Halos 34 milyong pisong halaga ng proyekto
Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela (San Pablo City, December 3, 2005) – “At the time of examination Color of the sample does not conform with the Philippine National Standard for Drinking Water (PNSDW).” Ito ang remarks na nakalagay sa isinagawang pagsusuri noong November 14, 2005 ni Ms Jeneth S. Catapang, chemist ng Batangas City Water District (BCWD) hinggil sa kalidad ng tubig sa Calibato Lake na nasa Brgy. Sto. Angel lungsod ng San Pablo.
Accredited ng Department of Health ang BCWD bilang water testing laboratory.
Sa kabila nito, may natanggap na ulat ang DERETSO mula sa pagkakatiwalaang source na balak pa ring ituloy ng San Pablo City Water District (SPCWD) sa 2006 ang pagsasagawa ng proyekto doon na magkakahalaga naman ng PhP 33,919,753.
Ayon pa sa source, mahigpit na isinusulong ni Mayor Vicente B. Amante sa pamamagitan naman ni Atty. Marciano P. Brion, Jr., board chairman ng SPCWD, ang nasabing proyekto.
Bukod sa Calibato Lake, balak din ng SPCWD na pagkuhanan ng tubig-inumin ang Lumbo Spring na nasa Dolores, Quezon at Balumbong Spring na sakop naman ng Calauan, Laguna.
Magkakahalaga ang proyekto sa Lumbo Spring ng PhP24,252,202 at PhP10,837,400 naman sa Balumbong Spring.
“Result of water analysis as per examination conducted by Batangas City Water District revealed that quality of the water from Lumbo and Balumbong Spring is a potable source,” ayon sa technical report na nakasulat sa “PROPOSED SUPPLY OF BULK WATER FROM CALIBATO LAKE, BRGY. STO. ANGEL, LUMBO SPRING AT DOLORES, QUEZON AND BALUMBONG SPRING AT CALAUAN, LAGUNA.”
“Unlike, the water to be extracted for Lumbo and Balumbong spring the water from Calibato Lake will need advance water treatment considering that this supply is surface water,” ayon pa rin sa nasabing technical report.
“I have reservations and apprehensions tapping Calibato Lake as an alternative source without conducting thorough feasibility studies. Sample from Calibato Lake discharge situated at Philbudeco was taken and had it analyzed for physical/chemical analysis as well as bacteriological test. Based on the results obtained, color of the sample does not conform with the PNSDW while presence of E.Coli was noted,” ayon naman sa written report na isinumite kay Engr. Redentor Derequito, division manager C for operation ng SPCWD ni Ms Ma. Porcia B. Esteban, chemist ng SPCWD na may noted naman ni Engr. Virgilio E. Amante, division manager C ng Engineering and Production Division.
“The district will not be able to control the main source. The assurance of providing our concessionaires with safe and potable water fit for human consumption will be self defeating,” ayon pa rin kay Esteban.
Surface water ang sa Calibato Lake, spring o bukal naman ang sa Lumbo at Balumbong kaya nga’t malaki ang posibilidad na patuloy na malalason pa ang Calibato Lake dahilan na rin sa patuloy na paggamit nito bilang industriya ng inland fishing.
Kabilang sa nakalistang gagastusin sa Calibato project na bahagi nga ng may 34 milyong piso ay ang gugugulin naman sa “source development” na magkakahalaga ng PhP11,475,500 at PhP885,000 para naman sa “land acquisition.” Gagastos din ng PhP14,039,985 para naman sa “pipelines.”
Nauna rito, ideneklera noong December 2001 ng mga taga-WaterTech mula sa Denmark na “hindi maganda ang kalidad ng tubig sa Sampalok Lake dahilan na rin sa pagkakaroon nito ng blue-green algae.” Resulta naman iyon sa isinagawang pag-aaral ng mga taga-WaterTech hinggil sa DANIDA project na nauna ng isinulong nina Engr. Roger Borja, general manager ng SPCWD, noong mga nakaraang taon.
At dahilan na rin sa resulta nga ng pag-aaral na iyon ng mga taga-WaterTech, sinabi pa ni Esteban sa kanyang report na, “One aspect that needs careful study is the presence of toxic algae which was confirmed from sample taken at Sampalok Lake last November 2001 and brought to Denmark by DANIDA for analysis. Specifically, blue-green algae was found positive and potentially toxic. Even the tender at Philbudeco informed us that presence of ‘lumot’ at the discharge do exist every now and then most especially during summertime.”
Sa isang media presentation na isinagawa ng SPCWD noong March 22, 2005, hindi kasama sa 10-year plan ng Distrito ang mga proyekto sa Calibato Lake, at maging ng sa Lumbo at Balambang Spring.
Pananaw ng DERETSO
Tanggap ng mga taga-San Pablo na kailangang paunlarin ng SPCWD ang kakayahan nitong makapag-supply ng tubig-inumin sa lumalaking populasyon ng lungsod.
Subalit hangga’t hindi nababago ang komposisyon ng board of directors ng Distrito at patuloy na namamayagpag ang mga kauri nina GM Borja at Teresita Rivera, asahang mahihirapang lunukin ng mga taga-San Pablo ang lahat ng mga panukalang may kinalalaman sa gastusin, lalo na nga’t ang gastusing iyan ay nagkakahalaga ng multi-milyong piso.
Bakit nga hindi’y sa pananaw pa rin ng mga tagalunsod ay nasasayang ang pondo ng Distrito sa mga walang kuwentang gastusin, na ang ilan dito’y litigation cost sa ilang mga kasong patuloy na dinidinig sa Sandiganabayan at sa Regional Trial Court sa Lungsod ng San Pablo na ang involve mismo ay ang datihan at ilang kasalukyang miyembro ng board at ilan din na nasa management staff ng Distrito. Dagdag pa ang hanggang ngayo’y hindi pa rin nareresolbang usapin sa resulta naman ng audit ng Commission on Audit hinggil sa 1997-1998 financial status ng distrito. At ang palpak na proyekto sa Dña Leonila Park na isinagawa ng mga taga-Distrito sa unang siyam na taon na panunungkulan ni Amante. May impormasyon na personal din iyong ipinagutos ni Amante na gawin sa kabila ng kakulangan sa sapat na pag-aaral hinggil sa kalidad ng tubig doon.
Sa pamamagitan ng text message, hiniling ng DERETSO kay Al Genove, tagapagsalita ng Distrito, na linawin ang hinggil nga sa nasabing usapin. Ipinaalala sa kanya na hindi nga kasama sa ipinirisinta niyang mga gagawing proyekto (noong March 2005) ang hinggil sa Calibato Lake at dalawa pang bukal. Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y hindi pa nagbibigay ng kaukulang paliwanag ang mga taga-Distrito.
Sa kabila ng isinumiteng report ng chemist ng Batangas City Water District hinggil nga sa kalidad ng tubig sa Calibato Lake ay pipilitin pa rin diumano nina Engr. Roger Borja, general manager ng Distrito, na ituloy ang nasabing hindi naka-prayoridad na proyekto. Katunayan, ayon pa sa impormasyong ipinarating sa DERETSO, “pinababago ni Borja ang report naman ni chemist Esteban.” Malaki ang posibilidad na ang pagbabago sa naunang report ni Esteban ay papabor na sa “kalidad ng tubig” sa Calibato Lake.
Ano ang bottomline? Talaga nga yatang desperado na si Amante na gatasan ang pondo ng anumang ahensiya ng pamahalaan sa lunsod, maging ito man ay sakop ng national government.