay ng sanggol ay diumano’y conginetal bullshit! Ayon sa medical director ng pagamutan (hindi ng nag-opera): “Mabuti na nga at namatay ang bata kasi sa paglaki noo’y lalaki din ang ulo.” Tinanong pa ng nasabing medical director ang isa sa kaanak ng bata kung may history sila ng “pagkabaliw”.

Mariin ang bilin ng hospital staff na agad ilibing ang bata at huwag ng bihisan sapagkat “baka makahawa pa ang sakit na taglay”.

Sinunod naman iyon ng ama ng sanggol sa kabila ng kagustuhan ng isang kaanak na mabihisan ito at ng matingnan din kung ano nga ba ang pisikal na kalagayan ng sanggol.

Baka nga tama ang hinala ng kaanak na posibleng tumagos sa likod ng bata ang pagkakahiwa ng doctor sa tiyan ng ina… na baka kaya nangyari iyon ay dahilan sa nababalutan pa ng ispiritu ng alak ang katawan ng nagoperang doktor.

Ibinaon na lamang sa limot ng mga magulang ng sanggol ang insidenteng iyon sa kanilang panganay. Katwira’y puwede pang gumawa ng panibagong bata.

Noong mauso ang SARS, dahilan sa pagkakaroon ng Chinese na apelyido’y namatay ng hindi man lamang nalapatan ng kaukulang lunas ang isang batang ama ng nagiisa niyang anak at bata pa ring maybahay sa isang pagamutan sa lungsod.

“Sumpa man! Peks man! Hindi po ako kaylanman sa tanang buhay ko na lumabas ng Pilipinas. Ni wala nga po akong passport kahit magtanong kayo sa DFA,” humigit kumulang mga tugon ng batang namatay nga dahil napagbintangang may SARS, sa sunod-sunod na tanong sa kanya ng hospital staff kung “nagpunta ng Hongkong at mainland China, kailan, sino pang kasama.”

Tuminding sakit ng ulo at tiyan ang naging dahilan kung bakit nakumbinsi ng kanyang batang asawa na magpa-ospital ito. Inakalang sa pagdadalhang ospital ay malulunasan ang kanyang sakit na naramdama’y lalo pa iyong tumindi nang pandirihan nga siya ng mga hospital staff sa paniniwalang ang sakit nga niya’y SARS. Kumalat pa sa pamilihang lungsod na diumano nga’y may pasyenteng may sakit sa SARS ang pagamutan. Kung sino ang nagkalat ng malisyosong balitang iyon ay nakakatiyak, hindi ang DERETSO.

Nang dalhin ang pasyente sa Alabang na pagamutan ng mga di-pangkaraniwang sakit ay nagalit pa ang mga doctor doon at humigit kumulang ay sinabing: “Ganoon ba katatanga ang mga doctor sa San Pablo? Dahilan lamang sa apelyidong Instik ay aakalaing ang sakit nito ay SARS?”

At nagdesisyon ang pamilya na ilibing na rin lamang sa limot ang pagkamatay na iyon ng kanilang kaanak.

Masalimuot ang paghahanap sa katotohanan. “Namemera ‘lang ang pamilya ng namatayan kaya ganyan!” Pangkaraniwang maririnig sa mga hindi nakakadama sa damdamin ng mahihirap na namatayan kapag naghahanap na ang mga ito ng tamang kasagutan.

“Sa gagawin ninyong pagbabalita, mauubos ang mga doktor sa Pilipinas!” Ito ang malungkot na sinabi ni Dr. Abril sa unang panayam sa kanya ng DERETSO at ni Sol Aragones ng ABS-CBN.

Talagang mauubos ang mga doctor sa Pilipinas dahil sa kapabayaan… kapabayaan ng pamahalaan na tugunan ang kahirapan at ang pagkakaroon ng tamang oportunidad na kumita ng maayos ang hanay ng mga professional doctor, nurses, engineer, architect, bla, bla, bla.

Ano pa rin ang bottomline?

Kung kaya ng tao na lusutan ang batas na kanyang nilikha dito sa mundo, ang nakakatiyak, wala siyang lusot sa batas ng Panginoong Diyos.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home