| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Sunday, November 06, 2005

Pamilya ng Pinay DH na napatay sa Spain, nakipag-dialogue sa Consulate of Spanish

Ulat ni Dodie C. Banzuela

Calauan, Laguna (November 6, 2005) – Magsasagawa ng panibagong imbestigasyon ang pamahalaang Espanya upang malaman ang katotohanan hinggil sa pagkamatay ni Ivy Collantes-Bautista, ang Pinay domestic helper na napatay noong September 27, 2005 sa Santander City (Cantabria), Spain.

Ito ang resulta sa ginawang paghaharap ng pamilya nina Bautista at kinatawan ng Spain Embassy noong November 2 sa tanggapan ng Embahada sa Makati City.
Humarap sa nasabing pag-uusap kay Consul General Javier Ignacio Martinez del Barrio sina Gng. Demetria Maranan-Collantes, ina ni Ivy; Joel Bautista, asawa ni Ivy; at Gng. Connie Bragas-Regalado, chairperson ng Migrante International.

Bunsod ang nasabing paghaharap ng magkabilang panig sa resulta ng second autopsy na isinagawa sa bangkay ni Ivy Bautista sa bayang ito noong October 27 nina Dr. Arnel Amata, forensic doctor ng Commission on Human Rights (CHR) ng Pilipinas sa tulong nina Dr. Reggie Pamogas at Dr. Melanie Hernandez ng Health Alliance for Human Rights (HAHR), isang samahan na tumutulong sa mga human rights victims sa bansa.
Sinabi pa ni Del Barrio na magbibigay ng libreng abogado ang pamahalaan ng Espanya sa pamilya ng biktima kung sakaling kailanganin nilang magsampa ng reklamo laban sa mga may sala.

Matatandaan na sa naunang imbestigasyon ni Miguel Ramos Fernandez, chief inspector ng Criminal Investigation Department, Regional Police Headquarters sa Santander City, sinabi sa report na “suicide as the cause of death” ang pagkamatay nga ni Bautista. Ito rin ang natanggap na ulat noong October 14 ni Jose Gamarra, Consul General ng Pilipinas na nakabase sa Bilbao City, Spain na mula nga kay Fernandez.
October 20 nang ganap na maiuwi ang bangkay ni Bautista sa Pilipinas at dahilan nga sa hindi naniniwala ang pamilya ni Ivy sa sanhi ng pagkamatay nito isinagawa nga ang second autopsy ng taga-CHR at HAHR noong October 27. October 29 inilibing na ang bangkay ni Ivy sa bayan ding ito.

Tumagal lamang ng halos kinse minutos ang nasabing paghaharap nga ng pamilya nina Bautista at Del Barrio.

Ayon kay Dr. Amata, “hindi self implicted ang tinamong mga sugat ng biktima.”

“Saksak na lampasan sa lalamunan na tumama pa sa buto; tatlong malalalim na saksak sa may tiyan na tumama pa sa bituka; 10 maliliit na sugat sa may dibdib; mga pasa sa tagiliran ng katawan at ilan pang mga sugat; at walang bakas na nanlaban ang biktima,” ito ang naging resulta nga sa isinagawang second autopsy ng CHR at HAHR.

Nakiusap din ang pamilya ng biktima at kinatawan ng Migrante kay Del Barrio na maipadala sa kanila ang naging resulta naman ng naunang awtopsya na isinagawa sa Spain upang malalim anilang mapagaralan ang sanhi ng kamatayan ni Ivy.

Ayon sa Migrante, maglulunsad sila ng isang press conference sa November 9, ganap na ika-sampu ng umaga (hindi pa tiyak ang lugar ng presscon habang sinusulat ang balitang ito) kasama ang mga doctor na nagsagawa ng second autopsy. Magsasagawa din sila ng protest rally sa harapan naman ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas sa Pasay City na sisimulan sa ganap na ika-isa ng hapon. Magtutungo din ang pamilya ni Bautista at grupo ng Migrante sa tanggapan ni Justice Arturo Brion sa Court of Appeals upang humingi ng kaukulang tulong. Dating naging undersecretary ng Labor at Foreign Affairs si Brion, na isa ring taga-Lunsod ng San Pablo bago siya naging Justice sa Court of Appeals.


1 Comments:

At 3:04 AM, Anonymous Anonymous said...

Ganito na nga ba ang turing ng ating pamahalaan sa mga OFW? Kung hindi pa maghahabol ang pamilya ng namatay 'di aalamin ang tunay na nangyari. Wow! Pero sa pandaraya sa election, ang galing! Hope kung anuman ang mangyari sa ibang bansa kay Garci e 'wag namang ituring siya ng govt natin na isang bayani!

 

Post a Comment

<< Home