| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, January 23, 2006

Mayor Vicente Amante at Abdon Andal, babasahan na ng kaso sa Sandiganbayan

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, January 24, 2005, San Pablo City) – Kinumpirma ng source ng DERETSO sa tanggapan ng First Division ng Sandigabayan sa Quezon City na babasahan na ng kaso sa March 10, 2006 sina Mayor Vicente Amante at Abdon Andal kaugnay sa isinampang kasong graft and corruption ng Office of the Ombudsman noon namang April 2005.

Sa Criminal Case No. 28112, partikular na nilabag nina Amante at Andal ang Section 3 (h) of Republic Act No. 3019 na nagsasaad ng, “Directly or indiricetly having financial or pecuniary interest in any business contract or transaction in connection with which he intervenes or takes part in his official capacity, or in which he is prohibited by the Constitution or by any law from having any interest.”

Kaugnay ang nasabing kaso sa ginawang pagpapaupa ni Andal sa isang bahagi ng 3rd Floor ng San Pablo City Shopping Mall sa San Pablo Information Computer Institute, Inc. (INFORMATICS) na si Amante naman ang personal na tumanggap ng kaukulang bayad sa upa at deposits noong July 30, 2000. (Basahin ang kaukulang balita sa GARAPALAN SA 2005, Year Ender Views and Report).

Ayon pa sa source, kasunod sa pagbasa ng sakdal kina Amante at Andal ay ang tatlong buwan namang preventive suspension kay Amante.

Sana nga matuloy na, ang tagal na kasi ng kasong iyan!,” ayon sa isang tagapalengke na ayaw ng magpabanggit ng pangalan.

Mahigit ng apat na taon nang isampa ang kaso sa panahon pa ni dating Mayor Florante “Boy” Aquino at standard na tugon ni Amante noon kapag natatanong siya hinggil sa nasabing kaso’y sinasabi niyang “napupulitika lamang” siya.

“Kahit masuspinde lang muna siya para naman muling manumbalik ang aming kompiyensya sa ating justice system,” ayon naman sa isang lokal na negosyante sa lungsod na ito na ayaw na ring magpabanggit ng pangalan.

“Justice delay is justice denay. Sana nga’y hindi pa huli ang lahat. Mahigit ng apat na taon ang kasong iyan…sana intact pa ang mga ebidensya at sana rin ay matibay pa rin ang paninindigan ng mga testigo,” ayon sa isa pa ring lokal na negosyante.

Pananaw ng DERETSO

Preserving the integrity of the evidences and witnesses, dalawang mahahalagang elemento sa pagtuklas ng katotohan at pagkakamit ng katarungan.

Mainit at walang sawang pagsubaybay naman ang nawa’y ibigay ng mga taga-San Pablo sa usaping nakahatag ngayon sa Sandiganbayan.

Ayaw isipin ng DERETSO na isa na ngang kultura sa mga taga-San Pablo ang animo’y nanonood lamang ng sine sa mga kaganapang nangyayari sa kanyang kapaligiran, lalo na sa bahagi ng good governance.

Matatandaan na matapos ang Aklasambayanan sa Edsa noong Pebrero 1986 ay natalagang Officer-in-Charge ng Office of the Mayor si Zacarias “Ma Caring” Ticzon. Si Gng. Celia Conducto-Lopez naman ang OIC Vice Mayor. Lahat din ng bumuo noon ng Sangguniang Panglunsod ay mga appointed.

Sa panahong iyon unang nagkaroon ng malalimang pagsusuri ang mga taga-Commission on Audit (COA) hinggil sa pinansiyal na kalagayan ng lungsod.

At doon nga’y nakita ng mga taga-COA na nilustay lamang ni Ma Caring ang mahigit sa 40 milyong pisong iniwan naman ni dating Mayor Cesar Dizon. Tampok sa naging kontrobersiya ang pagpapagawa ni Ma Caring ng tinaguriang “malapalasyong tahanan” sa Efarca Subdivision.

“Perang padala ng aking mga anak ang ipinagpagawa ko nito,” depensang tugon sa tinagurian naman niyang mga malisyosong bintang.

Ilang linggo ding pinagusapan sa lahat ng sulok ng San Pablo ang hinggil sa COA audit. “Pinupulitika ‘lang!,” standard na tugon pa ng kampo ni Ticzon.

At matapos na magbatuhan ng bintangan, kontra-bintang at maaanghang na salita ang magkakalabang political camps tuluyan na iyong nalimutan ng mga taga-San Pablo sapagkat nang magkaroon na ng halalang panglokal sa unang pagkakataon after martial law years ay nanalo pang mayor ang inakusahang lumustay sa pondo nina Pablo’y.

History repeats itself, ika nga.

Naisampa ang kasong nasa Sandiganbayan ngayon sa panahon pa ni dating Mayor Boy Aquino. “Pinupulitika ‘lang!,” standard na tugon ng kampo ni Amante.

At matapos na magbatuhan ng maaanghang na salita ang magkakalabang political camps tuluyan na iyong nalimutan ng mga taga-San Pablo sapagkat muli nilang inuluklok si Amante bilang mayor matapos ang Halalan 2004.

Subalit taliwas sa naging kaganapan sa panahon ni Ma Caring, mainit ngayon itong sinusubaybayan nina Pablo’y.

Sana nga’y hindi na lamang parang nanonood ng sine sina Pablo’y sa pagsubaybay ngayon sa usaping ito. Mainit sana silang makibahagi sa mga talakayan at pagpaparating ng mga saloobin sa media at lalo’t higit sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Kung hindi nakakuha ng aral sina Pablo’y sa COA audit ni Ma Caring, matamo na sana ngayon ito ni Pablo’y sa Sandiganbayan case ni Biteng.

Sa pananaw kasi ng DERETSO’y with impunity ang pagbabalik na ito ni Amante sa local governance – with impunity na mangurakot, kasabay noon ang muling pagpapagulo ng palengke at trapiko; pagpapanumbalik ng droga at pagkunsinti sa mga iligal na sugal; pangbababoy sa sistema ng pamamahala sa Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo (DLSP) at pagwaldas sa special educational fund; at ang pagkunsinti sa pangungurakot ng mga malalapit na political supporter nito.

Taas noo pa rin ang DERETSO na ipahayag na sinuportahan namin ang kandidatura ni Amante noong Halalan 2004 kabilang na rin ang ilang nanalong konsehal na sina Ivy Arago, Karen Agapay, at Pol Colago. Sinuportahan sapagkat naniwala kami na gagawa sila ng kabutihan para sa bayan.

At taas noo pa rin naming ipinapahayag ngayon na wala na kaming tiwala kina Biteng Amante, Karen Agapay at Pol Colago dahilan na rin sa paniniwala naming pagtatraydor nila sa bayan.

Harinawa’y huwag na ngang maulit ang kasaysayan sa lunsod – natapalan ang hustisya… natapalan dahilan na rin sa kawalang interes nina Pablo’y.



Thursday, January 19, 2006

Iba’t ibang version sa Cocopestebal 2006 murder

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, San Pablo City January 19, 2006) – Iba’t ibang version ang nabubuo ngayon sa lungsod na ito sampung araw matapos namang walang kalaban-labang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang limang kabataan at pagkasugat ng isa pa sa Mariflor Subdivision, Brgy. Del Remedio humigit kumulang alas-dose y medya ng madaling araw.

Unang gabi ang January 9 sa pagbubukas ng magarbong Cocofestival 2006 (na ilang taon na ring binansagan na Cocopestebal) sa city plaza na dinagsaan ng libu-libong manonood mula sa iba’t ibang barangay at karatig bayan ng lungsod.

Sa anim na miyembro ng kabataan, na walang awang pinagbabaril ng diumano’y limang kalalakihang suspek, 5 dito ang nasawi na sina Blas Melvin Dequina y Abrenica, 15-taong gulang; Jimson Vergara, 17-taong gulang; Aldwin Villaroel y Flores, 20-taong gulang; Arnold Munecia y Resurrecion, 33-taong gulang, binata; John Andrew Belen y Cerejano, 22-taong gulang. Pawang mga nagtamo ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nasugatan naman sa tama ng bala ng baril din sa may paa at hita at siya lamang tanging nakaligtas sa insidente si Joey Albert, 20-taong gulang na kapatid ni John Andrew.

Sa unang bugso ng pamamaril ng nasabing limang suspek, idineklara naman sa pinagdalhang pagamutan na dead on arrival si Jimson Vergara. Namatay naman habang ginagamot sa pinagdalhan ding pagamutan sina Blas Dequina, Arnold Munecia at Andrew Belen.

Sa simula’y nasa delikadong kalagayan si Aldwin Villaroel nang dalhin din sa pagamutan, subalit makaraan ang ilang araw ay namatay din ito.

Version ng nakaligtas

Sa panayam ng DERETSO kay John Albert sa tahanan nito noong umaga ng January 18 sa may Mariflor Subdivision, sinabi nitong walang katotohanan ang unang napaulat sa ilang national broadcast na frat war ang sanhi ng insidente. At hindi rin diumano totoo na isa lamang sa kanilang anim ang nanood sa city plaza na siyang may nakaaway doon.

“Lahat po kaming anim ay nanonood sa opening ng Cocofestival noong January 19,” ayon kay John Albert.

Diumano pa, sa may lugar ng Banco Filipino sila pumuwestong mga magkakabarkada.

Binigyang diin niya na wala namang anumang insidenteng naganap doon. “Wala po kaming nakaaway doon,” ayon pa kay John Albert. At wala din aniyang nasasabi sa kanya ang sinuman sa kanyang mga kabarkada na may matagal ng kaalitan.

Inamin niya na miyembro siya ng Tau Gama noong high school pa siya. Graduating college student siya ngayon sa Laguna State Polytechnic College na nasa Brgy. Del Remedio din.

Alas dose ng gabi nang umuwi na silang magkakabarkada sa Mariflor Subdivision mula nga sa panonood sa city plaza.

Hindi diumano sila umuwi agad sa kani-kanilang bahay at tumambay muna sa may harapan ng bahay ni Engineer Rafael Dequina, tiyuhin ni Blas Melvin.

Ayon pa kay Joey Albert ganito ang posisyon nila nang nakatambay na nga sila sa may kantuhan ng bahay ni Engineer Dequina: si Joey Albert nasa kanan niya si Jimson katabi naman nito si Andrew kasunod si Arnold, Aldwin at Melvin.

Wala pa aniyang limang minuto silang nakatambay sa nasabing lugar nang may mapansin silang isang white Toyota Corolla na kotse na pumasok sa nasabing subdivision.

Normal aniya naman ang takbo ng nasabing kotse nang dumaan sa harapan nila at dumeretso sa may dulo ng nasabing subdivision.

Maya-maya aniya’y napansin na niyang pabalik na ang nasabing kotse.

Halos hindi pa muling lumalampas sa kanilang harapan ang nasabing kotse nang napansin niya na may limang lalaking naglalakad kasunod ng nasabing kotse.

Diumano, mga naka-short pants lamang ang nasabing mga kalalakihan na may suot na magkakaibang damit at lahat ay nakasuot ng baseball cap.

Pagkalapit aniya sa kanila ng mga kalalakihan, agad silang tinutukan ng baril at kinuha ang kanilang mga cellphone at wallet. Isa-isa din sila diumanong kinapkapan.

Nakuha kay Arnold Munecia ang isang tsako na nakasukbit sa likod ng baywang nito. Pagkakuha aniya ng isa sa limang lalaki ng tsako ay inihampas ito kay Arnold. Sinalag ni Arnold ang mga hampas na iyon. Napansin ni Joey Albert na isa sa limang lalaki ang nagtungo sa likod ni Arnold at nagulat na lamang ito (Joey Albert) nang paputukan ng baril si Arnold.

At doon na diumano nagsimula ang walang habas na pamumutok ng limang kalalakihan sa kanilang mga magkakabarkada.

Bigla siyang tumaob at hindi na kumilos.

Nang ganap ng makaalis ang nasabing mga kalalakihan, tumayo siya at tumambad sa kanya ang duguang mga nakahandusay na barkada.

“Nagkalat po sila sa kalsada at pulos duguan at naramdaman ko po na pati ako ay may tama sa may hita at paa,” ayon sa kuwento ni Joey Albert sa DERETSO.

Nagpilit diumano siyang maglakad upang humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay.

Batay naman sa initial na imbestigasyon ng pulisya

Ayon sa opisyal na tala ng pulisya ng lungsod na ito, nakuha sa crime scene ang mga sumusunod: 8 spent shells of .45 caliber; 15 spent shell of .9mm; 6 deformed slugs; black sandals; at white rubber shoes with black socks.

Batay sa kuwento ng isa sa miyembro ng investigating team ng pulisya ng lungsod ding ito, bukod sa salaysay ni Joey Albert na “magkakasama silang nanood sa plaza, may pumasok na puting Toyota Corolla w/ unidentified plate number,” ay ang batay naman sa kanilang pangunang imbestigasyon na diumano’y “nagkaroon muna ng mahabang pag-uusap ang dalawang grupo bago ganap na nagkaroon ng barilan.”

Ayon pa sa nasabing miyembro ng investigating team, “kung holdup ‘yon at kukunin lamang ang kanilang mga cellphone at wallet, hindi na iyon mamumutok at ‘tyak aalis kaagad ang mga suspek. Bakit nagkaroon muna sila ng mahabang diskusyon bago maganap ang barilan?”

Teorya pa ng nasabing miyembro ng investigating team: “Posibleng kakilala ng isa sa anim na magkakabarkada ang limang suspek. At kung anuman ang kanilang pinagdiskusyunan ay tanging si Joey Albert lamang ang siyang makakapagbigay linaw.”

“Murder ‘yon,” opinyon naman ng isang abogadong nakausap ng DERETSO.

Ayon sa nasabing abogado, isa sa elemento ng kasong murder ay ang pagpaplanong pumatay.

“The mere fact na may dalang baril ang limang suspek nang harapin o makipagusap sila sa mga biktima ay nandoroon na ang elementong pagpaplanong pumatay. Kung totoo mang may nakapkap na tsako ang isa sa mga suspek sa isa naman sa mga biktima ay hindi mo maiikunsidera na paghahanda naman sa posibleng pagpatay sa kanila,” paliwanag pa ng abogado.

Version na kumakalat sa palengke ng lungsod na ito

Ibang istorya naman ang mabilis na kumalat sa palengke ng lungsod na ito.

Ayon sa mga kuwento, “may matagal ng kaalitan ang isa sa mga biktima sa grupo ng mga suspek.” May kuwento pang “may ‘di sinasadyang naapakan ng paa ang isang biktima sa isa namang kasamang babae ng mga suspek. Kasunod noon ay ang ‘di ring sinasadyang pagkakaakap ng natapakang babae sa isa sa mga umapak na biktima bilang unang reaksiyon nang masaktan ito. Minasama aniya ito ng isa sa mga suspek kaya’t nagkaroon ng pagtatalo sa may harap ng Zylo’s (taliwas sa kuwento ni Joey Albert na nakapuwesto sila sa may Banco Filipino).”

Sa iba’t ibang kuwentong ito na kumakalat sa palengke ng lungsod, mas lumalakas ang hinala ng mga mamamayan na “matagal ng alitan ang ugat ng pamamaril.”

Posible aniyang nakita ng mga suspek ang mga biktima noong gabi nga ng January 9 at doon na pinalano ang ginawang sa simula’y komprontasyon na nauwi nga sa walang habas namang pamamaril ng mga suspek.

Kuwento pa sa palengke, posibleng kaanak ng ilang matataas na opisyales ng lokal na pamahalaan ang ilan sa mga suspek sapagkat diumano’y sa panahon ngayon, “sino pa ba ang may lakas ng loob na magbitbit ng mga ganoong kalibre ng baril kundi ang mga nakapuwesto?”

Pananaw ng DERETSO

Unang putok na balita sa TV Patrol ng ABS-CBN Channel 2 at 24-Oras ng GMA7 Channel 7 na “frat war” ang sanhi ng krimen. Nang sumunod na araw, “matagal ng alitan” ang naging tema ng pagbabalita.

Bukod sa mga material evidence, nakabatay sa direktang pagpapahayag ng sinumang witness ang isa sa resulta ng imbestigasyon at pagbabalita ng media.

Kung ang pagbabatayan ay ang pahayag ni Joey Albert sa DERETSO, posibleng masabi ngang holdup. Subalit hindi maaalis ang katanungang: Bakit pa kailangang patayin matapos tangayin ang mga kinulimbat na gamit? Kung totoong may nakuhang tsako ang mga “holduper”, bakit kailangang ihampas pa sa biktima? At ang masakit na tanong na walang intensyong manglait: Gaano nga ba sila kayaman upang pag-interesang holdapin?

Kung totoo ang pahayag sa DERETSO ng isa sa miyembro ng investigating team na “nagkaroon muna ng mahabang diskusyon sa isa sa mga biktima bago maganap ang pamamaril”, may posibilidad nga na kakilala ng isa sa biktima ang kahit isa naman sa limang mga suspek. Posibleng hindi iyon tuwirang kilala ni Joey Albert at ng apat pa nitong kasamahang biktima.

Dead on arrival agad si Jimson nang dalhin sa pagamutan na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Posible kayang siya lamang ang may matagal ng kaalitan sa isa sa mga suspek?

Dead man tell no tales, ika nga at walang intension ang DERETSO na dumihan ang kanyang nakaraan o sinuman sa mga namatay na biktima.

Kung anuman ang namagitan sa grupo ng mga biktima at mga suspek, kasalanan pa rin sa batas ng tao at mata ng Diyos ang pumatay.

Susi si Joey Albert sa pagkakalutas ng krimen at pagtuklas ng katotohanan. He has his own life to live, ika nga. Subalit hangga’t hindi lumalabas ang katotohanan, siya lamang ang makakaalam kung hindi nga ba magiging daladalahin niyang multo ang insidenteng naganap sa kanyang mga kabarkada at kapatid sa darating na araw.

Sinikap ng DERETSO na makapanayam ang hepe ng pulisya ng lungsod na ito, subalit dahil wala naman kaming TV camera ay tila mailap ito sa local media.

Nais sanang itanong ng DERETSO kay hepe (na tila nga nalimutan na rin namin ang kanyang pangalan dahil sa kailapang makapanayam): Bakit hindi niya naparating ang SOCO (Scene Of the Crime Operatives) gayong maraming buhay ang napatay sa insidente?

Nais din nating itanong sa kanya kung sino sa kanilang dalawa ni Mayor Vicente Amante ang unang nagtungo sa pagamutang pinagdalhan ng mga biktima?

May impormasyon kasing ipinarating sa DERETSO noong January 11 sa pamamagitan ng text messages na agad binisita ni Mayor Amante sa pagamutan ang mga biktima humigit kumulang alas-dos ng madaling araw noong January 10 at masinsinang kinausap ang pamilya ng mga biktima.

Kung anuman ang napag-usapan nila ay sila-sila na lamang ang nakakaalam.

“SOP na ‘yun kay mayor na kapag may mga ganoong insidente ay agad itong nagtutungo sa bahay o ospital o himpilan ng pulisya upang alamin kaagad ang mga pangyayari. Hindi ako privy sa kung ano ang napagusapan nina mayor at ng pamilya ng mga biktima,” ayon sa isang executive assistant ni Amante na ayaw ng magpabanggit ng pangalan.



Saturday, January 14, 2006

Operasyon ng Small Town Lottery, tuloy na

(Ulat ni Dodie C. Banzuela, January 13, 2006) – Hindi na nga mapipigilan ang pag-ooperate ng small town lottery (STL) sa bansa matapos namang aprubahan noong December 21, 2005 ng board of directors ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang rules and regulations hinggil dito.

Sa ipinadalang liham ni PCSO Chairman Sergio O. Valencia kay Executive Secretary Eduardo Ermita noong December 27, 2005, sinabi doon na nakapag-anunsyo na sila (PCSO) sa publiko sa pamamagitan ng paglalathala nito sa ilang broadsheet hinggil sa paanyaya sa gagawing “PCSO Authority to Conduct Actual Test Run for Small Town Lottery Project” (Contract to Test Run 1, 2 & 3).

Ipinadala din ni Valencia kay Ermita ang “PCSO Rules and Regulations Governing Small Town Lottery” (Rules & Reg 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, & 9).

Ang test run na ito ang siyang tutukoy kung viable nga ba ang STL bilang source of charity fund at malakas na alternatibo upang ganap na masugpo ang jueteng, masiao, last two at daily double na talamak sa buong bansa.

Batay sa Contract to Test Run, isang taong palugit ang ipagkakaloob sa authorized corporation, na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC), upang magsagawa nga ng STL sa isang partikular na lalawigan.

Maglalagak ang naaprubahang korporasyon sa PCSO Treasury Department ng cash bond na sampung milyong piso. Dagdag pa dito ang authority fee na ire-remit ng korporasyon sa PCSO tuwing ikatlong linggo ng buwan na magkakahalaga naman ng isang milyong piso o five percent of the gross receipts, whichever is higher.

Walang ilalabas na anumang pondo ang pamahalaan sa gagawing test run. Sagot ng authorized corporation ang anumang luging mangyayari sa nasabing test run.

Mula sa gross sales ng STL na nag-ooperate sa bawat lugar, makakatanggap naman, bilang Charity Allotments/Obligations, ng one percent (1%) ang lalawigan; four percent (4%) ang chartered cities, at three percent (3%) ang municipalities.

Kabilang pa sa mga requirement bago mabigyan ng authority ang isang korporasyon ay ang pagsusumite nito ng feasibility study at kumpletong talaan ng mga kawani na siyang kikilos sa partikular na lugar.

Ayon naman sa Rules and Regulations Governing the Small Town Lottery, kailangang may endorso muna ang pag-o-operate ng test run, sa pamamagitan ng isang Resolution, mula sa Sangguniang Panlalawigan at/o League of Municipalities of the Philippines Provincial Chapter
Nauna ng naibalita ng DERETSO na nakapagbigay na ng endorso ang League of Municipalities ng
Quezon province noon pang September 30, 2005.

Kwalipikado ang isang korporasyon kung: 1) ito ay organisado para makapagsagawa ng actual test run, marketing and other allied services 2) mayroong lokal na tanggapan na madaling mapuntahan ng publiko within each province, chartered city and/or legislative district designated for actual test runs 3) mayroong sapat na bilang ng mga kawani to handle the project 4) kailangang 100% na pag-aari ng Pilipino 5) mayroong minimum authorized capital stock na twenty million pesos (Php20,000,000.00), and with a minimum paid-up capital equivalent to five million pesos (Php5,000,000.00) 6) may sapat na kakayahan, kasanayan at capital na magsagawa ng ganitong proyekto.

Kasama din sa nabanggit ang bio-data ng corporate officers and directors na nagpapakita ng kanilang qualification, integrity and experience.

Obligasyon ng authorized corporation na magsumite ng regular reports, under oath and in accordance with the PCSO’s prescribed forms and styles ng mga sumusunod:

1) listahan ng mga specific municipalities and chartered cities within the area of actual test runs and the specific dates when such experiments were introduced in each municipality or city;

2) weekly volume of sales by municipality or city from the date of the commencement of the experiment and every month thereafter and the summary of sales for the whole area in general;

3) percentage of commission of sales agent, percentage of prize fund being actually disbursed on a weekly basis, and cost of operation to cover salaries and wages, rentals, furniture and equipment and other operating expenses;

4) public acceptability of the lottery, problems encountered in its conduct, and such other matters as may be required by the PCSO from time to time.

5) Remit every third week of each and every month to the PCSO Treasury Department a monthly Authority Fee;

6) Within the first ten (10) days of every month, remit to the concerned local government unit or agencies the amounts determined under these Rules for local allotments and charity projects;

7) Submit proof to the PCSO of the remittance of such local charity allotments within five (5) days from the date of payments and in no case shall submission be beyond the 15th day of every month.

Kung ang sa jueteng ay 1-37 ang pinaglalabanang numero, 1-38 naman ang sa STL na tinawag nilang “Pick-Two.”

Kung ang sa jueteng ay maaaring isulat ang taya ng bettors kahit sa dahon ng saging at wala itong kaukulang pangalan, sa STL ay may kaukulang “ticket” at sa likod nito ay dapat pirmahan iyon ng bettor kapag nag-claim na siya ng panalo.

Isang pera ang minimum na taya sa jueteng. Piso naman ang minimum na taya sa STL.
Sa jueteng may diskwento kapag sumobra ang patama sa halagang pinaglalabanan o engreso. Posible din ito sa STL subject to the PCSO Board’s prior approval in writing.
Sa jueteng bote ng beer at bolitas ang ginagamit sa pagbola. Sa STL kahalintulad ang sistema ng pagbola sa lotto.

Sa jueteng nasa kamay ng nagbobola o umaalog ng bolitas ang winning combination numbers. Wala nito sa STL, ala-swerte na lamang kung anung numero ang lalabas sa tambiyolo.
Sa jueteng, tanging mga kawani ng jueteng at mayor-ng-kabo lamang ang saksi sa pagbola. Sa STL ay may mga hinirang na hurado, na residente naman ng lugar, na siyang tatayong witness sa pagbola at maaari din itong masaksihan ng publiko.

Sa jueteng kahit ilang bola sa loob ng isang araw ay pwede. Sa STL, kailangang iditermina pa ng PCSO kung papayagan nila ang mahigit sa isang bola kada araw.

Sa jueteng, lahat “masaya” – mula mababa hanggang mataas na government officials kabilang na ang nasa hanay ng kapulisan at intelligence service; charity, religious, socio-civic clubs, pangkaraniwang tao, at media, dahil kasama sila sa regular “payroll” ng bangka. Sa STL, tanging sina governor at mayor na lamang ang “masaya”.

Lahat ng mga winning ticket ay maaaring makuha sa kolektor o sa tanggapan ng authorized corporation sa nalolooban ng pitong (7) araw. Forfeited na iyon makalipas ang pitong araw.
Lahat ng mga gagamiting material, mula ticket hanggang sa tambiyolo ay sa PCSO bibilhin ng authorized corporation.

Sa impormasyong nakalap ng DERETSO, posibleng maunang mag-operate na sa lalawigan ng Mindoro bago matapos ang first quarter ng taong ito sapagkat nakapagsumite na ng kumpletong requirement ang authorized corporation doon.

MACDAP Gaming Inc. ang siya namang posibleng maging authorized corporation sa Laguna na pamamahalaan ng kanilang Chairman and General Manager na si Bernabe “Jun” Cuello ng Brgy. San Nicolas, San Pablo City.

Sa muling pagbubukas ng STL dapat pa ring linawin ng pamahalaan ang ilang usapin tulad ng:

1) security of tenure ng authorized corporation. Oo nga’t isang taon lamang ang trial run, subalit may katiyakan bang magiging tuloy-tuloy na ito kahit na nga magpalit pa ng bagong pangulo ng bansa?

2) Nahinto ang unang operayon ng STL sa panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino dahilan na rin sa iba’t ibang kadahilanan, partikular ang diumano’y pagtakas sa may 800 milyong pisong kita sa STL ng unang namuno nito, kung muling mangyaring itakas ang pondo ng kung sinuman ang mamumuno ngayon sa STL na taga-PCSO, mahinto kaya uli ang operasyon nito kahit wala pa ang takdang panahon at wala namang kinalalaman ang mga authorized corporation?

3) Papaano haharapin ng pamahalaan si Archbishop Oscar Cruz ng Pangasinan na siyang nangunguna sa krusada laban sa jueteng at lahat ng klase ng sugal?


Thursday, January 05, 2006

Amante nanggigil sa Rizal Day 2005

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, San Pablo City, January 6, 2006) – "Ginastos natin sa mga basic services kaya't dalawang libong piso lamang ang naibigay nating Christmas bonus!" Humigit kumulang gigil na gigil na tinuran ni Mayor Vicente Amante ng lungsod na ito sa okasyon ng Rizal Day celebration noong December 30.

Maraming nagkomento na hindi na dapat pinalutang pa ni Amante ang nasabing usapin sapagkat wala naman daw nagtatanong sa kanya hinggil sa nasabing usapin.

"Mas ibinuko pa niya ang kanyang sarili na may anomalya sa usapin ng christmass bonus," komentaryo ng ilang mga tagalunsod.

Posibleng bunsod ang nasabing reaction sa mga naunang kumalat na text messages sa lunsod na ito na nagsasabing tumanggap ng 20 thousand pesos na Christmass bonus ang bawat regular employee ng Santa Rosa City, 15 thousand naman ang bawat casual at limang libong piso ang bawat contractual.

Resulta ang nasabing text messages sa kinober ng DERETSO at ng First Hermit (FHC) Channel 17 ng Telmarc Cable Television sa ginawang pa-presscon ni Santa Rosa City Mayor Jose Catindig, Jr. at doon nga ay ipinahayag nito (Catindig) ang hinggil sa 20 thousand pesos Christmas bonus.

Matapos na maibulalas ni Amante ang kanyang alburuto’y agad din nitong iniwan ang nasabing okasyon at hindi na hinintay pa ang ginawang pag-aalay ng bulaklak ng iba’t ibang samahan at sektor mula sa lunsod na ito.

“Nakita kasi ni Amante si businessman Chito Ilagan at dating city administrator Atty. Hizon Arago,” pagbibiro ng mga dumalo. Kabilang sina Ilagan (ama ni Konsehal Martin Ilagan) at Arago (ama ni Konsehal Ivy Arago) sa delegado ng Ateneo de San Pablo Alumni Association (AAA) na nagalay din ng bulaklak sa rebulto ni Rizal. Si Ilagan ang 2005 presidente ng AAA.

“Binuksan na rin lang ni Amante ang usapin ng Christmas bonus, e sana’y sinabi na lamang niya ang katotohanan na kaya kakapurat ‘yon ay dahil sa ibinili niya ng lupa na walang titulo at ginastos sa kanyang mga walang kuwentang proyekto,” komentaryo pa ng mga dumalo.

Nagmukha anyang sanggano at brusko si Amante sa inasal niya sa Rizal Day. “Taliwas sa kanyang imahen noong mga unang taon ng kanyang termino, ipinakikita na ni Amante ang kanyang tunay na kulay – barumbadong pultiko,” ayon pa rin sa komento ng mga dumalo.



“Ginastos ko sa mga basic services!” – Amante

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, San Pablo City, January 6, 2006) – Ito ang nanggagalaiti pa ring humigit kumulang na tinuran ni Mayor Vicente Amante sa unang pagdalo nito sa flag ceremony ng mga kawani ng kapitolyo ng lunsod na ito noong Enero 2, 2006.

“Wala silang mga proyektong ginawa na tulad ko kaya’t nakapagbigay sila ng ganoong kalaking Christmas bonus!” Ratsada pa rin ni Amante na patutsada naman kina Alaminos Mayor Sam Bueser, Calauan Mayor George Berris, Santa Rosa City Mayor Jose Catindig, Jr. at Victoria Mayor Dwight Kampitan, pawang nagbigay ng may 20 thousand Christmas bonus sa kanilang mga kawani.

Una ng napaulat sa DERETSO ang hinggil nga sa pagbibigay ni Catindig ng nasabing malaking halaga sa ginawang press conference sa Santa Rosa City noong December 22, 2005.

Nakapanayam naman nina Iring Maranan, reporter ng DERETSO at local TV host ng First Hermit Channel (FHC) at Aldrin Cacayan, editor in chief ng Free Times Journal at program director ng FHC sina Mayor Bueser, Berris at dalawang konsehal mula sa Victoria, Laguna.

Sa nasabing panayam nina Maranan at Cacayan ay ipinahayag ng mga nabanggit na nagbigay din sila ng 20 thousand pesos na Christmas bonus sa kani-kanilang mga kawani.

Pati mga national employee ng pamahalaan ay nabigyan din ng mula one thousand pesos hanggang one thousand five hundred pesos.

“Resulta ito ng masinop naming paggastos sa kaban ng bayan,” halos nagkakaisang pahayag ng mga nabanggit na mayor sa nasabing panayam.

Nauna rito, ipinahayag ni Catindig sa DERETSO na: “Kahit na anung liit ng budget ng pamahalaan at iyon naman ay gagastusin sa tama, ‘tyak may matitira pa para sa mga kawani. Subalit kung ang intensyon ay nakawin lamang iyon, kahit na anung laki pa ng budget ng pamahalaan, kulang at kulang pa rin iyon.”

Pinagtatawanan ngayon si Amante ng mga kawani ng lungsod na ito dahilan sa pagyayabang na “ginastos sa mga proyekto” ang pondo kaya’t halos walang natira para sa nakalaang Christmas bonus.

Naka-budget sa 2005 ang 4,500 pesos na Christmas bonus. Nagdeklara naman si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng 5 thousand pesos na Christmas gift sa lahat ng government employee. Inasahan ng mga kawani ng lungsod na ito na hindi bababa sa 9,500 pesos ang matatangap nilang bonus noong kapaskuhan. Subalit maging ang 4,500 pesos na nakalaan na ay naging two thousand pesos na lamang para sa mga regular employee at 1,500 pesos naman para sa mga casual.

“Hindi na nakapagtataka kung bakit halos natunaw ang appropriated fund para sa mga kawani. Ganyan ngayon talaga si Amante, maglalaan ng kung anu-anong gastusin subalit sa bandang huli’y kukuhanin at ilalagay sa mga kunwaring proyekto upang siya lamang ang makinabang,” daing ng mga kawani ng kapitolyo.

Noong mga huling linggo ng December 1005 ay napabalita na inodit ng Commission on Audit ang kaha ng lungsod at batay na rin sa mga unang impormasyong nakalap ng DERETSO ay malaking halaga ang nawawala sa kaban ng lungsod na hindi maipaliwanag ni Angelita Belen, city treasurer ng lungsod na ito.

Napabalita din noong last quarter ng 2005 na “nagtago” ang isang Sally Brion, kahera sa city treasurer’s office, dahilan sa diumano’y “nagalaw” nito ang mga pampasuweldo sa mga casual employee at iba pang obligasyon ng lungsod na ito.

Ipinarating din sa DERETSO ng ilang mga casual employee, partikular ang mga taga-Public Safety and Assistance Force (PSAF), casual faculty member ng Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo (DLSP), at maging ng ilang mga guro ng National High School na sumusuweldo sa ilalim ng school educational fund (SEF) na halos tatlong buwan ng delay ang kanilang mga sahod.

Sa panggagalaiti ni Amante noong January 2, 2006 ay sinalubong naman iyon ng kontra panggagalaiti ng mga tagalunsod, ilan dito ay ang mga sumusunod:

“Mas kailangan naming matanggap ng buo ang aming sahod, kesa sa kakapurat na 1,500 pesos na diumano’y Christamas bonus,” pahayag ng mga casual employee na ipinarating sa DERETSO sa pamamagitan ng mga text messages bago matapos ang December 2005.

Mahirap ngang paniwalaan ang mga tinuran ni Amante na diumano’y “ginastos” sa mga basic services sapagkat hindi naman iyon naramdaman ng mga taga-kalunsuran (kung meron nga).

Mas dama ng mga tagalunsod na ginastos ni Amante ang may 20.3 milyong pisong halaga sa pagbili na naman sa walang titulong lupain sa may Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño upang magamit na tapunan ng basura ng lungsod sa kabila ng direktiba ni Dr. Casamiro Ynares III, Executive Director ng National Solid Waste Management Council na dapat ng isara ang nasabing tapunan ng basura.

Mas dama ng mga tagalunsod ang ginastos sa mga tarpoline na nagbabando ng mga kasinungalingang pahayag na “isinasagawa na sa Lungsod ng San Pablo ang tamang pamamaraan sa pangangalaga ng basura.”

Mas dama ng mga tagalunsod ang malaking halagang ginastos sa pagbili ng sasakyan upang maghanap lamang ng lugar na pagtatapunan ng basura, gayong ang nasabing sasakyan ay mas malimit makita sa mga beer house.

Gigil ang iniwan ni Amante sa pagtatapos ng 2005 at sinalubong pa ito ng panibagong panggigigil sa pagpasok ng 2006, kaya’t asahang hanggang sa 2007 ay panggigigil sa pondo ng bayan ang gagawin nito… na sana nama’y salubungin din ng kontra gigil nina Pablo’y sa pagsasabing, “Hindi ka na makakadalawang termino!”



Mga sidera sa pusod ng San Pablo, mariing tinututulan

(Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela, San Pablo City, January 6, 2006) –

Stall owner sa San Pablo City Shopping Mall, barangay officials, negosyante, motorista, publiko – sila ang patuloy na nagpaparating ng pagtutol hinggil sa paglalagay ng mga sidera sa paligid ng Simbahang Katoliko, palibot ng city plaza, A. Flores, M. Basa at M. Paulino streets.

Mula December 16, 2005 hanggang January 18, 2006 ang inaprubahan ng Sangguniang Panglunsod noong December 13, 2005 hinggil nga sa pagtatayo ng mga sidera bilang paggunita sa araw ng Kapaskuhan, Bagong Taon at Kapiyestahan ng lungsod na ito.

“Hindi maaabala ang mga motorista, hindi rin maapektuhan ang negosyo ng mga taga-palengke at hindi makakasagabal sa mga nakatayong negosyo sa nasabing lugar ang nasabing sidera.” Ito ang naging “compromise” ng mga taga-Sanggunian kung bakit nila pinayagan ang nasabing aktibidades.

Subalit isang araw pa lamang nakakapagtayo ng mga sidera ay inulan na kaagad ng reklamo ang lokal na pamahalaan.

Sa isang pormal na liham ni Konsehal Ivy Arago na ipinadala niya kay Vcie Mayor Larry Vidal noong December 15, sinabi niya na “makaraan po ang isang araw matapos po nating ipasa ang Resolusyon, marami pong motorista, mga resdente po ng mga barangay na tatayuan ng tiangge at magin opisyal ng Sangguniang Barangay ang nagrereklamo dahil sa matinding trapiko na idinulot ng mga tiangge sa kalsada. Marami ring negosyante ang apektado dahil sa mga tiangge na nasa harap ng kanilang puwesto. Maging ang mga miyembro ng San Pablo Federation of Market and Retailers ay tutol din.

“Sa halip po na magkaroon ng kaayusan na siyang hangarin ng Resolusyon, ito po ay nagdulot ng kaguluhan at pagsisikip ng trapiko at pinsala sa mga negosyanteng lehitimong taga San Pablo. Dahi po dito, humihingi po ako ng rekonsiderasyon sa lahat ng miyembro ng konseho na bawiin ang Resolusyong ito bunga ng maraming pagtutol n gating mga kababayan.”

Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y patuloy pa rin ang pagtatayo ng mga sidera sa mga nabanggit na lugar hanggang sa may palengke.

Isa na ngang tradisyon sa lunsod na ito ang taun-taon na lamang ay magtayo ng mga sidera tuwing sasapit ang kapaskuhan hanggang kapiyestahan ng lungsod.

Maraming taon na ring duon nga sa mga nabanggit na lugar itinatayo ang mga sidera na kalimitan namang paninda’y mabibili din sa San Pablo City Shopping Mall.

Sa panahon ni dating Mayor Boy Aquino, “binasag” niya ang ganoong tradisyon sa pagpapatayo naman ng mga sidera sa may paligid ng Dña Leonila Park hanggang sa ibaba ng Sampalok Lake at ang iba naman ay doon ipinalatayo sa may bakanteng lote na pag-aari nina Jose Gomez sa liwasan ng Sambat.

May kaukulan na ring City Ordinance hinggil sa “paggamit” ng kalsada: Hindi iyon pinapayagan ng lokal na batas.

Sa panahon pa rin ni dating Mayor Aquino sa panahon ng mga nabanggit na okasyon, lumuwag ang trapiko sa pusod ng kalunsuran dahilan nga sa walang mga siderang itinayo doon. Sumigla ang aktibidades sa may Sampalok Lake, na siya naming ipinagmamalaki ng lungsod na ito bilang siyang pangunahing pasyalan.

Kasabay sa pagsulpot ng mga sidera’y ang inaasahang kita ng lokal na pamahalaan.

Sa impormasyong nakalap ng DERETSO, pitong libong piso hanggang 14 na libong piso ang ibinayad ng mga may ari ng sidera sa isang Bong Mercado na hindi naman kunektado sa anumang sangay ng pamahalaan. Wala diumanong resibong ibinigay si Mercado bilang katunayan na nagbayad nga ng nasabing mga halaga.

Ayon pa sa impormasyon, hindi bababa sa 200 libong piso ang “siningil” ni Amante sa bawat “private contractor” ng sidera. Posibleng ang nasabing halaga’y hindi pumasok sa kaban ng lungsod.

Bente pesos hanggang trenta pesos bawat araw ang sinisingil sa mga sidera bilang bayad sa koryente, ayon pa sa imporamasyon. Wala ding resibong binibigay sa paniningil sa kuryente.

Sa pangangalap ng impormasyon ng DERETSO’y hindi pa kasama ang “hirit” naman ng bawat barangay chairman na nakakasakop sa pinagtatayuan ng mga sidera.

“Tyak po sa disperas ng kapyestahan ng San Pablo hihirit ang mga barangay chairman,” ayon sa isang impormante ng DERETSO.