Tourist friendly ang Calauan, Laguna
KANTO KING: Ito ang bansag ngayon sa mga magta-tricycle sa Lungsod ng San Pablo dahilan na rin sa bawat kanto halos ng kalunsuran ay ginawa na iyong terminal.
DERETSO PHOTO FILE
Pananaw ni Dodie C. Banzuela (November 18, 2005) – Public transport ang isa sa salamin ng bansa at lugar. Kung sumusunod sa regulasyon ang kahit man lamang mga tricycle driver, mapagtatanto na magaling mamahala ang mga nasa lokal na pamahalaan.
Sa local transport industry ng bansa, bahagi na ng isang bayan, munisipalidad at siyudad ang passenger jeepney, tricycle at “de-padyak” bilang siyang mass transport. May ilan pa ring bayan sa Norte at lugar sa Maynila, partikular sa Divisoria, na ginagamit ang kalesa para maghatid ng pasahero.
Masarap sa pakiramdam ng isang pasahero na maayos siyang maihahatid sa kanyang patutunguhan. At tila nga ba bonus pa sa kanya kapag ang nasakyan niyang public transport ay sumusunod sa regulasyon – eksaktong ihahatid sa lugar at tama lamang ang halaga ng pasahe. At doble bonus pa kapag ligtas din siyang naihatid sa kanyang destinasyon.
Sa mga bayan sa lalawigan, in lieu of taxi ay tricycle ang siyang means of transport ng kahit nag-iisang pasahero sa pagtungo nito sa alinmang lugar ng kanilang bayan.
Sa bayan ng Calauan, Laguna ay “tourist friendly” ang mga magta-tricycle. Ito ang naramdaman ko sa ilang araw ko na ring pagtungo doon nang panahong nakaburol pa si Ivy-Collantes-Bautista, ang 27-taong gulang na Pinay domestic helper na napatay sa Spain noong September 27, 2005.
Taga-Brgy. Tagumpay, Calauan, Laguna si Ivy na ilang araw ding naiburol doon.
Sais pesos ang halaga ng minimum na pamasahe ng tricycle sa Calauan bawat pasahero kapag sa umaga, at siyete pesos naman kapag gabi.
Maraming mga nakaparadang tricycle sa may gilid ng munisipyo ng Calauan na tila nga ginawa na iyong regular na terminal ng tricycle. Ganoon man, marami din ang patuloy namang umiikot sa may lugar na iyon sapagkat doon din sa lugar na iyon nakatayo ang kanilang public market.
Nauna ng nasabi sa akin ni kasamang Iring Maranan ang halaga ng pamasahe sa Calauan at binigyang diin pa niya na kahit nag-iisa ang pasahero’y ihahatid kaagad sa nais puntahan.
Malimit na rin akong makapunta ng Calauan noong mga nagdaang buwan at taon, subalit hindi naman ako sumasakay sa tricycle doon sapagkat kalimitan ko lamang destinasyon ay sa mismong munisipyo at sa ilang malalapit na bahay sa paligid ng Simbahang Katoliko.
Hindi ako nahirapang makasakay ng tricycle sa may gilid nga ng munisipyo nang unang araw (October 28) akong magtungo sa burol ni Ivy.
Hindi pa ako halos nakakapagsindi ng sigarilyo’y nagtama na ang panangin namin ng driver ng isang paparating na tricycle. Sa mata at kaunting tanguan ay nagkaintindihan na kami na gusto kong sumakay sa kanyang tricycle.
Pagkahinto’y agad akong pumasok sa loob ng tricycle at sinabi kong ihatid ako sa burol ng namatay na OFW. Tumango lamang ang driver kasunod ng sabing, “Ahh, sa Brgy. Tagumpay.” Nilinaw ko pa sa kanya na hindi ko tukoy ang nasabing lugar na para bang ipinararamdam ko sa kanya na hindi ako taga-Calauan. Muli siyang tumango.
Binigyan ko ng sampung piso ang driver at nang susuklian na niya ako ay sinabi kong sa kanya ng lahat iyon dahil sa nag-iisa nga akong pasahero. “Anim na piso ‘lang po ang pamasahe dito kahit nag-iisa ang pasahero,” magalang na tugon ng driver.
Abut-abot ang pasasalamat sa akin nang ipilit ko sa kanya ang sampung piso. Nilinaw niya sa akin na bawal sa kanila ang maningil ng sobra sa itinakdang minimum fare.
“Hindi mo yan siningil sa akin, kusa kong ibinigay,” sabi ko sa kanya habang umiibis na ako.
Hindi rin ako nahirapang sumakay noong gabing iyon, at gaya nga ng nasabi sa akin ni kasamang Iring Maranan, siyete pesos lamang ang dapat kong ibiyad kahit nagisa akong pasahero pabalik sa may palengke.
At naulit ang eksena noong umaga. Muli, magalang na sinabi sa akin na bawal sa kanila ang maningil ng sobra.
Sa mga lalawigan, ganap ng ibinigay ng Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) sa local government unit ang direktang pamamahala sa industriya ng tricycle, halos maglalabing-limang taon na ang nakaraan. Partikular dito ang pagkakaloob ng prangkisa sa mga tricycle operator at ang pagtatakda ng minimum fare. Bahagi iyon ng pagpapatupad sa decentralization na siyang diwa naman ng Local Government Code of 1991.
Land Transportation Office (LTO) pa rin ang siya namang nagbibigay ng kaukulang lisensya sa mga driver at plaka ng sasakyan.
Sa panayam ng DERETSO kina Mayor George Berris at Vice Mayor Jun Brion ng Calauan, sinabi nila na talagang mahigpit sila sa pagpapatupad ng regulasyon sa industriya ng tricycle na mismong nasa industriyang ito ang siyang nagbuo ng ganoong regulasyon.
“Aktibong naging bahagi ang mga driver at operator ng tricycle nang kasalukuyan naming binubuo sa Konseho ang regulasyon,” ayon kay Brion.
“Tagapagpatupad lamang ako ng nabuong lokal na batas kaya’t walang dahilan upang magpatumpik-tumpik ako sa pagpapatupad noon para sa kagalingan ng lahat,” ayon naman kay Berris.
Sa simula’y marami diumanong bumatikos kay Berris sa mga unang panahon nang pagpapatupad ng regulasyon sa tricycle, subalit kinalaunan ay nakita ng mga nasa industriya na maganda iyon para sa kanila.
“Kalimitan, mga taga-ibang bayan at lugar pa ang nakakapansin sa magandang palakad ng tricycle dito sa amin,” ayon pa kay Berris.
Hindi maiiwasang ikumpara ang Calauan sa Lungsod ng San Pablo sa bahagi ng sistema ng operasyon ng tricycle.
Sampung piso ang ibinigay ko sa nasakyan kong tricycle sa Calauan sapagkat simbolo iyon na na-appreciate ko ang serbisyo ng mga taga-Calauan na magta-tricycle.
Hindi ko naranasan sa Calauan ang matagal ng nararanasan ng mga mananakay ng tricycle dito sa San Pablo -- hindi pa man nakakasakay ay sunod-sunod na tanong na: “Saan ka?, Magkano ang ibabayad mo?”
Sa San Pablo kasi, maraming ulit nang natalakay sa mga pahina ng DERETSO ang nakakabaliw na operasyon ng tricycle dito.
Kung anu-ano na ang ibinansag sa kanila sa pahina ng DERETSO – haragan, balasubas, ganid, walang konsensya, at sa huli nga’y natawag pa naming mga Demonyo. Tinawag naman naming mga Anghel sa Lupa ang mga magta-tricycle na mabait at sumusunod sa batas, lalo na sa usapin ng pamasahe.
Usapin ng pamasahe sa tricycle ang hanggang ngayo’y hindi pa rin maresolba sa San Pablo.
Sa regulasyon ng lungsod, nakabatay sa unang kilometro ang minimum fare at dagdag na singkuwenta sentimos sa bawat kilometrong susunod.
Otso pesos ngayon ang minimum fare ng tricycle sa San Pablo na mula sa dating anim na piso.
Nakasaad din na dapat magbigay ng 20% discount sa mga mag-aaral at senior citizen. Na dapat sana’y isama na rin ang mga school teacher.
At dahil nga sa para itong taxi, kahit nag-iisa at kahit saang lugar sa buong kalunsuran ay dapat ihatid ang pasahero.
Hanggang ngayo’y nilulumot na ang reklamo sa mga magta-tricycle sa San Pablo: Tumatangging isakay ang nag-iisang pasahero. Magsasakay kung babayarang lahat ang para sa pang-apatang pasahero.
Pagkakaroon ng regular na terminal sa bawat kantuhan ng kalunsuran ang siyang nagpapalala sa paniningil ng sobra ng mga magta-tricycle. Komo nakapila, dapat puno ang tricycle bago umalis sa pilihan. Papaan naman ang nag-iisang pasahero na maraming bitbit at nagmamadali? Papaano ang pasaherong bumili lamang ng gamot para sa may sakit niyang kaanak? Papaano ang du-duty pang pulis? Papaano ang piskal na mau hinahabol na hearing? At walang katapusang papaano…
Kadalasan din, sa pasahero pa isinisisi kung bakit kailangan nilang maningil ng sobra: “nag-iisa ‘lang kasi,” “walang pasahero pabalik,” “masama ang kalsada,” “malayo”.
Tinatayang nasa mahigit anim na libo na ang tricycle unit na pumapasa sa kalunsuran. Sa law of supply and demand, bentahe sana ang mga consumer – bababa ang presyo ng bilihin kapag maraming supply. Pero sa industriya ng tricycle sa San Pablo’y, kunsimisyon ang abot ng consumer.
Halos bawat barangay ay may regular na pumapasada doon na may kanya-kanya na ring terminal.
Wala sa regulasyon ng lungsod ang pagkakaroon ng terminal ng tricycle. “Pribelehiyo lamang ito na maaaring alisin anumang oras,” ayon sa paliwanag ng dating namamahala sa trapiko ng lungsod. “Pahingahan lamang nila dapat iyon at kahit sinu ay maaaring sumakay doon at magpahatid sa gusto niyang destinasyon sapagkat in lieu of taxi ay ganoon ang kanilang serbisyo sa publiko,” paliwanag pa ng dating namamahala sa trapiko ng lungsod.
Subalit hindi ganoon ang nangyayari nga sa Lungsod ng San Pablo. Sabi ko nga’y nilulumot na ang usapin ng tricycle sa lungsod.
Kung ang mismong operasyon pa lamang ng tricycle sa lungsod ay hindi kayang pagbutihin ng mga namumuno sa San Pablo’y mahihinuhang ganon kapalpak ang mga namamahala sa lokal na pamahalaan ng lungsod.
Sinusubukan ngayong itaas ng lungsod ang industriya ng turismo sa San Pablo, subalit papaano kung ang salamin ng lunsod ay puro agiw? Puro mga balsibe’t holdaper? Puro pa-tarpoline epek?
Hindi lamang Calauan ang una nang nabigyang papuri sa pahina ng DERETSO sa bahagi ng industriya ng tricycle. Naga City ang unang hinangaan ng DERETSO.
Mahalagang banggitin na si Mayor Vicente Amante ang siyang mayor ng San Pablo nang una ngang isalin ng LTFRB sa mga local government unit ang tuwirang pamamahala sa industriya ng tricycle. Unang taon ng pagme-mayor niya noon na personal nating nakapanayam at sinabi niya na, “pagsama-samahan natin ang pagbubuo ng magandang regulasyon para sa kagalingan ng lahat.”
Hindi natin alam kung sinu-sino ang nakasama niya sa pagbubuo ng regulasyon kaya’t kung ano noo’y mas malala pa sa ngayon.
Hindi kaylanman kayang baguhin ang demonyong paguugali ng mga magta-tricycle sa Lungsod ng San Pablo kahit na nga lagyan pa ng kulay penk na picture ang plaka ng sidecar.
Sa isang banda’y baka nga ang kulay penk na picture na iyon at ang nagsisikip na pirma ng mga balsibe ding lingkod bayan ang siyang patuloy na nagpapa-satanas sa ugali ng mga magta-tricycle sa Lungsod ng San Pablo.
Nawa’y maputol na nga ang pangit na kultura ng operasyon ng tricycle sa San Pablo upang hindi naman masabisabi ng mga lokal at dayuhang turista’y “kung ano ang nakalarawan sa salamin ay iyon din ang tunay na itsura ng pamunuan ng Lungsod ng San Pablo.”