| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Friday, November 18, 2005

Bakit bumango ang dumpsite ng Calauan?

Ulat ni Dodie C. Banzuela (Calauan, Laguna, November 18, 2005) – “Kaya nga secret, sikreto. Ito ang pabirong tinuran ni Mayor George Berris ng bayan ng Calauan sa tanong ng DERETSO kung ano nga ba ang sikreto ng kanyang bayan at nawala ang masangsang na amoy ng kanilang dumpsite na nasa gilid lamang ng provincial road sa may Brgy. Balayhangin.

“Masusing pagtupad sa itinakda ng batas, partikular ang Republic Act 9003,” ayon pa kay Berris.
Nakasaad sa RA 9003 o ang “The Ecological Waste Management Act of 2000” na pinagbabawalan na ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na itapon ang kanilang mga basura sa open dumpsite. Inuutusan silang i-convert iyon sa isang controlled dumpsite noon pang 2003 at mula doon ay i-convert naman iyon sa isang sanitary landfill bago matapos ang 2005.
Nakalagay sa isang ektaryang lupa na pag-aari ng munisipyo ng Calauan ang kasalukuyan nilang dumpsite na sa mahigit isang taong pagtupad nga nila sa nasabing batas ay gumastos sila ng may kalahating milyong piso kasama na ang pagbili ng dalawang equipment na siyang nagtutulak ng basura patungo sa isang bangin na bahagi pa rin ng nasabing dumpsite.
Nasa proseso na sila ngayon ng pagsasayos noon sa pagiging controlled dumpsite.
“Malaking pondo ang kakailanganin para ganap na matupad namin ang final phase na sanitary landfill, kaya nga’t sa ngayon, kahit man lamang sa proseso ng controlled dumpsite ay maalis na namin ang masangsang na amoy,” paliwanag pa ni Berris.
Tinabunan nila ng lupa ang dating tambak na basura at ito rin ngayon ang ginagawa nila sa kasalukuyan kaya’t nawala ang masangsang na amoy.
Hindi pa man nila ganap na naipatutupad ang “sourcing from the source” o ang paghihiwalay ng mga nabubulok at ‘di nabubulok na basura, na bahagi pa rin ng proseso tungo nga sa sanitary landfill, ay nawala na ang dati rati’y masamang amoy mula nga sa nasabing dumpsite.
Ayon pa kay Berris, kinakailangan pang isama niya sa Hongkong ang may 16 na barangay chairmen upang ipakita lamang sa mga iyon na ang tapunan ng basura sa nasabing bansa ay nasa mismong commercial area at katabi pa ng isang malaking television network.
“Kung nagagawa iyon sa Hongkong, kayang-kaya nating gawin din iyon dito sa ating bayan kung masinop lamang nating susundin ang itinakda ng batas,” paliwanag pa niya sa kanyang mga barangay chairmen.
Sa lugar din ng kasalukuyang dumpsite sila nakuha ng mga lupang itinatambak sa mga itinatapong basura.
“Ipinaguutos din ng batas na kaming mga nasa LGU ang siyang bahalang dumiskarte kung papaano namin ipatutupad ng tama ang hinggil nga sa solid waste management. Kaya nga’t sa tulong na rin ng Sangguniang Bayan, umaasa kami na magkakaroon na ng tuluyang kaayusan ang pangangalaga namin sa aming basura.”
Sa kasalukuyan, 50 pesos ang ibinabayad na garbage fee ng commercial sector at libre naman ang residential sector sa bayan ng Calauan.
“Matagal ng lokal na batas ito at pinagaaralan namin ngayon kung magkano ang itataas nito pati na rin ang ibabayad ng residential sector,” ayon pa kay Berris.
Sa nasabing panayam, nabanggit din ni Berris na nahuli nila ang ilang mga tauhan ng pamahalaang bayan ng Los Baños, Laguna na nagtatapon ng patago ng kanilang basura sa isang barangay ng Calauan.
“Naka-video iyon at inamin ng mga tauhan ni Mayor Cesar Perz na matagal-tagal na ring ginagawa nila iyon. Sa gabi at madaling araw kung sila’y mag-operate. Mabuti na lamang at sinabi sa amin iyon ng mismong mga taga-barangay kaya’t nabantayan namin. Ang masakit nga nito, hindi naman sa dumpsite namin sa Brgy. Balayhangin sila nagtatapon kung hindi sa isang abandonadong bodega na malayo sa dumpsite. Kung hindi namin nahuli iyon, lalabas na kami pa rin ang naglilinis ng basura ng Los Baños,” pahayag pa ni Berris.
Napasulat sa June 18, 2005 edition ng DERETSO ang mga sumusunod:
“Mahalagang banggitin na noon pang July 29, 1998 ay nagpalabas na ng Executive Order No. 2 si dating Laguna gobernador Jose D. Lina, Jr. na nagbigay ng isang taong palugit sa lahat ng bayan at lungsod sa Laguna hinggil nga sa tamang sistema ng pagtatapon ng basura. At dahil doon, nabuo noong Abril 21, 1999 ang Kapasiyahan Bilang 264, Taon 1999 na nagtatag sa Laguna Waste Management Council (LWMC).
“Saksi ang DERETSO sa ginawang mga pagpupulong ng LWMC kung papaano nga haharapin ang basura. At saksi din ang DERETSO kung papaano naman binalewala iyon ng ilang pamunuan ng mga bayan sa lalawigan, kabilang na ang Lungsod ng San Pablo (at Calauan). Kung kahit isa sanang bayan sa Laguna’y kumilos agad sa Kautusang iyon ni Lina, baka posibleng nakasama ang bayang iyon sa talaan ng DENR na modelo ngayon sa solid waste management ng bansa.
“Sa talaan ng DENR noong November 2003, may 21 siyudad at bayan lamang sa buong kapuluan ang nakasunod sa tamang solid waste management system at ito ay ang mga siyudad ng Puerto Princesa, Tuguegarao, Davao, Tacurong, Iligan, Naga, Legaspi, Sorsogon, Mandaue, Dumaguete, Butuan, Candon, Laoag at Valenzuela; at mga bayan ng Boracay Island, Malay, Aklan; Marasigan, Compostela Valley; Sta. Cruz, Marinduque; Sta. Barbara, Iloilo; San Joaquin, Iloilo; Camiguin; Moncada, Tarlac at Tuba, Benguet.
“Apat na sistema ang dapat ipatupad sa tamang pangangalaga ng basura, ayon na rin sa mga taga-DENR, at ito ay ang: a) Segregation at Source b) Segregated Collection c) Establishment of Materials Recovery Facilities in barangays, at d) Establishment of composting sites or facilities.”
Kung hindi pa sina mayor George Berris at vice mayor Jun Brion, baka nga hanggang ngayo’y umaalingasaw pa ang basura ng Calauan.


0 Comments:

Post a Comment

<< Home