| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, February 13, 2006

Jazz for a cause & Jazz from the heart

(Ulat ni Dodie C. Banzuela, February 13, 2006, San Pablo City) – Jazz for a cause. Impromptu jazz concert. Gathering of artists and art lovers. You, the night and the music, with Mar Dizon and his friends… it’s simply, Jazz from the heart.

Ito ang naganap noong gabi ng February 7 sa tahanan ng mag-asawang Mandy & Dr. Emma Mariño nang mag-jazz session doon sina Mar Dizon at ang kanyang mga kaibigan para sa isang fund raising upang ihandog ang anumang natipong pondo sa pamilya ni Rafael “Paeng” Nevalga.

Tagalunsod na ito si Mar at kilala bilang isa sa pinakamagaling na drummer sa buong Asia. Isa namang beteranong bass guitarist si Paeng at anak ng may-ari ng Tanglaw tailoring.

Sa panayam ng DERETSO kay Mar, sinabi nito na “matagal din niyang nakasama sa banda si Paeng” at nalungkot siya nang mabalitaan na muling nasunugan ng bahay ang pamilya ni Paeng sa City Subdivision.

“Nakakalungkot dahil ilang beses na rin silang nasunugan,” ayon pa kay Mar. “At sa pamamagitan ng jamming session namin ngayon ng aking mga kaibigan ay gusto naming ipadama ang pagmamahal sa isa sa aming kasama at kaibigan,” ayon pa kay Mar.

Dahilan sa firecrackers

Ayon naman sa mga kaanak ni Paeng na dumalo sa nasabing jazz session, mga ala-una ng hapon ng December 23, 2005 nang matupok ng apoy ang mahigit kalahati ng kanilang tahanan na nasa Laurel street ng nasabing subdivision.

Posible daw nagmula iyon sa firecrackers ng kanilang kapitbahay na nasa kanilang likuran na pumasok naman sa likod na bahagi ng kanilang bahay.

Halos isandaang katao mula sa lunsod na ito, na pawang malalapit na kaibigan ng mag-asawang Mariño at Mar, ang dumalo noong gabing iyon upang mapakinggan ang mga jazz music nina Mar.

Mga Bayani

Nakasama ni Mar noong gabing iyon ang vocalist na sina Jeannie Tiongco (kasama ni Mar sa Banda Tropicana at anak ni Bokal Emil Tiongco ng Tiongco Brothers) at Mike Luis, vocalist ng Freestyle; Jeri de Leon (kasama ni Mar sa Red Clay & Jazz Volunteers) at Dave Harder, mga base guitarists; Ronald Tomas (kasama din ni Mar sa Akasha Jazz Quartet), saxophone; Henry Katindig (anak ng pamosong saxist na si Eddie Katindig at kasama din ni Mar sa Banda Tropicana) at Nicky Cabardo ng Freestyle, mga keyboard players.


Image hosting by Photobucket

“Lahat po sila ay mga bayani sa gabing ito,” pahayag ni Mar sa unang bahagi ng programa.

Ilan sa mga instrumental jazz music na ipinarinig nina Mar ay ang Windows & Spain by Chick Corea, Sent-up Hause by Sonny Rollins, Chicken by Jaco Pastorius, and Mercy, Mercy, Mery by Joe Zawinul.

Kinanta naman ni Jeannie Tiongco ang Chega de Saudale and Desifirado by Carlos Jobim, at ang All the thighs you are by Hammerstein/Kern.

Kinanta ni Mike Luis ang What you won’t do by Bobby Caldwell at ang Superstition and Knocks me off my feet by Stevie Wonder.

Tanging si Mar lamang ang walang karelyebo sa mahigit isang oras ding tugtugan.

“Pasensya na po kayo, hanggang doon na lamang ang kaya namin… talagang pagod na po kami kasi galing pa rin kami sa ibang tugtugan,” pakumbabang sabi ni Mar matapos ang kanilang huling number.

“More… more… more…,” sigaw naman ng kanyang mga kababayan.

At muli’y nagpaunlak sina Mar ng isa pang number.

Sa panayam ng DERETSO kay Mar bago magsimula ang programa, sinabi nito na “jamming session ‘lang at wala talagang nakahandang repertoire.” (Basahin ang bahagi ng panayam).


Image hosting by Photobucket

“Wala itong rehearsal, mamaya pa namin pag-uusapan kung ano ang tutugtugin namin,” sabi pa niya.

Tama si Mar na hindi “pang-matanda lamang” ang jazz music, pinagdudugtong nito ang lahat. Sa jazz music na ipinarinig kasi nina Mar ay napalutang doon ang ganda ng tunog ng bawat instrumento at ang galing ng musikero sa paghawak noon.

Katunayan, kitang-kita at damang-dama ng mga nakinig noong gabing iyon ang enerhiya sa musika nina Mar, Henry, Nicky, Ronald, Jeri at Dave. Ganoon din, hindi maitatatwa na nahagod nina Jeannie at Mike ang damdamin ng mga nakinig sa kanilang mga vocal rendition ng jazz music. Maituturing na kabilang pa sa Y generation sina Jeannie at Mike at sa tindi ng kanilang rendition ng jazz music ay maihahanay na sila sa mga beteranong international jazz vocalists.

Super busy sina Mar sa tugtugan

Sa mga “nabitin” noong February 7, regular na tutugtog ang Red Clay every Saturday night pagpasok ng Marso sa Hardrock Café na nasa Glorietta. Kasama ni Mar dito sina Henry, Jeri, Pido at Paolo Santos.

Tuwing Lunes ng gabi ay ang Akasha sa Freedom Bar na nasa Anonas, Quezon City. Kasama dito ni Mar si Ronald.

Tuwing Miyerkules ng gabi ay ang Merck & Friends sa Merck’s Bar na nasa Greenbelt 3. Kasama ni Mar sina Richard Merck, Romy Posadas, Eddie Katindig at Roger Herrera.

At tuwing Linggo naman ng gabi ay ang Jazz Volunteers sa 19 East na nasa may Toll Exit sa Sucat, Parañaque.

Pagmamahal sa Sampalok Lake

Sa panayam naman ng DERETSO kay Mandy Mariño, sinabi niya na ito ang kauna-unahang “jazz concert at the lake.”

“Simbolo ang jazz session na ito ng aming pagpupugay at walang katapusang hangaring mapaganda ang kapaligiran ng ating Sampalok Lake,” ayon kay Mandy.

“Arts and culture blends well with nature. Alam kong mas nagaganyak ang isang musician na tumugtog kapag kaaya-aya ang kanyang kapaligiran. The same thing sa mga painter. Inspirado ang isang painter na iguhit ang maaliwalas na kapaligiran. Poet can create beautiful and encouraging words to record kung ano ang kanyang nakita at nadama,” matalinghagang sabi pa ni Mandy.

Mayaman ang San Pablo sa local talent in the field of music na maaari ding maging isang Mar Dizon pagdating ng araw.

Katunayan, regular na tumutugtog ang Baktrax sa Palmeras Restaurant na nasa Maharlika Hiway, Brgy. San Rafael tuwing Biyernes ng alas-siyete ng gabi. Mga beteranong combo player na Pablo’y ang bumubuo sa Baktrax na ang forte ng musika ay 70’s, 80’s & 90’s.

Ganoon din, napatunayan ang pagkahilig ng mga Pablo’y sa pagbabanda nang dumalo ang may 30 grupo ng mga kabataang musikero sa Battle of the Bands na ginawa naman noong February 3 sa may Sambat sa okasyon ng ika-23 kaarawan ni Konsehal Martin Ilagan.



Bahagi ng panayam kay Mar Dizon: Jazz & Kulintang

Isinagawa ang panayam na ito sa balkonahe ng tahanan nina G. Mandy & Dr. Ema Mariño noong gabi ng February 7 bago simulan ang Jazz session..

Nagpapasalamat ang DERETSO sa pagpapaunlak ni Mar sa panayam na ito at sa mag-asawang Mariño sa mainit na pagtanggap sa amin kahit na nga nag-gate crash lamang kami. –Ed.

DERETSO BALITA (DB): Anong pangalan ng grupo ‘nyo at bakit Jazz?

MAR DIZON (MD): Walang pangalan ang grupo namin kasi binuo ko lamang ito para sa gabing ito…galing kami sa iba’t ibang grupo… nag-e-evolve kami dahil nacha-challenge kasi kami sa Jazz music.

Alam ko lilipas din ‘yun pero sa ngayon kung ang tinutugtog mo ay western music at gusto mong maging master sa craft, dapat tumugtog ka ng Jazz.

Western music ang ginagawa namin so malaking tulong ang pagtugtog namin ng mga Jazz music para mapagbuti pa namin ang aming craft… pero alam kong pagkalipas nitong kaka-Jazz kong ito ay uuwi din ako sa pinanggalingan kong musika which is our own ethnic music.

Napakalaki kasi ang pagkakahawig ng Jazz sa ating mga katutubong musika. Actualy ‘yang Jazz, lahat ‘yan improvisations so kumuha ka lang ng kahit na anong kanta at mag-improvise ka lang sa form ng kanta na yan, ganoon din sa ating katutubong musika gaya ng Kulintang, mayron din silang form na gumagawa din sila ng improvisation. Ganoon din ang prinsipyo sa Jazz, pero nauna pa ang katutubo nating musika sa Jazz… ang laki ng una natin sa Jazz.

Nanggaling kasi ang Jazz sa mga American Negro pero ganun din ‘yung konsepto kaya ‘lang nagkakaiba western instrument ang gamit namin ngayon …sa katutubo natin ‘eh katutubong instrumento ang gamit nila… kaya nga’t masasabi natin na Jazz din ang istilo ng ating katutubo kaya nga napakagandang i-fuse… karamihan ng songwriting ko doon ko hinuhugot ang inspirasyon hango sa katutubong rhythmic modes natin… nakakatuwa naman dahil may dalawa akong komposisyon na ‘di ko naman ini-expect pero nakatawag ng pansin na nanalo ng Katha at Awit Award ang kantang Flunk at Kalabukab.

Tongue twister ng pinsan ko ‘yon: “Kumakalabukab ang tabo sa tapayan kundi mo pakakalabukabin ay kakalabukab din” yun talaga ang title nya, pero pinaikli ko na lamang.

Lahat iyon ay hinango ko sa katutubo pero siyempre nandun na yung western influence so halo na talaga, fusion na talaga.



Image hosting by Photobucket

The gamelan (right picture) is the quintessential orchestra of South East Asia. Africa may lay claim to massed polyrythmic drums, Europe the symphony orchestra and the United States, the jazz and rock bands, but no musical ensemble typifies this part of the world - its mysticism, timelessness, grandeur, beauty and feeling of community the way the gamelan does. The wonder of it is that while the tradition may be shared by many cultures, each one has evolved a style, a sense of aesthetics and a manner of presentation unique to itself - a mirror of its people, ecology, history and lore, psychology and values.

The Kontemporaryong Gamelan Pilipino draws inspiration from this ancient and profound source nurtured and sustained by the depth, wealth and cultural diversity of the Philippines and her Asian roots. Widely identified by its acronym KONTRA-GAPI , the group strives to express music and kindred arts from indigenous well-springs, reaping from the people and giving back to them in new form "as magical as the moonlight and constantly changing as water".

--Lifted from an article Kontemporaryong Gamelan Pilipino (KONTRA-GAPI), University of the Philippines, College of Arts and Letters, Philippine Traditional/Ethnic Music Sites at PhilMusic, [Austrian-Philippine Homepage] [Culture and History] [Kontra-Gapi], February 15, 1997

DB: Pang-matanda lang ang Jazz at papaano magugustuhan ng nakakarami lalo na ng kabataan?

MD: Responsibilidad ng media kung papaano maipopularize ang ganong music, ang Jazz at ang katutubo nating musika… walang choice kasi ang tao ‘eh, lalo sa radio… ang dami nating ang gagaling na musiko hindi naman pinatutugtog sa radio dahil sa komerysalismo… sa kapitalismo… sorry pero talagang iyon ang nakikita ko sa media puro kalakal ‘lang kung ano ang idikta ng kapitalista… kung gusto mo ng tunay na art form wala kang choice which minamaliit mo ‘yung masang Pilipino dahil kahit sila ‘eh mataas ang musicality nababaog nga lamang ‘yon dahil wala ng pagpilian… kailangang iaangat mo pa ‘yun imbes na ibaba…

Matagal ko ng gustong gawin ito, ang bumalik dito sa mahal kong lungsod at makibahagi sa pagpapaunlad ng arte at sining kahit man lamang sa pamamagitan ng musika.

Ganoon naman talaga ‘eh, hindi nawawala ang kagustuhan mong bumalik sa iyong pinagmulan after years ng pagsusumikap sa ibang lugar… masarap ang pakiramdam kapag nasa lugar ka na ng iyong sinilangan.

(Matapos ang panayam, nasambit ni Mar: “Ang ganda pala dito overlooking the Sampalok Lake…”)



Dan Fernandez, pinagkaguluhan sa palengke ng San Pablo

(Ulat ni Byron R. Emralino, February 13, 2006 San Pablo City) – “Dan mahal ka namin!” “Dan ikaw pa rin!” “Dan kailangan ka ng Laguna!”

DAN FERNANDEZ

Ito ang iba’t ibang sigaw ng mga tagapalengke sa lungsod na ito noong tanghali ng a-diyes ng Pebrero nang biglaang dumalaw doon si dating Laguna vice governor Dan Fernandez.

“Nagpapasalamat po ako sa ginawa ninyong pagtangkilik sa akin. Pasensiya na po kung ngayon lamang ako nakabalik dito,” humigit kumulang tugon ni Fernandez sa mga tagapalengke.

Nilibot ni Fernandez ang halos buong San Pablo City Shopping Mall & Public Market mula first hanggang second floor nito.

Halos bawat mga manininda sa palengke ay akapin si Fernandez sabay sabing “Ikaw naman ang nanalo, bumalik ka na uli!” na sinusuklian naman ni Fernandez ng maikling tugon na “narito po ako para magpasalamat, hanyo at pagkaloob ng Diyos ay mangyayari ang gusto ninyo.”

Sa buong panahon ng paglilibot ni Fernandez ay sinamahan siya ng magkapatid na kambal na kilalang isa sa maraming diehard political leader ni Fernandez sa lungsod na ito.

Sa panayam ng DERETSO, sinabi niyang natuon ang kanyang pansin sa election protest na kanyang inihain matapos ang halalan noong Mayo 2004.

“Ginawa ko lahat ang aking makakaya. Tulad din nang unang sumabak ako sa larangan ng pulitika ay inilagay ko na ang aking buong pagtitiwala sa sistema ng eleksyon sa ating bansa.

“Naniwala ako noon na kahit na isang mahirap na kandidato ay mananalo sa halalan basta’t kagustuhan ng mamamayan,” sabi ni Fernandez.

Matatandaan na sa unang sabak pa lamang ni Fernandez sa pagka-bokal ng 4th district ng Laguna ay nagkamit na ito ng pinakamataas na boto, mahigit sampung taon na rin ang nakaraan. At hanggang sa matapos niya ang kanyang termino bilang bokal ay hindi iyon nabago.

Maging nang kumandidato siya bilang vice governor ng Laguna ay hindi nabago ang init ng pagsuporta sa kanya ng mga taga-Laguna. Ang init na iyon ng pagtitiwala sa kanya ng mga taga-Laguna ang siyang nagudyok sa kanya upang kumandidato naman bilang gobernador ng Laguna noon ngang nakaraang halalan ng 2004.

Nanalo siya sa boto, subalit hindi sa aktuwal na bilangan. Ito ang paniniwala ng maraming taga-Laguna. Kasalukuyan pang dinidinig sa Comelec ang inihayin niyang protesta.

“Malayo pa ang susunod na eleksyon. Kung anuman ang plano sa akin ng Maykapal ay hindi ko iyon tatangihan,” ayon kay Fernandez.

Sa mga nakalipas na buwan at taon, bukod sa pagtutok sa kanyang isinampang kaso sa Comelec, ay naging abala din si Fernandez sa pagtugon sa iba’t ibang imbitasyon ng kanyang mga kalalawigan bukod pa ang personal na pag-aasikaso sa kanyang munting negosyo sa Santa Rosa City, ang Rafters at Lafters Bar.

Bukod doon, abala din si Fernandez sa mga guesting niya sa iba’t ibang television program.

Ayon kay Fernandez, naging abala din siya sa pagbisita upang personal na pasalamatan ang mga negosyanteng sumuporta sa kanya nang vice governor pa siya.

“Naisakatuparan ko noon ang ating mga medical mission, pag-aaruga sa mga senior citizen, pagbibigay ng kaunting suporta sa pag-aaral ng ating mga mahihirap na kababayan nang dahil din sa mga kusang loob na pagsuporta ng ating mga kaibigang negosyante. Sa kanila lahat nagmula ang mga material na bagay na ibinigay natin sa ating mga kalalawigan. Naging daluyan lamang ako,” ayon pa kay Fernandez.

Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan ay mahigpit niyang binantayan ang paggastos sa pondo ng lalawigan.

“Oo nga’t magkapartido kami noon ni governor, subalit hindi ko maaaring talikuran ang ibinigay na pagtitiwala sa akin ng ating mga kalalawigan,” ayon pa rin kay Fernandez.

“Kung ano ako noon nang unang sumabak sa politika na walang gaanong salapi ay ganoon pa rin ako ngayon. Pagsisilbi ng tapat sa ating mga kalalawigan ang tangi kong bitbit sa pagharap sa kanila… kung kailan uli ito pormal na mangyayari, tanging Siya lamang ang magtatakda sa akin noon,” sabi pa ni Fernandez.

Walang kinaanibang political party si Fernandez nang una itong sumabak sa politika. Subalit makaraan ang ilang panahon sa pananatili sa puwesto ay naganyak siyang sumapi sa Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) na pinamumunuan ni national security adviser Norberto Gonzales.

“Nakita ko kasi sa PDSP ang tunay na kahulugan ng paglilingkod sa kapuwa. Hindi iyon nakabatay sa popularidad ng isang politiko, manapa’y sa popularidad na kagustuhang pagbabago ng mga mamamayan,” matalinghagang sabi pa ni Fernandez.

“Napakasimple pa rin ang gusto ng ating mga mamamayan – at iyan ay ang sila’y pakinggan sa kanilang mga karaingan at sama-samang pag-isipan ang solusyon sa kanilang mga karaingan.

“Papaanong totoong matutugunan ng isang politiko ang simpleng sakit sa ngipin ng ating mga pobreng kalalawigan kung ang gagawin naman ng nasa poder ng pamahalaan ay bibili ng overpriced na dental chair? Papaano mo mabibigyan ng kahit first-aid ang isang maysakit kung oo nga’t may milyun-milyong halaga ng gamut na nakalistang binili ang hindi naman napapadeliber sa mga pampublikong pagamutan? Papaano mareresolba ang kakulangan ng mga public school building kung matapos namang gastusan iyon ng daan-daang libong halaga ay agad itong guguho dahil sub-standard ang mga materyales na ginamit doon?

“Nakita ko na ang PDSP ay totong isang political party ng masa at mamamayan kaya nga’t hindi ako nagdalawang isip nang alukin ako nila na sumapi doon.

“Hanggang ngayon ay aktibo pa rin akong miyembro ng PDSP sapagkat, sabi ko nga’y kakaiba ito sa ibang traditional political party na kung kailan lamang may halalan ay saka aktibo sa pulitika. Partido ng masa at mamamayan ang PDSP kaya nga’t ako bilang pribadong tao sa ngayon ay hindi na mababago ang init ng aking naising maging kabahagi sa paghahanap ng solusyon sa kanilang mga karaingan.

“Ang problema ng masa ay problema nating lahat kaya’t hindi natin kaylanman dapat isantabi iyon,” pagtatapos ni Fernandez.

Noong araw na iyon ay apat na bayan pa sa lalawigan ang kanyang bibisitahin, kaya’t ayon nga sa kanya na parang shooting, balik lagare na naman siya.



2006 city budget: Anti-poor, pro-kurakot?

(Ulat pananaw ni Dodie C Banzuela, February 13, 2006, San Pablo City – P515,728,056.35 ang target income ng lungsod na ito ngayong 2006. Ito ang kabuuan ng “statement of fund operation” na isinumite ng local executive department ng lungsod na ito sa Sangguniang Panglunsod para sa city budget ng 2006 na may kabuuang 368 pahina. Ibig sabihin, talaan ‘yun kung papaano gagalpungin ang pondo ni Pablo’y.

May naka-indicate doon na “unappropriated balance” na P119,585.65 matapos na bahabahaginin ang nasabing halaga kung kanikanino.

Ganito binaak-baak ang nasabing “statement of fund operation”:

P370,348,805.74 para sa general services; P18,292,556.32 para sa education, culture, sports & development; P23,446, 706.82 para sa health services; P12,846,110.44 para sa social services; at P90,793,873.03 para naman sa economic services.

May pagpapahalaga naman pala sa serbisyong pangedukasyon at pangkalusugan ang city government ng lungsod na ito. Pero, totoo nga kaya iyon?

Kasi, ganito naman tinilad-tilad ang bawat serbisyo.

Sa general services, P114,812,764.00 ang nakalaan sa personal services (pasuweldo, uniporme, insurance,etc.). P36,470,874.93 para sa maintenance & other operating expenses (kabilang dito ang P5,818,000.00 para sa drugs & medicine; P5,835,000.00 para sa gasoline; office supplies, training expenses, food expenses, etc.). P4,500,00. para sa capital outlay (P4,000,000.00 pambili ng motor vehicle, P500,000.00 para sa libro). P140,244,704.21 para sa non-office expenditure (tulad ng instructional materials at DLSP worth P5,200,00.00; electricity expenses P23,100,000.00; bank charges P29,188,804; repair ng kung anu-ano worth P21M+). 20% city development fund na P52,835,978.40; 5% calamity fund na P18,679,742.10; at gender issues na P3,054,742.10.

Sa education, culture, sports & development, P16,070,556.32 ang nakalaan sa personal services; P1,972,000.00 para sa maintenance & operating expenses; at P250,000.00 para sa capital outlay.

Sa health services, P20,396,006.82 ang nakalaan para sa personal services; at 3,050,700.00 para sa maintenance & other operating expenses.

Sa social services, P6,466,610.44 ang nakalaan sa personal services; at P6,379,500.00 para sa maintenance & other operating expenses.

Sa economic services, P34,205,727.03 ang para sa personal services at P56,588,150.00 para naman maintenance & other operating expenses.

Kabilang sa nasabing 368 pahina ang isang pahina naman ng “statement of long-term obligation and indebtedness”. ibig sabihin, may utang sina Pablo’y ng kabuuang P242,383,649.57. Pinakamalaking utang sa Landbank of the Philippines na nagkakahalaga ng P186,145,250.00. P16,860,403.04 sa PREMIUMED I at P39,377,996.53 sa PREMIUMED II. At ngayong 2006, dapat magbayad sa Landbank ng P14,000.00; P1,926,023.47 sa PREMIUMED I at P18,028,725.65 sa PREMIUMED II.

At papaano naman nginata at sino ang ngumata ng nasabing mahigit sa kalahating bilyong pisong 2006 city budget? Sampolan natin ng silip.

Office of the mayor, P35,311,403.49. Kabilang dito ang taunang suweldo nina executive assistant I Loreto Amante, anak ni mayor Vicente Amante na nagkakahalaga ng P179,328.00, at secretary to the mayor Dante Amante, kapatid ni mayor Amante na nagkakahalaga naman ng P240,240,000.00. Teacher I for high school pero sa Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo nagtuturo Sigredo Adajar, kapatid ni konsehal Edgardo Adajar, P119,268.00. Isang Ronnie Santiago na may ranggong executive assistant I at ngangata ng P150,552.00.

Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo, P18,292,556.32. Kabilang doon ang taunang suweldo para kay still to be confirmed by the sangguniang panglunsod, college administrator Benilda Dumaraos na P259,860.00; board secretary III Ernesto Capulong na P213,588.00; associate professor I Araceli Adajar, may bahay ni konsehal Adajar, P201,504.00; at instructor I (na hindi naman nagtuturo dahil ano nga ba ang ituturo niya?) Janquil Bumagat, P134,004.00.

Senior sitizen office, P681,394.40. Civil Sevice field office, P49,000.00.

Sangguniang Panglunsod, P26,537,967.84. Kabilang dito ang taunang sahod ng magkapatid na Adajar (na kapatid pa rin ni konsehal Adajar) confidential assistant Xenia Adajar, P107,112.00 at administrative aide III Ronaldo Adajar P74,268.00. Si Xenia ay nakatalaga sa tanggapan ni konsehal Adajar, samantalang si Ronaldo naman ay sa tanggapan ni konsehal Abi Yu. Confidential assistant Justin Colago (na posibleng malapit na kaanak ni konsehal Leopoldo Colago) P104,508.00.

City administrative office, P1,663,971.00 (bakante pa hanggang ngayon ang ranggong city administrative officer).

City Human Resource Management office, P2,804,723.04. City Planning & Development office, P5,536,070.32. Civil Registrar, P3,652,026.76.

General services office, P43,852,934.36. City budget, P3,879,497.20. City accountant, P5,370,388.00. City treasurer, P13,913,864.96. Market (economic services), P56,751,743.44. Slaughterhouse, P3,048,719.67.

City assessor, P5,973,351.00. City auditor, P368,700.00. City information office, P2,895,698.04. City legal, P1,135,138.64. Office of the prosecutor, P1,782,509.08. Municipal trial court, P125,000.00.

City health P23,446,706.82. Cemetery division, P685,973.68. City social welfare 7 development, P5,483,862.00. City population, P7,362,247.48. City agriculturist, P5,896,412.04. City veterinarian, P1,643,223.68. City environment & natural resources, P1,208,331.96. City engineering, P19,440.318.56. City cooperative, P2,119.154.00.

Pananaw ng DERETSO

Dahilan na rin sa wala na nga namang makuhang trabaho sa pribadong sector at dahil marami na rin ang tricycle, ganoon din, wala ng paglulugaran para magtinda sa palengke, ‘eh mas mabuti na nga namang kapitalin ang puwesto sa gobyerno para makapagbigay ng trabaho sa anak, kapatid, bayaw, hipag, pamangkin, kaibigang sumuporta sa eleksyon, posibleng baka nga pati bayaw ng inaano’y may mataas na puwesto, etc,. etc., etc..

Ang tawag doon ng mga progresibong grupo’y, burukrata kapitalista.

Sa paghimay pa ng DERETSO sa 368 na pahina, napagtanto namin na ang 2006 city budget na ito ng San Pablo City ay anti-poor. Ninanamnam pa namin kung ito nama’y pro-kurakot o puro kurakot.



Tuesday, February 07, 2006

Nagkasangganuhan sa Sangganuhang Panglunsod ng San Pablo

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela) – Tila nga yata with impunity na rin ang pagpapakita ng makasangganong paguugali ng mayoryang konsehal ng San Pablo City nang akusahan ni Konsehal Jojo Biglete si Konsehal Gelo Adriano na “natotorotot ng asawa” sa regular session ngayong Martes, February 7, 2006.

Nauna rito, pinagbawalan na ni ex-officio sanggunian member & SK federation president Joseph Ciolo, na kumober ang media sa regular session ng konseho.

At muli, dahil sa dami ng mga piranha sa aquarium ng konseho’y muling nalapa ang “tatlong gold fish” doon na sina konsehal Martin Ilagan, Ivy Arago at Adriano upang maipasa ang mungkahing iyon ni Ciolo.

Noong si konsehal Karen Agapay pa ang chairman ng communication sa konseho, hiningi niya sa bawat media outfit na kumokober sa konseho ang mga pangalan ng regular media upang siyang mabigyan ng karampatang accreditation. Sinabi rin ni Agapay na maglalabas siya ng karampatang guidelines sa pagkober nga ng media sa kanilang regular session.

Si Ciolo ang siyang pumalit kay Agapay sa “pagrerenda” ng media.

Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y wala pa ring malinaw na panuntunang ibinibigay ang konseho hinggil sa kung papaano kokoberin ang kanilang regular session.

Ang malinaw sa ngayon ay ang ginawang pagbabawal nga ni Ciolo na sinangayunan naman ng kalakhang miyembro ng Sanggunian.

Sa nasabing sesyon, ipinagmalaki pa ni Biglete na aprubado na nila ang stand-by credit na tig-300 milyong piso sa Landbank of the Philippines at sa Development Bank of the Philippines. Kulang pa aniya iyon sa mga nakahanay na “magagandang proyekto ni mayor Vic Amante” kaya’t kailangang aprubahan pa nila ang dagdag na 55 milyong piso para galpungin sa waste management ng siyudad.

“Kulang pa ang mga tarpoline na nakalagay sa iba’t ibang panig ng lunsod upang malaman ng madla kung papaano natin dinadamusak ang lungsod,” maaaring sa isi-isip ni Biglete.

“Mr. Chairman, huwag namang ura-urada ang pag-aaprub ng pondo. Kailangang dumaan muna ito sa masusing talakayan. Oo nga’t outnumbered kami nina konsehal Martin at Ivy, subalit kailangan pa ring marinig ng taumbayan ang ating paninindigan sa lahat ng usaping may kinalalaman sa paggastos ng pondo ng bayan,” maaaring sa isi-isip din ni Adriano.

At dahil parehong sa isip lamang nagdedebate ang dalawa, walang kahiya-hiyang ibinulalas ni Biglete ang humigit kumulang na: “Mas guwapo naman ako kesa sa iyo kaya’t nasisigurado kong di ako tinotorotot ng asawa ko!”

Eto ang klase ng konseho meron ngayon ang San Pablo.

Walang problema sa DERETSO kung pagbawalan nilang ikober ang kanilang mga kaanuhan sa bulwagan ng sangganuhan. Ano pa nga bang bago ang ibabalita namin tungkol sa kanila kundi, linggu-linggo na lamang ay aprub without tinking ang gagawin ng mga iyon sa mga usaping may kinalalaman sa paglustay ng kaban nina Pablo’y.

Ang nakakatiyak, mga bayarang media kuno na lamang ang siyang papapasukin sa acquarium ng sangganuhan.



Naisanla ng P30.00/sq.m., bibilhin ng city gov’t ng P330.00/sq.m.

Overpriced nga ba ang bibilhing dumpsite?


(Ulat pananaw ni Iring Maranan, San Pablo City) – With impunity na nga ba sa paglustay ng kaban ni Pablo’y ang Amante administration?

Ito ngayon ang nabubuong kuro-kuro sa aking isipan matapos namang tahasang balewalain ng mayoryang miyembro ng Sangguniang Panglunsod ang inihayin kong liham sa kanila, dated January 12, 2006.

Talaga nga bang kasapakat na sa pandarambong ng kaban ng lunsod sina Vice Mayor Larry Vidal, Konsehal Abi Yu, Pol Colago, Jojo Biglete, Karen Agapay, Rudy Laroza, Egay Adajar, Richard Pavico, Joseph Ciolo at Gener Amante upang hindi nila bigyang pansin ang aking liham na nagsasabing, “P30.00 per square meter lamang ang asses value ng lupang bibilhin ng city government sa may Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño, kumpara naman sa nais ni Mayor Vicente Amante na bilhin iyon sa halagang P330.00 per sq.m.?”

Matagal ng tapunan ng basura ng lungsod na ito ang may bahagi ng lugar na iyon at matagal na ring panahon na inuupahan lamang iyon ng siyudad. Mas advantegous to the government nga ba kung bibilhin na iyon sa halagang 20.3 milyong piso kesa rentahan na lamang?

Wala na nga bang ibang paraan upang maibaba ang halagng P330.00/sq.m.? Iyon na nga ba ang fair market value ng lupa sa lugar na iyon?

Kutob ko tuloy na talagang sinasamantala ng magkasapakat na Amante-Sangguniang Panglunsod ang “ora-de-peligrong” banta ng mga taga-National Waste Management Council at DENR na “ihahabla na nila si Amante kapag hindi ganap na isinara ang kasalukuyang dumpsite ng lungsod” sa pagbili naman ng sa paniniwala nati’y overpriced na parsela ng lupa?

Anim na ektaryang lupa na bibilhin ng city government

Sa regular session ng Sangguniang Panglunsod noong October 18, 2005, naka-agenda sa Item No. 2005-424 ang 1st endorsement mula kay Amante na humihiling na mabigyan siya ng kapangyarihang mabili ang, 1) may 31,000 sq.m. na untitled land sa may Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño lungsod na ito na pag-aari ng magasawang Lilim G. Cabrera, Jr. at Milagros Vallejo ng Balagtas Blvd., at 2) 30,543 sq.m na untitled land din na pag-aari naman ni Lilibel G. Cabrera lungsod ding ito.

May talang PIN. No. 130-03-070-01-007-0103 at ARP No. 94-070-0014 ang kay Lilibel. Tatlong parsela naman na may mga tax declarations na ARP No. 94-055-753; PIN No. 130-03-070-02-007-0106; at ARP 94-070-016 ang sa mag-asawang Lilim at Milagros.

Kalakip sa nasabing kahilingan ang kopya ng “Contract to Sell” sa bahagi ng city government at magasawang Cabrera, Jr. Binigyan naman ni Libel ng Power of Attorney si Lilim na siya ng direktang makipagnegosasyon sa city government.

Nakalagay sa nasabing kontrata na mismong ang city government ang siyang nag-alok pa sa mga Cabrera na bilhin ang nasabing walang titulong lupa sa halagang P10,079,190.00 (para kay Lilibel) at P10,230,000.00 para kay Lilim.

Magbibigay na kaagad ang city government ng downpayment na tig-iisang milyong piso para sa nasabing bibilhing lupain kapag naratify na ng konseho ang nasabing kontrata.

Ang natitirang kabuuan ay babayaran naman ng city government ng dalawang hulog – January 2006 at May 2006 ng tig-P4,539,959.00 para kay Lilibel at tig-P4,615,000.00 para kay Lilim Jr.

Paninindigan nina Konsehal Martin Ilagan, Ivy Arago at Gelo Adriano

Lubos na naniniwala sina Ilagan, Arago at Adriano na dapat munang sumailalim sa malalimang pag-aaral ang nasabing kahilingang iyon ni Amante.

Nais ni Arago na bigyang linaw muna ang usapin hinggil sa liham na natanggap niya mula kay GM Casamiro A. Ynares III, executive director ng National Solid Waste Management Council (NSWMC), na nagsasabing ipinaabot na nila kay Amante “in the July 20, 2005 letter related to the statement ‘to seek for an alternative site’ was intended specifically for the operation of a sanitary landfill (SLF) which should be located in a feasible site and which will replace the controlled dump facility in February 2006.”

Sinabi naman ni Ilagan na baka mas makabubuti sa pangpinansiyal na katayuan ng lungsod kung “rerentahan na lamang” ang nasabing lugar tulad ng siyang nakagawian na.

Nais naman ni Adriano na linawin pang mabuti ang hinggil sa resulta ng isinagawang pag-aaral ng mga taga-Mines and Geosciences Bureau ng Department of Natural Resources ang Enviroment.

Inupakan na sa Special Session ng Konseho

Napunta sa mga binging tenga ang kahilingang iyon nina Ilagan Arago at Adriano sapagkat sa special session ng konseho noong January 13, 2006 na ipinatawag ni Amante ay inupakan na naman doon ang “aprub without tinking!” ng mayoryang konseho sa kabila na naihabol ko sa nasabing session ang nadiskubre ko ngang dokumento.

Ayon pa sa nakalap kong impormasyon, isinanla ni Lilim Jr. ang isang parsela ng lupa, na kasama sa bibilhin ng lungsod, na may talang ARP No. 94-070-016, sa isang bangko ng halagang 800 libong piso noong July 2000.

Ganap lamang itong natubos matapos namang maretipikahan ng konseho ang nasabing kahilingan ni Amante. Inabot ng may isa’t kalahating milyong piso ang pagkatubos sapagkat hindi nakabayad ng interes sina Lilim Jr. sa nakalipas na apat na taon.

Ayon pa sa impormasyon, “halos walang value ang naka-collateral na lupa,” mas tiningnan nila ang mataas na “credit standing” ng mag-asawang Lilim Jr. at Milagros.

Samakatuwid, baka nga mas mababa pa sa P30.00 ang dapat na maging value noon sapagkat sinu nga namang pribadong tao o grupo ng tao ang bibili ng lupang iyon gayong katabi lamang iyon ng dumpsite ng lungsod?

Mangangain ng buhay at kung nakakamatay lamang ang mga tingin

Animo’y kakainin ako ng buhay at tila kung nakakamatay lamang ang mga tingin ay baka nga patay na ako sa ipinukol sa akin nina Colago, Yu, Biglete, Adajar at iba pang baka nga kasapakat sa baak-baak, nang ihatag ko na ang aking liham sa konseho.

Binalaan pa ni Adajar si Adriano na iko-contempt niya ito kapag binasa ang aking liham. Sa madaling salita’y hindi nila binigyang puwang na mabusisi kung may katotohanan nga ba ang mga dokumentong aking inihatag sa kanila gayong milyong halaga nina Pablo’y ang nakataya.

Talagang sa pag-galpong ng pondo ng bayan ay tila nga pinatotohanan ang isyung ibinato kay Amante noong nakaraang Halalan 2004.



Paligid ng palengke ng San Pablo, inayos na

(Kunwari ‘lang pala?)


(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, San Pablo City) – Naging moro-moro at kunya-kunyarian lamang pala ang naging pag-aayos sa palengke ng lungsod na ito ng mga local government officials noong a-dos ng Pebrero. Ito ang naging opinyon ng mga mamamayan matapos namang makita nilang wala naman palang pagbabago sa palengkeng pinalengke.

Nagbuo ng isang task force ang lokal na pamahalaan na siyang nakipagugnayan sa mga ambulant vendor upang magkaroon na nga ng kaayusan doon. Kinabilangan ito ni Atty. Marius Zabat, kasama ang office of the general services, market superintendent, city engineering office, public safety assistance force at Philippine National Police.

Ayon sa mga nakasaksi, “hindi malinaw ang plano kung papaano nga ba aayusin ang palengke” sapagkat makaraang makaalis ang task force ay balik na naman sa magulong kaayusan iyon.

“Walang political will ang Amante administration na ipatupad ang kaayusan sa lungsod ng San Pablo. Mas nakatuon kasi ang utak nila sa pagkakaperahan,” mainit na komento pa ng isang tagapalengke na ayaw ng magpabanggit ng pangalan.

“Sala sa lamig, sala sa init. Inayos noon ni Mayor Boy Aquino ang palengke, tinira ninyo! Ngayong magulo na uli ang palengke, tinitira pa rin ninyo!”, sumbat sa DERETSO ng isa pa ring tagapalengke.

Partikular na reklamo ng mga stall owner ng palengke ang pagkakaroon ng santambak na ambulant vendor sa bahagi ng service road at lobby sa harapan mismo ng elevator area.

“Wala na po kaming kinikita,” humigit kumulang hinaing ng mga stallowner sa liham nila kay Mayor Vicente Amante noon pang nakaraang taon hinggil naman sa rason kung bakit nababalam ang pagbabayad nila ng local taxes.

Matatandaan na sa halip na tugunin ng maayos ni Amante ang nasabing may dalawang taon na ring hinaing ay ipinasara niya ang stall ni Gng. Celia Conducto-Lopez noong October 2, 2005 bilang pagpapakita ng “Amante kind-of-political-will.” Muling nabuksan ang stall ni Lopez matapos namang ipagutos iyon ng Korte. Patuloy pa ring dinidinig sa Korte ang nasabing usapin.

Binatikos ng DERETSO si MBA noong “linisin” niya ang service road sa mga ambulant vendor at maging ang paligid ng palengke dahilan na rin sa walang katiyakang lugar na paglalagyan ng mga aalising manininda. Ganito pa rin ang puna ng DERETSO sa mga isasagawang pag-aayos sa palengke: Kaukulan at permanenteng lugar para sa mga maliliit na manininda.

Hindi na iilang ulit napasulat sa pahina ng DERETSO ang hinggil sa kaayusan ng palengke.

Naipa-anyo na ang mga nasunugang stall holder, ang siste’y hanggang ngayo’y hindi pa rin naman nabibigyan ng karampatang pagkakaton na magkaroon din ng permanenteng puwesto ang matagal na ring mga ambulant vendor na ang karamihan sa mga iyon ay hindi pa rin nabibigyan nga ng pagkakataong magkaroon ng sariling stall kahit na nga ilang ulit na nasunog ang palengke.

Hanggang ngayon, hindi pa rin maresolba ng Regional Trial Court sa lungsod na ito ang usapin ng 3rd floor. At tila nga yata bubulukin na ng Amante administration ang Mall Two gayong matagal na rin naman itong tapos at may ilang mga stalls din sa first floor nito.

Tila nga yata ang nakikitang solusyon na lamang ng Amante administration ay ang magpagawa muli ng panibagong palengke na baka nga siyang gagawing matibay na justification upang makubra na ang naunang naaprubahan naman ng rubber stamped na Sangguniang Panglunsod na tig-300 milyon pisong stand-by credit sa Development Bank of the Philippines at Landbank.

Ugat ng paghina ng benta ng mga stall holder ay ang sangkatutak na ambulant vendor. Ugat ng pagdami ng ambulant vendor ay ang kawalan ng hanapbuhay at permanenteng lugar ng pagtitindihan sa mismong palengke ng lungsod.

At ang dalawang ugat na ito ang siyang dapat solusyunan ng Amante administration

Mismong ang kasalukuyang palengke ang siyang may malaking puwang sa pag-ugat ng problema at hindi ang muling pagtatayo ng bagong palengke.

Nagtitiis nga sa 2 x 2 sq.m. ang karamihang stall holder sa palengke, siguro nama’y kaya ring makapagtiis sa ganooong sukat din ang mga ambulant vendors kung ang kapalit naman noo’y isang permanenteng lugar na para sa kanila.

Kung ang naisin ay busilak na maayos talaga ang palengke, sasaan baga’t makakamtan iyon. Subalit kung ang bitbit pa rin ay personal agenda sa pagaayos noon, dahil may malaking halagang nakakalat mula naman sa hari ng 5-6 sa palengke, asahang walang katapusang moro-moro ang magaganap na pagsasaayos doon.

For the meantime, bantayan na lamang nating muli kung kailan ang susunod na moro-moro sa loob at labas ng palengke.



Gawad Kalinga project sa Santa Rosa City, tuloy pa rin

(Ulat ni Iring Maranan, Santa Rosa City) – “Tuloy na tuloy pa rin ang proyektong low-cost housing project sa mga kapuspalad nating kababayan,” humigit kumulang pahayag ni Mayor Joey Catinding ng lungsod na ito sa isinagawang press conference noong umaga ng January 31 sa headquarters ng Toyota Motor Corp. (TMC) sa lungsod ding ito.

Matatandaan na noong November 2004, sa panunungkulan pa ng pinaslang na si Mayor Leon Arcillas pinasinayaan sa Brgy. Pulong Santa Cruz ang joint project ng proyektong ito sa pakikipagtulungan naman ng Gawad Kalinga-Couples for Christ at TMC. Pormal ding ibinigay doon ng TMC sa pamamagitan naman nina Totyota foundation president Dr. David Go at TMC president Mr. Nobuharu Tabata ang isang milyong pisong donasyon para nga sa pagpapatayo ng low-cost housing.

Sumandaling nabalam ang pagsulong ng nasabing proyekto dahilan naman sa naging problema ng right of way sa Brgy. Pulong Santa Cruz. “Nailipat na ito ngayon sa Freedom Ville sa may market area,” ayon pa kay Catindig.

Ganuon man, kinakailangan pang bayaran ng siyudad ng may 200 libong piso ang 18 pamilyang nakatira sa may creek ng nasabing lugar. Kasalukuyan na itong pinoproseso.

Bahagi ng social responsibility ng TMC ang pakikilahok sa ganoong proyekto ayon naman kay Go. Bukod sa low-cost housing project, patuloy din ang TMC sa regular na pagsasagawa ng kanilang free medical-dental mission, pagbibigay ng mga educational scholarship atbpng pagkakawanggawa sa publiko.