| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, November 14, 2005

Mga barangay officials protector ng video karera at iligal na droga?

Ulat at pananaw ni Dodie C. Banzuela (San Pablo City, November 15, 2005) – Hindi na nga malaman ng mga tagalunsod ng San Pablo kung kanino ipaparating ang kanilang hinaing hinggil sa pesteng video karera at droga.

Pati kami sa DERETSO’y hindi na rin malaman kung anung ahensiya ng pamahalaan ang mapagkakatiwalaan. Mantakin ninyong mahigit siyam na buwan ng nakabinbin sa Tanggapan ng Ombudsman ang isinampa naming kaso laban sa 14 na city public officials kaugnay sa paniniwala naming maanomalyang pagkakabili ng lungsod sa untitled 3.05 hectares of land sa Brgy. San Jose na nagkahalaga ng 25.6 milyong piso.
Mahigit ng dalawang buwan nang ipadala namin sa TXT 171 ng Philippine National Police ang kumpletong detalye hinggil sa operasyon ng video karera sa Brgy. Sto. Cristo, pati na rin ang hinggil sa droga’y ipinarating din namin. Ayon sa nakatanggap ng mensahe ng TXT 171 ay “ipaparating sa kinaukulan” ang nasabing mensahe. Hanggang ngayon patuloy pa rin ang pamamayagpag ng video karera at droga sa Brgy. Sto. Cristo.
Isang tawag naman ang natanggap ng DERETSO noong nakaraang linggo mula sa concerned citizen ng Brgy. Santiago 1 (Bulaho) na nagsabing nagsagawa sila ng isang general assembly noong October 9 sa kanilang barangay. Video karera at droga ang main agenda ng nasabing general assembly na samahan naman ng senior citizen ang siyang nanguna sa pagpapatawag noon.
Kumpletong dumalo (natural) ang opisyales ng barangay sa pangunguna ni Barangay Chairman Noriel Race na nagresulta naman sa halos “blood compact” na pagwalis sa video karera at droga.
Tuwang-tuwa ang mga taga-Bulaho nang kinabukasan matapos nga ang nasabing general assembly ay nakita na nila na hinahakot nang palabas ng kanilang barangay ang may siyam na video karera machine.
Subalit makaraan lamang ang ilang linggo’y kitang-kita nila na mismong mga barangay tanod pa ang may sunung-sunong na video karera at ibinalik iyon sa mga dating pinaglagyan nito.
“Pinalitan lamang pala ng bagong unit,” ayon pa sa concerned citizen.
Tiger ang logo ng nakatatak sa mga video karera unit na nasa Brgy. Sto. Cristo at Bulaho. Ganito rin ang logong nakatatak sa mga unit na minsa’y napaulat sa media na natimbog sa Santa Rosa City.
Nangangahulugan kayang iisang pulis (kung pulis nga) ang siyang may hawak nito?
Pati sa may riles ng Brgy. Del Remedio’y talamak din diumano ang video karera na mismong mga barangay tanod ang siyang nagmimintina nito.
Ayon sa tip ng mga tagaroon sa DERETSO’y katwiran daw ni Brgy. Chairman Nap Calatrava na “nakakatulong din sa barangay ang linggu-linggong 500 pesos per unit na ibinibigay ng operator ng video karera.”
Batay pa rin sa impormasyong ipinarating sa DERETSO, tatlong malalaking grupo ang siyang nagpoprotekta ng video karera sa lungsod.
Grupo diumano ni dating konsehal Dante Amante, kapatid ni Mayor Vicente Amante, ang siyang “pinakamatatag” na protector. Isang kung bansagan ay “Bombay” na taga Brgy. San Francisco ang pangalawa. At isa daw namang “Cristy per minute” ang pangatlo.
Sa tatlo, sina Dante at Cristy per minute daw ang mag-kaalyado na kapag umiinit na nga ang usapin sa video karera’y tanging si Bombay lamang ang inuupakan ng mga operatiba.
Ang nakakatiyak, katwiran na namang: “dahilan sa kahirapan ng buhay” ang siyang ipapanaghoy ng mga apektado ng video karera’t droga kapag sila’y natimbog.
At maaaring ito rin ang ididighay ng ilang ahensya ng pamahalaan kung bakit nga ba talagang dapat na ‘lang pagtiisan ang pesteng video karera’t iligal na droga.


0 Comments:

Post a Comment

<< Home